Maldita Lover (21)

Romancenovel“CARL – NAKAKATAWA dahil ang huling usapan natin ay tungkol sa kung paano ba talaga ang magmahal. At mas lalong nakakatawa na sinasabihan kitang matanda ka na, na dapat ay nakakapagdesisyon ka na, na dapat ay hindi ka na naguguluhan while ako nga pala ang nagsabi sa ‘yo dati na minsan bigla na lang dumarating ang love at bigla na lang nagigimbal nito ang kung ano ka o kung ano ang tingin mo sa sarili mo. Gano’n pa rin ang paniniwala ko. Pero minsan, nalilimutan ko. Minsan kasi, dumarating din sa akin ang love. Sobrang minsanan lang. Hindi talaga madaling mag-fall. Ang sabi ko sa huling pag-uusap natin, kuntento na akong basta nagmamahal lang. Kung masaktan man ako, ito’y dahil nasasaktan ang minamahal ko. I don’t usually get hurt because I don’t desire to be loved by the one I love. Tama na ‘yung basta mahal ko. I lied. I got hurt, a lot of times. Dahil sa ‘yo. ‘Pag nakikita kitang hindi masaya. ‘Pag nakikita kitang naguguluhan. At aaminin, ‘pag napapamukha mo sa akin, without you knowing it, na hindi mo ako magagawang mahalin. Am I being too forward? Dapat lang dahil matatanda na tayo. At dapat lang din dahil baka hindi ko na ito maipaalam sa ‘yo. No, hindi ko na hihilinging suklian mo ang nararamdaman ko para sa ‘yo. Gano’n pa rin naman, tama na sa aking basta alam kong mahal kita. Gusto ko lang malaman mo, para kung sakali man at masaktan ka dahil sa pagmamahal mo para kay Ritz o para kanino pa man, maiisip mong may nagmamahal pa rin sa ‘yo. Hindi ka basta-basta magsesettle sa kahit kung sino lang. Hindi ka basta-basta magsesettle sa relasyong lugi ka o hindi ka na masyadong masaya. Pwede kang mamili. Mamili ka. Mahal kita. Ang hiling ko lang, h’wag sanang masayang ang pagmamahal ko sa ‘yo dahil lang pipiliin mong pagtiisan ang isang uri ng relasyong hindi na nagpapasaya sa ‘yo. – Arianne

Ang unang impulse ni Carl ay ang tawagan si Arianne. Nguni’t unattended na ang phone nito. Hindi s’ya makapaniwalang totoo pala ang mga dating biro sa kanila. Totoo pala ang matagal na n’yang kutob na pilit n’yang iwinawaksi noon. Bakit nga naman papayag na maging dental assistant ang isang lisensyadong dentistang tulad ni Arianne kung wala itong gusto sa kanya? Bakit nga naman makikinig ito sa mga pang-araw-araw n’yang mga kuwento kung hindi ito nagmamalasakit sa kanya?

Dahil hindi magawang kontakin ni Carl si Arianne, nagpasya na lamang s’yang sagutin ang e-mail nito. Matamang pinag-isipan ni Carl ang kanyang isasagot. Ayaw n’yang mapahiya si Arianne at ayaw rin naman n’yang bigyan ito ng false hope. Inalam n’ya muna ang tunay n’yang nararamdaman. Dala ng gulong inihapag sa kanya ni Ritz, alam n’yang may pumupusikit na pagnanasa sa kanyang makaganti. Hindi paghihiganti upang masaktan si Ritz nguni’t tipo ng paghihiganting makapagbabangon sa kanyang nasugatang ego.

Oo, tiyak ni Carl na ang ego n’ya ang s’yang nayurakan ng mga kaganapan sa kanila ni Ritz. Anong akala ni Ritz sa kanya? Desperado? Papayag na mag-ubos ng effort at panahon sa mga test-test na kanyang ibibigay? Ano ba ang tingin sa kanya ng babaeng ‘yon? Walang nagkagugusto at walang magkagugusto kaya ok lang na mapaglaruan? Para namang walang kasing ganda ni Ritz, ilang ulit na sinasabi ng isipan ni Carl. Kung magulo s’ya at wala naman s’ya talagang gusto sa akin dahil gusto pa n’ya ng mga test-test, lalong wala akong gusto sa kanya. Sa kaibuturan ng ego ni Carl, nagsusumigaw ang pagnanasang makahanap s’ya ng rebound.

Ano nga ba ang pinakamabisang gamot sa pusong sinaktan kundi ang humanap ng kapalit? Nand’yan na si Arianne, maganda rin, mabait, matalino, at higit sa lahat gusto s’ya, at nagtiis na manilbihan sa kanya dahil gusto talaga s’ya. Ano pa’ng hahanapin n’ya?

Tempted na sana si Carl na gamiting rebound si Arianne, pero napadako ang kanyang tingin sa mga panghuling linya ng email nito. “… h’wag sanang masayang ang pagmamahal ko sa ‘yo dahil lang pipiliin mong pagtiisan ang isang uri ng relasyong hindi na nagpapasaya sa ‘yo.” Lalong napaisip si Carl. Ito nga ba ang ginagawa ng mga desperado? Ang pagtiisan ang kahit ano sa isang relasyon dahil takot lang na maging mag-isa? Pressured lang na magkaroon ng relasyon dahil natatakot na makutya ng mga taong mababa ang tingin sa mga namumuhay ng mag-isa? Desperado dahil ‘di na kinakaya ang magpagulong-gulong sa kalungkutan ng pag-iisa? Mga ‘di lang kayang maging independent, laging naghahanap ng makakasama sa pagsagwan sa buhay?

O ito ba’y gawain ng mga tunay na nagmamahal? Pinagtitiisan ang kahit na ano sa relasyon dahil tunay ngang nagmamalasakit sa karelasyon? Kailan ba naging patas ang pag-ibig? Kung patas ang lahat sa pagitan ng dalawang tao, hindi ba’t hindi na ‘yon pag-ibig kundi pagkakaibigan lamang? ‘Di ba nga’t kung tunay ngang nagmamahal, dapat ay handang magbigay at magsakripisyo? Kung tunay ngang nagmamahal, kahit ano pa man ang mangyari, hindi nga ba’t dapat lamang ay walang iwanan?

Muling binasa ni Carl ang email ni Arianne at ilang sandali pa’y sinimulan na n’yang sagutin ito.

 

(Itutuloy)

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 7 Issue 71 June 6 – 8, 2014
Next articleAlagang Camera 360? Retrica? o VSCO Cam?

No posts to display