NAKITA NI Carl ang unti-unting pagngiti ni Ritz. “Wala na,” narinig n’yang sabi ng babae. Si Carl naman ang ngumiti. “Akala ko meron pa, e.”
“Wala na akong maisip,” sabi ni Ritz.
Nakahinga NAng maluwag si Carl. “Pero sana, maisip mo ring mabuting tao ako. Hindi ako ‘yun tipong nanlalamang sa kapwa, lalo na sa babae. Sana magtiwala ka rin naman sa akin.”
“Ngayon, oo,” tanging sagot ni Ritz.
“Ganyan ka na ba talaga kahit dati pa?”
“Ano’ng ganyan?”
“‘Yung may mga pagsu-pagsubok pang nalalaman.”
Nakita ni Carl ang pag-aalinlangan ni Ritz sa pagsagot. Napansin n’yang maingat nitong tinitimbang ang susunod na sasabihin.
“Kanya-kanya tayo ng paniniwala, ‘di ba?” sagot ni Ritz. “‘Yung iba, basta may attraction, ok na. ‘Yung iba naman basta magaang lang kasama, kuntento na. Kanya-kanya tayo ng hinahanap sa tao e, lalo na sa makarerelasyon natin. Nagkataon lang, ako ang hinahanap ko, ‘yung mamahalin talaga ako, kahit ano pa ako, kahit maging ano pa ako.”
“At ikaw?”
“‘Yun nga.”
“Paano ka naman magmahal?”
Bumahid ang pagtataka sa mukha ni Ritz. “Ano’ng paano akong magmahal?”
“‘Yung hinahanap mong pagmamahal galing sa ibang tao, unconditional. Kahit ano ka, kahit maging ano ka pa man. Pero ikaw, ano namang pagmamahal ang igaganti mo?”
“E, ‘di gano’n din.”
“Mamahalin mo rin ako kahit ano ako, kahit maging ano ako?”
“Oo.”
“Kung sasaktan kita, mamahalin mo pa rin ako?”
“Kung mahal mo ako, bakit mo ako sasaktan?”
“Kung mahal mo ako, bakit ka pa magtatanong? Kung ano ako, kung maging ano ako.”
“Ginugulo mo ang usapan.”
“Matagal na ba ‘yan?”
Muli’y nakita ni Carl ang paglatag ng pagtataka sa mukha ni Ritz. Nagtanong din si Ritz, “Anong matagal na?”
“‘Yang gulo sa isipan mo.”
“Ako pa ang magulo?”
“Ikaw ang maraming pagsubok.”
“Kung susuko ka, maiintindihan ko.”
“Pabalik-balik ang usapan natin.”
“Gusto mo nang tapusin?”
“Bakit ba naghahanap ka ng dahilan para tapusin na ang relasyon natin.”
“Hindi ako naghahanap ng dahilan.”
“Kung ikaw kaya ang mag-decide.”
“Ng alin?”
“Ng kung ano ang mangyayari sa atin.”
Muling natahimik si Ritz. Sari-saring mga bagay ang pumasok sa isipan ni Carl habang hinihintay ang muling pagsasalita ni Ritz. Bakit nga ba pinahahaba pa n’ya ang usapan? Lampas trenta na s’ya. Hindi na s’ya high school na marami pang panahon upang makipaglaro sa mga crush. Hindi na s’ya batang p’wedeng magpaikut-ikot sa laberinto ng pagmamahalan. Matanda na s’ya. Marami na rin s’yang pinagdaanan at naunawaan. Dapat ay decisive na s’ya, alam na n’ya kung ano ang mga bagay na dapat ay pagbuhusan n’ya ng oras at ano ang mga bagay na dapat ay hindi na n’ya pansinin. Naguguluhan s’ya sa sandaling ito, hindi s’ya sanay na hindi malaman kung ano ba ang gusto n’yang gawin o kung ano ang gusto n’yang mangyari. Ito na nga siguro ‘yung dating sinabi sa kanya ni Arianne, ‘yung bigla na lang papalasuhin s’ya ng pag-ibig na magdadala sa kanya ng kalituhan dahil ‘di paduduguin nito ang dati’y matibay n’yang pusong kayang unawain ang kanyang bawat pinagdaraanan. Si Carl ang nagsalita.
“Hindi ka maka-decide?”
“Nalagpasan mo ‘yung mga tests ko. ‘Yun lang ang deciding factor.”
“At kung ako naman ang magpa-test?”
“‘Di ka nakikinig sa akin kanina.”
“Ang sabi mo, unconditional din ang pagmamahal mo.”
“Ang mga nanliligaw lang ang may test.”
“‘Di ba unfair ‘yun?”
“E, ‘di tapusin na natin ‘to.”
Sa wakas, nagkaroon na rin si Carl ng lakas ng loob na gawin ang kanina pa sana’y ginawa n’ya. Iniwan n’ya si Ritz. Walang paa-paalam, walang seremonyas, walang lingunan. Dire-diretso s’yang naglakad patungo sa kanyang sasakyan. Ni hindi na n’ya pinakinggan pa kung sinisigaw ba ni Ritz ang pangalan n’ya o kung nanatili na lamang itong tahimik. Sa pagsakay ni Carl sa kanyang sasakyan, dire-diretso na rin s’yang nagmaneho. Hinayaan n’yang tumutok ang kanyang isipan sa kanyang dinaraanan. Pinalakas n’ya ang volume ng player sa kanyang sasakyan at hinayaang lunurin ng mga paborito n’yang awitin ang kanyang pandinig. Sa pagdating n’ya sa kanilang bahay, binati s’ya ng kanyang ina. Sinabihan n’ya itong matutulog na s’ya at medyo napagod sa clinic dahil wala na si Arianne. Hindi na pinansin ni Carl kung may pagtataka o pag-aalala ba sa kanyang ina. Ang mahalaga sa kanya’y ang makapasok na s’ya sa kanyang kuwarto, mapag-isa at tuluyang magkaroon ng pagkakataong isipin ang mga naganap.
Kakapalit pa lamang n’ya ng damit pantulog, tumunog ang iPhone n’ya. Nakita n’ya ang bagong padalang e-mail sa kanya. Binuksan n’ya ito at sinimulang basahin ang ‘di n’ya inaakalang saloobin ni Arianne.
(Itutuloy)