DAMANG-DAMA NI Carl ang guilt ni Ritz sa nangyaring pagkakabugbog sa kanya. Araw-araw itong dumalaw sa kanilang bahay upang makita kung umaayos na ba ang lagay ni Carl. “Pumupusyaw na ang mga pasa mo,” minsang pansin ni Ritz. Kinubli ni Carl ang pagkakilig sa pamamagitan ng pagbibiro, “Anong ibig sabihin ng pumupusyaw?”
Tiningnan s’ya ni Ritz, tumaas ang isang kilay nito, “Pumupusyaw, lumalabo. Ibig sabihin, gumagaling na ang mga pasa mo.”
“Ah ‘yun ba ‘yon?”
Ngumiti si Ritz. “Kunwari ka pang hindi mo alam.”
“Limited lang vocabulary ko, e.”
“Limited ba talaga o nili-limit mo lang?”
“Limited talaga.”
Muling ngumiti si Ritz. “Ah kaya pala.”
Nagsalubong ang mga kilay ni Carl. “Anong ‘ah kaya pala?’”
“Wala. Iba na lang ang pag-usapan natin. ‘Yang balakang mo, ok na ba?”
“Ang daya mo naman. May sisimulan ka, tapos iibahin mo.”
“H’wag na nga lang nating pag-usapan.”
Sandaling natahimik si Carl. Tinitimbang ang susunod na sasabihin. Dinig n’ya ang pagkainis sa tono ni Ritz. Ayaw n’yang tuluyan itong mainis sa kanya nguni’t bawat sabihin nito ay kanyang natatandaan, kanyang dinidibdib, at kanyang binibigyan ng kung ano-anong kahulugan. Nais n’yang malaman kung ano ang ibig nitong sabihin sa huling tinuran. Nais n’yang malaman kung ano ba ang iniisip nito, kung ano ang tingin nito sa kanya, kung ano ang saloobin nito pagdating sa pakikipag-ugnayan sa kanya. Huminga nang malalim si Carl, parang humihigop ng lakas ng loob. Nanaig sa kanya ang kagustuhang malaman ang iniisip ni Ritz. “Bahala na kung mainis s’ya,” sabi n’ya sa sarili.
“Tingin mo ba talaga limitado ang bokabularyo ko?”
“Sabi nang h’wag pag-usapan, e.”
“Sinabi mo na, e. Tapos, babawiin mo. Gusto kong malaman kung bakit ‘yun ang iniisip mo.”
“Ba’t ba concerned ka pa sa iniisip ko? Kalimutan mo na lang na sinabi ko ‘yon.”
“Gano’n na lang? Basta kalimutan na lang? E, sa natatandaan ko pa. Kasasabi mo lang. May mga sinasabi ba ako sa ‘yo na tingin mo kulang ang mga salita ko? Hindi ko ma-express, hindi ko mapaliwanag kaya naisip mong limitado ang bokabularyo ko?”
“Ang kulit mo.”
“Gusto ko lang malaman.”
“Ba’t ba gusto mo pang malaman?”
“Siyempre, magkaibigan tayo kaya dapat alam ko kung ano ang tingin mo sa akin.”
‘Di matiyak ni Carl kung bahagyang gumuhit sa mukha ni Ritz ang pagkagulat nu’ng sinabi n’yang magkaibigan sila. “Umaasa kaya s’yang higit pa kami sa magkaibigan?” tanong ni Carl sa sarili. “O umaasa ba akong higit pa sa magkaibigan ang tingin n’ya sa amin?”
Unti-unting dumating ang kasagutan sa mga katanungan ni Carl. Muling nagsalita si Ritz. “Sobrang bait mo namang kaibigan. ‘Pag may kailangan ang kaibigan mo, mabilis pa sa alas-tres andu’n ka na para tumulong. Pinagda-drive mo ang kaibigan mo kahit malayo at matagal ang biyahe. Bawat hingin ng kaibigan mo, pinagbibigyan mo. Pati bugbog, sinasalo mo para sa kaibigan mo.”
“Konti lang naman ang friends ko, hindi naman mahirap ‘yon.”
“Ganito ka rin ba kay Arianne?”
Nagulat si Carl. “Si Arianne?” tanong n’ya. “Ano’ng kinalaman ni Arianne?”
“ ‘Di ba friend mo s’ya?”
“Oo. Pero…”
“E, ‘di ganito ka rin sa kanya?”
“Siguro. Oo. Basta ‘pag friend, helpful talaga ako.”
“Bakit nagseselos s’ya sa akin?”
Lalong nagulat si Carl. “Pa’nong selos? Si Arianne? Hindi marunong magselos ‘yon.”
Hindi natakpan ng konting paghalakhak ni Carl ang nerbiyos sa kanyang tinig. “Nagseselos si Arianne?” tanong n’ya sa sarili. “Hindi p’wedeng magselos ‘yun.” Paulit-ulit na sinigaw ng kanyang isipang hindi maaaring magselos si Arianne. Paulit-ulit na tinatanggi ng kanyang isipan ang kay tagal ng hinala ng kanyang puso. Tibok ng kanyang puso: “Matagal nang may gusto sa ‘yo si Arianne.”
“Ang tingin n’ya sa akin,” marahang sabi ni Ritz. “Ang mga mumunting pag-irap. Tumatagos sa mga mata n’ya ang mga bagay na ayaw n’yang paglandasin sa kanyang bibig. May gusto s’ya sa ‘yo. Nagseselos s’ya sa akin. Kung sasabihin mong magkaibigan lang tayo, tatanggapin ko ‘yon. At tatanggapin kong hanggang doon na lang nga tayo. Pero hindi ako manhid. Ang mga kilos mo, ang mga ginagawa mo, ang mga sinasabi ng mga mata mo. Alam kong hindi lang tayo magkaibigan. Sabihin mo sa akin ngayon kung ano ba talaga tayo. Sabihin mo kahit na limitado ang iyong bokabularyo.”
Tiningnan ni Carl si Ritz. Ang sabi ng kanyang isipan: “‘Pag sinabi mong may gusto ka sa kanya, baka ngayon pa lang, mabasted ka na. Mapapahiya ka lang. Mabuti na ‘yung hindi ka nakapagtapat para hindi nakakahiya kung ayaw n’ya talaga sa ‘yo.”
Sabi naman ng kanyang puso: “Ngayon ka pa aatras? Ano naman ngayon kung hindi ka n’ya gusto? Ang mahalaga, malaman n’yang gusto mo s’ya. Kung tanggihan ka man n’ya ngayon, hindi matatapos ang panahon. Darating din ang araw, ‘pag lalo ka n’yang nakilala, lalo ka n’yang naunawaan, magugustuhan ka rin n’ya. Ano? Sabihin mo na ang totoo. Ang pag-ibig ay para lamang sa matatapang.”
Lumunok si Carl. Handa na nga ba s’yang maging matapang?
(Itutuloy)