Maldita Lover (18)

RomancenovelHULING ARAW na ni Arianne sa clinic, pinasok ng kaba ang dibdib ni Carl. Habang inaayos ni Arianne ang mga gamit at ang mga files sa clinic, humakdaw ang ala-ala ni Carl sa naging usapan nila ni Rand.

“Gano’n talaga. ‘Pag nagpaka-kontra-pelo ka sa kamalditahan n’ya, pinakitaan mo ng kabaitan habang pinakikitaan ka ng katarantaduhan, masasanay lang ‘yon. Buong relasyon n’yo, magmamaldita lang ‘yon. Tatarantaduhin ka.”

“E, pero ‘di ba dapat ngang ‘pag nagpakita ng kasamaan, ang iganti ko’y kabaitan para makonsensya at tumigil din balang-araw?”

“Carl naman,” sagot ni Rand. “Ikaw na rin ang nagsabing baka maraming insecurities. ‘Pag ang babae maraming insecurities, kahit mga lalaki pa, ‘di ba nagiging papansin? Attention whore. Gagawa ng mga paraan para makakuha ng atensyon para mapagtakpan ang insecurities nila. Walang nagmamalditang walang insecurities. Halimbawa, kung pangit ang pagmumukha ng babae, dadaanin n’ya sa katawan. Magpapa-sexy, para katawan n’ya ang makakuha ng atensyon at mawala sa mukha n’ya ang atensyon ng mga tao. Tapos, ‘pag nasobrahan na ang pagpapa-sexy at pinagsabihan mo, magagalit pa ‘yon. Bakit? E, kasi naadik na ‘yon sa atensyon na tinatanggap n’ya. Parang gano’n ‘yung kay Ritz. Humihingi ng atensyon kasi may pinagtatakpan. Malay mo, ang pinagtatakpan pala n’ya ay ‘yung takot na takot s’yang ayawan mo na s’ya. Sa pagmamaldita n’ya sa ‘yo, mapapatunayan n’ya sa sarili n’yang hangga’t nandy’an ka pa rin o humahabol sa kanya, hindi mo nga s’ya talaga iiwan. ‘Yun ang atensyon na gusto n’ya. At doon s’ya maaadik. ‘Pag naadik na ‘yon, titindi nang titindi ang mga gagawin n’ya para lalo n’yang patunayan sa sarili n’yang nand’yan ka pa rin, kahit anong mangyari.”

“E, pero bakit naman si Arianne pa?”

“Wala ka namang ibang close na babae kundi ‘yung assistant mong ‘yun, e.”

“May mga close din naman akong babae.”

“Na hindi papayag na gamitin mo sila bilang ganti kay Ritz.”

“Pa’no mo naman nasiguradong papayag si Arianne?”

“Araw-araw kayong magkasama sa clinic, malamang naikuwento mo na sa kanya ang lahat ng tungkol sa inyo ni Ritz. Babae rin ‘yun. Malamang alam din n’yang cry for assurance lang ‘yung attention seeking pagmamaldita ni Ritz.”

“Why not bigyan ko na nga lang ng assurance si Ritz?”

“‘Yang mga may cry for assurance, walang katapusan ang cry. Kahit anong assurance pa ang ibigay mo, laging may duda. Laging may ‘sige nga, kung ito naman ang gawin ko, love mo pa rin ba ako?’ Parang babaeng humahagulgol lang ‘yan. Lalo mong aluin, lalong lalakas ang hagulgol. Kaya ‘pag umatungal na, ang kalimitang ginagawa, sinasampal.”

“‘Yung pagpapaselos lang ba ang p’wedeng sampal?”

“Alangan namang babae lang ang may karapatang magpahabol. Sa panahon ngayong mas marami na ang babae kesa lalaki, aba uso na ‘yung babae naman ang manghabol sa lalaki. ‘Di mo ba napapansin? Babae na ang nagpapapansin ngayon. Tingnan mo ang mga selfie, kalimitan, babae. Papansin, e.”

“Ang mysoginist mo naman.”

“Sige, p’wedeng hindi gano’n. Pero ‘yung ‘pag nagmamaldita na ang babae, nagpapapansin ‘yon. At ang mga papansin, hindi dapat pinapansin. ‘Pag pinansin mo, lalo pang magpapapansin, e. Kaya dapat, baligtarin mo naman. H’wag mong pansinin at ikaw naman ang magpapansin. ‘Pag ginawa mo ‘yon, s’ya naman ang hahabol. Bakit? Kasi nalalaman lang talaga ang value ng isang tao ‘pag malapit na itong mawala.”

“Tingin ko naman, vina-value n’ya ako.”

“Bina-value n’ya ‘yung atensyong ibinibigay mo sa kanya, hindi ‘yung ikaw mismo. Magkaiba ‘yon. Kung gusto mong i-value n’ya ‘yung ikaw mismo, bigyan mo s’ya ng fear of losing you.”

“Pero paalis na si Arianne.”

“E, ‘di pigilan mo.”

“Paano ko naman gagawin ‘yon?”

“Mag-isip ka ng paraan. Ikaw ang nakakikilala sa kanya, e. Kailangang makaisip ka ng paraan para mapigilan s’yang umalis at pumayag na pagselosin si Ritz kung gusto mong matigil na ang pagmamaldita ni Ritz.”

“Tingin mo talaga mag-wo-work ‘yon?”

“Ba’t ‘di mo subukan?”

“Pa’no kung tuluyang mawala sa akin si Ritz? Baka magselos nga at ayawan na ako.”

“Ano ka ba naman, Carl?” tanda ni Carl na with exasperation na sinabi ni Rand. “Laging two-way ang love. May hangganan ang pagtitiis. Hindi p’wedeng isa lang ang nagtitiis. Hindi p’wedeng isa lang ang bigay nang bigay. Kung kaya mong magtiis at magbigay para kay Ritz, dapat kayanin n’ya ring magtiis at magbigay para sa ‘yo. Kung ‘di n’ya kakayanin, hindi ‘yun love. Tawag do’n, desperado ka.”

Napaisip si Carl. “Para namang sinagot ko lang din ng test ang mga tests na binibigay n’ya sa akin.”

“Nagbibigay s’ya ng mga tests sa ‘yo out of doubt sa tibay ng pagmamahal mo sa kanya. Ikaw ba? Sigurado kang mahal ka nga n’ya?”

Ilang sandali pa munang pinagmasdan ni Carl si Arianne habang nag-aayos ito sa clinic bago n’ya ito tuluyang lapitan at simulang kumbinsihing h’wag munang umalis at tulungan s’yang pagselosin si Ritz. ‘Di pa man nangangalahati si Carl sa spiel na ilang ulit n’yang inensayo, sinampal na s’ya ni Arianne.

 

(Itutuloy)

Previous articleTom Rodriguez & Katrina Halili: Is There A Possibility?
Next articleHunyo na, Balik Eskwela na, Handa na ba kayo?

No posts to display