Maldita Lover (17)

RomancenovelKALAHATING ORAS na lang at sisikat na ang papasilip na araw, gising pa rin si Carl. Nakailang check na s’ya sa aircon sa kanyang kuwarto, sinisisi ang maalinsangang gabi sa ‘di pagdalaw sa kanya ng antok. Sa ika-pitong beses na pagtayo n’ya mula sa kanyang kama, tuluyan na s’yang lumabas ng kuwarto.

Dumiretso s’ya sa veranda. Sa ilalim ng mesitang naroroon, kinuha ni Carl ang isang kaha ng sigarilyo. Dating chain smoker ang kanyang dad sa kabila ng pagiging dentista nito. Sa pamumuwersa ng kanyang mommy, anim na taon na ring tinigilan ng kanyang dad ang bisyo nito. Nakita ni Carl kung paano tiniyaga ng kanyang mom ang pagpapaalis sa bisyo ng kanyang dad. Naroong bantayan ito sa bawat sandali, ultimo sa paggamit ng banyo, nakabantay sa labas ang kanyang mom. ‘Pag lumabas ng banyo ang kanyang dad, papasok sa banyo ang kanyang mom upang maamoy kung ito ba’y nanigarilyo.

Pinadaan din ng mom ni Carl ang asawa sa iba’t ibang mga pamamaraan ng pag-quit sa paninigarilyo. Naroong bilhan n’ya ito ng e-cigarette, ng maliit na pipa at tabakong hindi sinisindihan upang mapalitan ang oral fixation ng asawa sa sigarilyo, at maging ang pilitin itong pasakan na lang ng mga kendinang mint ang bibig na ang sabi’y maaaring makatulong upang hindi hanap-hanapin ang nicotine. Sa huli, isa lamang ang naging epektibo: ang lagay ng kanyang mom.

Minsan itong inubo at umabot ng isang buwan ang ubo. Sa ikalawang linggo pa lamang ng ubo, nagpatingin na ito sa ospital. Napag-alamang may black spots ang baga nito kung kaya’t matagal bago mapawi ang ubo. Sa tulong ng gamot sa ubo at ng antibiotic, napawi rin ang ubo ng mom ni Carl kasabay ng guilt trip ng kanyang dad na baka ang paninigarilyo n’ya ang sanhi ng black spots sa baga ng asawa. Dahil sa guilt trip sa pagiging second hand smoker ng kanyang asawa, tinigil na nito ang paninigarilyo. “Kahit addiction, walang laban sa pagmamahal ko sa ‘yo,” narinig pa ni Carl na sinabi ng kanyang dad sa kanyang mommy. Nu’ng marinig ito ni Carl, lihim s’yang kinilig. Naisip n’yang kung sakali’t mag-aasawa s’ya, gano’ng uri rin ng pagmamahal ang ibibigay n’ya: pagmamahal na kayang supilin maging ano pang klase ng adiksyon. Naisip pa ni Carl, kung mag-aasawa s’ya, ang pagmamahal lamang n’ya sa kanyang asawa ang kanyang magiging adiksyon.

Upang patunayan ng kanyang dad na nagupo na ng kanyang pagmamahal sa asawa ang kanyang addiction, nag-iwan ito ng isang kaha ng sigarilyo sa ilalim ng mesita sa veranda. Ipinaalam ito ng kanilang dad sa kanilang mag-ina. “I’ll tempt myself. I’ll prove that my self-control is as strong as my love.”

Taon-taon, sa anibersaryo ng pagtigil nito sa paninigarilyo, pinapalitan ng kanyang dad ang kaha ng sigarilyo sa ilalim ng mesita. At ngayo’y hawak ni Carl ang kaha ng sigarilyo. Minsan lang s’yang nakatikim nito sa panahong curious sila ni Rand sa maraming bagay nu’ng high school. Hindi n’ya nagustuhan ang mga panimulang paghithit n’ya at lalong ‘di n’ya nagustuhan ang hilong dala nito kaya’t ‘di na n’ya muling sinubukang manigarilyo.

Sa mag-uumagang sandaling ito, gusto ni Carl na mahilo. Nagbabaka-sakali s’yang ang pagkahilo’y may hatid na antok sa kanya. Nagbabaka-sakali s’yang kung pasukin ng pagkahilo ang kanyang isipan, sa sandaling ang pagkahilo’y unti-unti nang mapawi, magliliwanag ang kanyang isipan, tulad na lamang sa pagkakataong nalalasing s’ya matapos makipag-inuman sa mga party o gimik. Bagama’t gigising s’yang may hang over pa, may hilo at bigat ng ulong dulot ng kalasingan sa nagdaang gabi, sa unti-unting pagkapawi ng epekto ng alak, nararamdaman n’yang unti-unting lumilinaw ang kanyang isipan.

Wala silang stock ng beer o ng kahit na anong alak. Ang kaha ng sigarilyong hawak n’ya ang tiyak n’yang makapagdadala ng pagkahilong inaasam n’ya sa sandaling ‘yon. Sinindihan n’ya ang sigarilyo at sa unang hithit pa lamang, naramdaman na n’ya ang unti-unting paggapang ng hilo sa kanyang isipan. “Sige,” sabi ng kanyang isipan. “Hiluhin mo pa ako para ‘pag napawi na ang hilo at maangkin ko na ang kaliwanagan, malalaman mo na kung susundin mo ba ang payo ni Rand na pagselosin si Ritz sa pamamagitan ni Arianne.”

Nakalimang sunud-sunod na stick ng sigarilyo si Carl bago magpasyang bumalik na sa kanyang kwarto. Sumisilip na ang araw sa likod ng mga ulap. Naaamoy na n’ya ang bango ng nagbabadyang umaga. Sa pagkakahiga n’ya sa kama, bago s’ya tuluyang iduyan ng antok, nabuo na ang kanyang pasya.

(Itutuloy)

Previous articleEvery Body Happy Girls Tapatan
Next articleNasaan na ang Friendster?

No posts to display