Naputol ang pagbuo ni Carl ng tapang sa kanyang dibdib nu’ng muling magsalita si Ritz.
“‘Yung sinasabi mo kasi –”
“Ayoko nu’ng marami pang paliguy-ligoy. ‘Yung marami pang ayaw sabihin. Dati, gustung-gusto ko ang mga patlang, ‘yung katahimikang tumatayo sa pagitan ng dalawang tao. Pero dati ‘yun. Nu’ng bata pa ako. Tanga pa. Ngayon, gusto ko, diretsahan. May gusto ka ba sa akin o wala?”
“Gusto kitang kasama. Masarap kang kausap. Gusto kitang kausap. Friends tayo. Ok naman ‘yun, ‘di ba? Kung humantong pa sa kung saan, e ‘di tingnan natin.”
Ngumiti sa kanya si Ritz, ngiting magkadaiti ang mga labi, ngiting pinipigilang paglandasin sa pagitan ng mga labi ang tunay na iniisip. “Sayang,” simula ni Ritz. “Gusto pa naman kita. Hindi pang friends. ‘Yung gustung-gusto.”
Si Carl naman ang napangiti. Kilig na kilig man s’ya sa loob-loob n’ya, ngiti rin ang pinampigil n’ya sa paglabas ng kanyang pagkakilig. “E, ‘di tingnan nga natin. P’wede naman ‘yun, ‘di ba?”
Sumeryoso ang mukha ni Ritz. Nakaramdam ng kaba si Carl. Sa tuwing makikitang seryoso si Ritz, nakararamdam talaga s’ya ng takot. Natatakot s’yang baka bumuga ng galit si Ritz. Natatakot s’yang banggain ang galit ni Ritz. Hindi n’ya malaman kung bakit ngunit ‘pag galit si Ritz, nababalutan ng takot ang buo n’yang katawan.
“Hindi ka nakikinig. Ang sabi ko, ayoko sa paliguy-ligoy. Gusto ko diretsahan. Diniretso mo na ako. Wala kang gusto sa akin.”
“‘Yung pagkagusto, iba-iba naman ‘yun. ‘di ba? P’wedeng hindi pa du’n sa level na gusto mo. P’wedeng mas mababa pero papunta na rin naman du’n.”
“Ayoko sa papunta pa lang, gusto ko ‘yung nandu’n na.”
“Tingnan nga natin. Hindi naman kaagad-agad ‘yung gano’n, e. ‘Pag sinabi ko bang gusto na rin kita, tayo na?”
Lalong kinabahan si Carl. ‘Di na n’ya napigilang sumugal. Ito na ang sandali ng ibayong kaligayahan o ibayong kalungkutan. Ang sagot ni Ritz sa kanyang tanong ang s’yang magtatakda ng daang tatahakin ng kanyang puso. Ito ba’y daang lantay ng kasiyahan o daang lubog sa kalungkutan?
Nagulat si Carl. Bigla s’yang hinagkan ni Ritz sa labi. Magaang lamang ang pagdampi ng mga labi ni Ritz, sandaling-sandali lamang nguni’t para kay Carl, sa gitna ng matamis na pagkagulat, para sa kanya, sa sandaling ‘yon, tumigil ang panahon ang humakdaw sa walang hanggan.
Ilang sandali silang nagpalitan ng pagtitig ni Ritz. Blanko ang isipan ni Carl. Tanging puso lamang n’ya ang nagsasalita, bumibilis sa pagtibok habang ‘di magkamayaw sa sinasabi nito sa kanya: “Ito na ang pinakahihintay mo! Ito na ang sandaling bubura sa lahat ng kabiguan at kalungkutang pinagdaanan mo! Ito na ang babaeng tanging para sa ‘yo!”
Masuyong dumapo ang kamay ni Carl sa batok ni Ritz, marahan n’yang kinabig ang babae. Hinalikan n’ya ito sa labi, higit na mariin, higit na matagal. Sa pagkakalubid ng kani-kanilang mga labi, pakiramdam ni Carl, hindi umusad ang mga sandali, pakiramdam n’ya, napako ang panahon sa kasalukuyan. Ayaw n’yang matapos ang pagkakapakong ‘yon. Ayaw n’yang tapusin ang kasalukuyan ng pag-usad ng mga sandali. Nguni’t marahang kumawala si Ritz sa kanyang mga halik.
“Limited nga ang vocabulary mo,” nakangiting sabi ni Ritz.
“Napatunayan mo ba?” nakangiting sagot ni Carl.
“Oo.”
At muli s’yang hinalikan ni Ritz.
KUMIKIRUT-KIROT PA ang ilang bahagi ng katawan ni Carl pero pumasok na s’ya sa clinic. Maayos na naman ang lagay ng mga kamay n’ya, naisip n’ya. Mga kamay ang pangunahing mahalaga sa kanyang trabaho. Binati si Carl ng naghihintay na unang pasyente sa araw na ‘yon. “I’m brave na, Doc!” sabi ng 8-year old na lalakeng dati’y kinakailangan pang hilahin ng kanyang mommy para lamang pumasok sa clinic at magpatingin ng ngipin.
“S’ya pa nga ang nagyaya,” susog ng mommy nito. “Kagabi pa sumasakit ang ngipin. Binigyan ko lang ng pain killer. Nagulat ako nu’ng biglang nagyaya kaninang pumunta na raw rito.”
Hinarap ni Carl ang batang pasyente. “Told you last time, you’re brave. Nalilimutan mo lang.”
“I remember na. I’m brave. Sabi mo dati, you know I’m brave kasi brave ka rin. Now, pareho na tayong brave, Doc.”
Habang kausap ni Carl ang batang pasyente sa receptionist area, hindi n’ya napansing nakasilip sa kanila si Arianne mula sa clinic proper. Iniwan nito ang mga instrumentong ini- sterilize nu’ng marinig ang tinig ni Carl. Dumungaw ito upang salubungin si Carl. At ang sumalubong sa kanya’y ang tuluyang pagkadurog ng kanyang puso habang inaalala ang dati’y nababanggit kay Carl: “Ang pag-ibig ay para lamang sa matatapang.”
(Itutuloy)