HALOS MAUPO si Carl mula sa kinauupuan habang pina-process ng isipan ang narinig mula kay Rand. “Sigurado ka ba?” tanong n’ya sa kaibigan.
“Mukha ba akong unsure?” ganting tanong sa kanya ni Rand.
“Ang labo. Totoo ba talaga ‘yan? I mean, bakit naman?”
“As usual, tine-test ka.”
“As usual?”
Uminom muna si Rand, bumuwelo. “All this time, tine-test ka n’ya. ‘Yun ang narinig ko. ‘Yun na ‘ata talaga ang ginagawa n’ya sa mga nanliligaw sa kanya simula nu’ng maligawan s’ya.”
“‘Yung test na titingnan kung talagang seryoso ‘yung lalaki, tipong magpapahabol, kunwari ayaw, o kaya ipakikilala sa friends para makita kung kakayanin ang scrutiny ng friends, ‘yung mga gano’ng tests, understandable. Pero ‘yung may bugbugang kasama. Rand, ilang araw akong hindi nakapasok sa clinic dahil sa bugbog na ‘yun.”
“E, sa ‘yun nga ang sabi.”
“Baka naman mali lang ‘yung dinig mo.”
“Walang problema ang tenga ko.”
“Pero –”
“Magkaibigan tayo. Ayokong mapahamak ka. Kahit sis ko si Ritz, hindi ko naman gustong parang pinaglalaruan ka lang n’ya.”
“Ang tindi nga siguro ng insecurities n’ya.”
Kumunot ang noo ni Rand. “Iniintindi mo pa? Pinabugbog ka na nga.”
“E, baka may nangyari sa kanya dati, tipong traumatic kaya gustong makasiguro sa mga nanliligaw sa kanya. Baka ‘yun ang source ng insecurity n’ya. ‘Yun ang rason kaya n’ya ako pinabugbog. ‘Yan e, kung pinabugbog nga n’ya ako.”
Nangiti si Rand. “Tindi mo rin. Tibay mo. Kung ano-ano na ang ginawa sa ‘yo ni Ritz, umabot na sa pagpapabugbog sa ‘yo, iniintindi mo pa rin.”
“S’yempre concerned ako sa kanya.”
“Sa kanya concerned ka, e sa sarili mo?”
Napabuntong-hininga si Carl, tinitimbang ang susunod na sasabihin. “Rand, na-a-appreciate ko ang concern mo sa akin. Na-a-appreciate ko ‘tong sinasabi mo sa akin ang mga naririnig o nalalaman mo tungkol kay Ritz. Pero, ‘di ba gano’n naman talaga? ‘Pag mahal mo ang isang babae, kahit ano pang gawin n’ya, kahit magmukha pa s’yang luka-loka o psychotic, mamahalin mo pa rin s’ya. Iintindihin mo kung ano ang nangyayari sa kanya, kung bakit s’ya nagkakagano’n.”
Sandaling natahimik si Rand. Halos maubos na n’ya ang iniinom bago pa muli s’yang nakapagsalita. “Wala na bang iba, Carl? Marami namang ibang babae d’yan. Nag-ke-care din naman ako kay Ritz, favourite sis ko pa rin s’ya. Pero sa inaasta n’ya, ‘di ko s’ya gusto para sa ‘yo. Mahirap magmahal ng babaeng psycho.”
“Kung magsalita ka naman.”
“E, ano’ng tawag mo ro’n, matino?”
“Bothered lang. Disturbed. Perplexed.”
Marahang natawa si Rand. “May perplexed ka pang nalalaman.”
“Sa ‘yun ang word na naisip ko, e.”
“So, ano nang balak mo?”
“E, ‘di tuloy lang. Siguro, kausapin ko rin s’ya tungkol sa sinabi mo. P’wedeng mag-deny, pero ok lang. I-deny man n’ya o aminin, basta tuloy lang kami.”
“‘Di ka natatakot?”
Noo naman ni Carl ang kumunot. “Ano naman ang dapat kong ikatakot? ‘Di naman n’ya ako kayang bugbuging mag-isa, e. Magpapatulong na naman ‘yon sa mga brods n’yo.”
“Nakuha mo pang magbiro.”
“Wala naman akong magagawa, e. Masakit sa kung masakit. Physically and emotionally. Lalo na nga siguro emotionally. Pero mas masakit ‘yung ‘di ko na s’ya makita, ‘di ko na makausap, ‘di na makasama. Mas masakit ‘yung maghiwalay kami.”
“Dati akala ko cute ‘yung pagiging pilya ni Ritz. Mahilig sa mga pranks, mahilig sa gimikan ang mga tao. Pero ngayon, siguro dahil ikaw na ang naging biktima, hindi na s’ya cute para sa akin. ‘Di lang s’ya basta pilya, Carl. Psychotic na ‘yun. Ang babaeng psychotic hindi na pinagtitiyagaan.”
Sinubukan ni Carl na i-lighten ang kanilang usapan. “Psychotic ka naman agad. Hindi s’ya psychotic. Pilya lang. Maldita.”
“Alam mo ba kung paano magmahal ng maldita?”
Natawa si Carl. “So pumapayag ka nang maldita lang s’ya at hindi psychotic?”
“Maldita na kung maldita. Alam mo nga kung paano magmahal ng maldita?”
“Ganito. Kung may gawin s’yang ‘di nakabuti sa akin, tatanungin ko s’ya, kakausapin, uunawain.”
“Lalo lang ‘yung magmamaldita.”
“E, ayoko nga ng hiwalayan.”
“‘Di ko naman sinabing hiwalayan mo.”
“Pa’no nga magmahal ng maldita?”
Tuluyang inubos ni Rand ang kanyang iniinom. “Sa pagiging maldito.”
(Itutuloy)