Maldita Lover (15)

RomancenovelNILILIGPIT NI Arianne ang mga instrumentong ginamit kasama na rin maging ang mga maliliit na laruang ginagamit nila upang papayapain ang iyak at takot ng mga batang pasyente habang walang humpay si Carl sa pagkukwento. “Basta biglaan,” naulinig ni Arianne habang tahimik n’yang tinatapos ang gawain.

“Nagulat talaga ako. Akalain mo ‘yon?”

Hindi pa rin umiimik si Arianne pero walang pakialam si Carl. Tuluy-tuloy lang s’ya sa pagkukuwento tungkol sa kung paanong naging sila ni Ritz. Sa sobrang kasiyahan n’ya, hindi n’ya napansin ang mga luhang nilulunok ni Arianne sa tahimik nitong pagtupad sa gawain bilang kanyang dental assistant. Natigil ang pagkukwento ni Carl nu’ng nahulog ni Arianne ang basong plastic na may design na Spiderman. Pupulutin na sana ito ni Arianne nguni’t inunahan s’ya ni Carl.

“Oh ingat,” sabi ni Carl habang pinupulot ang nahulog na baso. “Ok ka lang ba? Masyado ka yatang napagod dito nu’ng wala ako, e.”

“Ok lang,” sabi ni Arianne. “Gusto lang sana kitang makausap. ‘Yung seryosohan.”

“Tungkol kay Ritz?”

“Hindi lahat tungkol sa babae mo.”

Nabigla si Carl sa pambabara ni Arianne. “Sabi na sa ‘yo e,” narinig n’yang sabi ng kanyang puso. “May gusto nga sa ‘yo kaya ayan, galit.” Pero sabi naman ng kanyang isipan: “May gustong pag-usapang seryosohan, pinasok mo ‘yung tungkol sa inyo ni Ritz, natural magagalit ‘yan. Baka may problema, puro tungkol sa sarili mo ang gusto mong pag-usapan. Napaka-insensitive mo.”

“Sorry,” sabi ni Carl. “Ano ba ‘yung gusto mong pag-usapan?”

“Naisip ko kasi, nu’ng nagpapagaling ka. Mag-isa ako rito sa clinic. Kahit nu’ng una, hinahanap ka nu’ng ibang pasyente, sa huli, naging palagay naman sila sa akin. Meron ding tiningnan muna ang lisensya ko, nasanay na kasing assistant mo ako. Pero wala akong mali sa kanila, lahat sila natuwa naman. Meron pang nagsabing sa susunod, ako na lang ang hahanapin. Carl, nu’ng nagpapagaling ka, naalala kong dentista nga rin pala ako. Natulungan na kita rito sa clinic mo. Gusto ko namang tulungan ang sarili kong bumalik sa pagiging dentist.”

“Aalis ka na?”

“Sana sa isang linggo.”

“Ang bilis naman.”

“Nag-retire daw ‘yung resident dentist sa public hospital sa amin, e. Kilala nu’ng direktor ng ospital ‘yung parents ko. Pinatanong kung interesado ba ako. Umoo na ako.”

Sandaling nag-isip si Carl. Gusto man n’yang pigilan muna si Arianne dahil mahirap makahanap ng dental assistant, hindi naman n’ya maikakailang pagtulong lamang sa kanya ni Arianne ang pananatili nito sa clinic. Ayaw rin n’yang mapako na lamang si Arianne sa pagiging dental assistant gayong dentista rin naman itong tulad n’ya.

“Well, I’m so happy for you,” tanging nasabi ni Carl.

“Sorry ha?” sabi naman ni Arianne. “Short notice. Baka makalampas pa e, sayang naman ‘yung opportunity.”

“‘Di bale,” sabi ni Carl. “Kahit alam kong hindi ako makakahanap ng kasing husay mo, ang mahalaga e magpa-practice ka na rin.”

Nu’ng ipaalam ni Carl kay Ritz na iiwan na ni Arianne ang kanyang clinic, kumibit-balikat si Ritz. “Oh well,” sabi nito. “Malakas talaga tama n’ya sa ‘yo.”

“Ayan ka na naman sa teorya mo.”

“Hindi teorya. It’s the truth.”

“Sakto naman ‘yang truth mo, biglang nagkaroon ng opening du’n sa ospital sa kanila.”

“Malay mo nagdadahilan lang s’ya.”

“Talagang pinagdidiskitahan mo si Arianne, ‘no? Baka ikaw ang nagseselos sa kanya?”

Tiningnan ni Ritz si Carl. Gamit ang parehong kamay, hinawakan nito ang mukha ni Carl. “Wala akong dapat ipagselos.”

At hinalikan ni Ritz si Carl sa labi. Sa sala sa bahay ni Carl kung saan unang naglapat ang kanilang mga labi, muling nadama ng puso ni Carl ang matagal nang ninanasang kaligayahan. Ang akala ni Carl ay magtatagal pa ang kaligayahang nadarama nguni’t biglang tumunog ang kanyang cellphone. Hindi n’ya na sana titingnan ito nguni’t sa pagkakadaiti ng kanilang mga labi ni Ritz, ang babae na ang kusang nagsalita, “May nag-text. Baka importante.”

Si Ritz na rin ang umabot sa cellphone ni Carl. Binigay n’ya ito sa lalaki. Binasa ni Carl ang text, galing kay Rand. Gustong makipagkita ni Rand, importante raw. Silang dalawa lang sana.

“Si Rand lang,” sabi ni Carl.

“Bakit daw?”

“Mag-meet daw kami. Importante raw. Baka may problema.”

“‘Di nga namin masyadong nakakausap lately, e.”

Kinabukasan kinatagpo ni Carl si Rand. Sa coffee shop na madalas nilang puntahan upang maghuntahan, dumating si Carl na naghihintay na si Rand. Napansin ni Carl na dalawang baso na ng iced coffee ang nasa mesa ni Rand. Ang isa’y wala nang laman at ang isa’y nangangalahati na.

“Mukhang importanteng usapan ‘to ha?” bungad ni Carl kay Rand habang umuupo sa tapat nito. “Parang kanina ka pa rito, e.”

“Nagpaaga talaga ako. Gusto kong pag-isipang mabuti ang sasabihin ko.”

Nagawa pang magbiro ni Carl. “Uutang ka ba?”

Hindi pinansin ni Rand ang pagbibiro ni Carl. “Narinig ko si Ritz, kausap ‘yung isa naming housemate. Mga brods namin ang nambugbog sa ‘yo. Pinakiusapan nila. Gusto ka talagang ipabugbog ni Ritz.”

 

(Itutuloy)

Previous articleSari Saring Chikka 05/26/14
Next articleMakiuso Ngayong Summer

No posts to display