“ITONG TANDA nating ‘to, ngayon mo pa naisipang maglaro?” sabi ni Arianne matapos n’yang masampal si Carl.
Sapo-sapo ni Carl ang masakit pang pisnging nasampal nu’ng humirit s’ya, “E, advice nga ni Rand.”
“Nagpapaniwala ka du’n sa weirdo mong best friend.”
“Sound naman ‘yung advice n’ya, e. Pa’no ba i-handle ang bully? By being a bigger bully.”
“Sira!” Ganting hirit ni Arianne. “Para kang nakikipag-away bata ‘pag gano’n. Kausapin mo kaya ‘yung dyowa mo? Tanungin mo kung totoo ‘yung mga narinig ni Rand. Gano’n ang mature, nadadaan sa seryosohang usap ang lahat. Hindi ‘yang may ganti-gantihan ka pang nalalaman.”
“Pa’no kung i-deny?”
“E, ‘di tanggapin mo.”
“E, kung totoo?”
“E, ‘di hiwalayan mo.”
Napaupo sa dental chair si Carl. “Tingin mo naman gano’n lang kadali.”
“Siyempre hindi madali kasi may gusto kang outcome, e. Pero matanda ka na Carl. Dapat alam mo nang hindi lahat ng gusto mong outcome ay nangyayari nga. Dapat kaya mo nang harapin ang mga outcome na ayaw mo.”
“Kung makapagsalita ka, parang ang dami mong alam.”
“Kanya-kanyang problema ang mga tao, kanya-kanyang diskarte para malampasan ang mga problema. Ang isang trick lang na sure ako e, ‘yung kung ayaw mong mamrublema, h’wag kang gumawa ng problema.”
“Hindi naman ako ang gumawa ng problema, e.”
“E, ‘di tapusin mo na nga para wala ka nang problema.”
“Mahal ko si Ritz.”
“E, ‘di magtiis ka. Kung mahal mo s’ya e, ‘di tanggapin mo ang pinaggagagawa n’ya. Hindi naman nagmamahal ang tao para baguhin ‘yun minamahal n’ya, e. Nagmamahal ang tao kasi na-appreciate n’ya ‘yung isang tao.”
“Gano’n ka ba?”
“Oo. Nagmamahal ako kasi mahal ko ‘yung tao. Hindi ako nagmamahal kasi gusto ko ring mahalin ako. Hindi ko na inaasahang mamahalin din ako ng taong mahal ko. Kung ayaw sa akin ng taong mahal ko, hindi nawawala ang pagmamahal ko sa kanya. Didistansya na lang ako, pero patuloy ko s’yang mahalin.”
“Parang martyr naman.”
“Ang martyr e, ‘yung naghihintay ngang mahalin s’ya. ‘Yung kahit na nasasaktan na e, ipagsisiksikan pa rin ‘yung sarili n’ya. ‘Yung sinasabi ko, ang sa akin e, ‘yung hindi ko ipagpipilitan ang sarili ko. ‘Pag mahal ko, ‘yun na ‘yon. Tutulungan ko, hahangarin kong maging masaya s’ya, hindi ako dadagdag pa sa mga problema n’ya. Basta mamahalin ko na lang.”
Napakunot si Carl. “Ang lungkot naman no’n.”
“Malungkot lang ‘pag ginustong masuklian ang pagmamahal.”
“Suwerte naman ng mamahalin mo.”
“Mas masuwerte ako. Hindi lahat ng tao nabibigyan ng pagkakataong magmahal nang totoo.”
Dahil hindi pumayag si Arianne sa plano sana ni Carl na makipaglaro sa maldita game ni Ritz, ipinasya na lang ni Carl na gawin ang mature way na payo ni Arianne. Kinausap n’ya si Ritz. Medyo nagulat s’ya nu’ng hindi man nito tinanggi kahit konti ang narinig ni Rand.
“Suko ka na?” tanong ni Ritz.
“Bakit ba kailangang may mga tests ka pa?” ganting tanong ni Carl.
“Nu’ng panahon ng mga lolo at lola natin, kahit pa nu’ng panahon ng mga lolo at lola nila, nagsisilbi sa bahay ang mga lalaking nanliligaw, inuutusan, pinapagawan ng kung anu-ano. Sa mga matatandang kuwento natin, sa mga alamat, epiko, o kuwentong bayan, binibigyan ng mga pagsubok ang mga manliligaw. ‘Di ba’t ilang lalaki na ang ibinuwis ang buhay makuha lamang ang kamay ng mga prinsesa? Kahit si Romeo, may balkonaheng kailangang akyatin.”
(Itutuloy)