Maldita Lover (22)

RomancenovelNAKAILANG TYPE at nakailang bura si Carl ng pangalang Arianne, ‘di pa rin n’ya mabuo sa kanyang isipan kung ano ang kanyang isusulat sa kaibigang nagtapat sa kanya ng matagal nang inililihim na pagtingin. Inisip n’yang tahasang tanggihan ang pagmamahal na ipinagtapat ni Arianne nguni’t ‘di rin n’ya tiyak kung ito ba ang nais n’yang sabihin sa babae. Kung dadaanin naman n’ya sa biro ang kanyang sagot, alam n’yang maaaring masaktan si Arianne. Sino ba naman ang hindi masasaktan kung gawin pang biro ang isang bagay na mahalaga o siniseryoso nito? Sa huli, ipinasya ni Carl na nangangailangan pa s’ya ng konting panahon upang higit na maging tiyak sa kanyang isasagot kay Arianne. Inihele si Carl ng gulo ng kanyang isipan. Sa kanyang paggising, tila dumausdos sa kanya ang isang pasya: pupuntahan n’ya si Arianne.

Hindi na nagbukas ng clinic si Carl nu’ng araw na ‘yon. Hindi na rin s’ya nagpaalam sa kanyang Mommy. Pakiramdam n’ya, walang dapat makaalam sa kanyang binabalak. Pribadong usapin ang namagitan sa kanila ni Arianne at nais n’yang manatili ‘yun na para sa kanilang dalawa lamang. Nag-drive si Carl papunta sa probinsya ni Arianne. Saulado n’ya pa ang eksaktong address nito kung kaya’t kahit nakailang tanong s’ya sa mga nadaraanang tao, narating din n’ya ang bahay ni Arianne.

Ina ni Arianne ang nagbukas ng gate nu’ng tumimbre si Carl. Nagulat ito nu’ng makita s’ya. Sinabi ni Carl na nais n’ya lang sanang dalawin si Arianne, nais lang n’yang mangumusta, kasama na rin ang pagtatanong sana sa ilang mga records na naiwan nito sa clinic. Kung nagulat ang ina ni Arianne sa pagdating ni Carl, higit na nagulat si Carl sa sagot nito tungkol kay Arianne. Nasa ospital.

Nu’ng una’y hindi agad nauunawaan ni Carl ang sinabi ng ina ni Arianne. Kasama na marahil ang pagtutol n’ya sa narinig, hindi n’ya agad natanggap ang tinuran ng kaharap. “Nasa ospital,” ulit ng ina ni Arianne. “Papunta na rin nga ako, e. Kumuha lang ako ng ilang gamit.”

Nagprisinta si Carl na samahan sa ospital ang ina ni Arianne. Sa kanilang pagtungo sa ospital, nalaman ni Carl mula sa ina ni Arianne na ilang linggo na pala nitong pinipilit si Arianne na roon na sa kanila magpa-confine. Ilang linggo na pala nilang alam na na-diagnose ng leukaemia si Arianne. Nanumbalik kay Carl ang pagkakataong hindi pumasok sa clinic si Arianne dahil nagpaospital daw sanhi ng pagkahilo mula sa matinding init ng panahon. Tinanong n’ya ang ina nito kung anong petsa nila nalaman ang tungkol sa kundisyon ni Arianne. Parehong petsa nu’ng hindi pumasok sa clinic si Arianne.

Gusto sanang suntukin ni Carl ang sarili. Pakiramdam n’ya’y ang tanga-tanga n’ya at sobrang makasarili. Ilang linggo na palang may iniindang sakit si Arianne pero hindi n’ya ito napuna. Sinisi n’ya ang pagkahumaling sa pagkukuwento tungkol sa mga nagaganap sa kanila ni Ritz kung kaya’t hindi na n’ya napansing may dinadalang sakit na pala si Arianne.

Sa gitna ng pag-iyak, mabilis ang naging pagkukuwento ng ina ni Arianne. Nakailang pagbisita na pala sila sa tinutuluyan ni Arianne malapit sa clinic upang tulungan itong maglabas-masok sa ospital. Kabilin-bilinan ng doktor nito ay magpa-confine na dahil baka hindi kayanin ng katawan ang trabaho sa clinic. Naging matigas ang ulo ni Arianne. Kailan na lamang ito sumunod sa payo ng doktor. Humahagulgol man ang ina ni Arianne, naunawaan pa rin ni Carl ang mga huling binitawang salita nito: “Ngayong huli na ang lahat.”

Pagpasok nila sa ospital, natulala na si Carl. Parang robot na lamang ang kanyang mga paa sa paglakad, sunod sa ina ni Arianne. Nilulunod ng iba’t ibang pangitain ang kanyang isipan sa bawat n’yang paghakbang – ang mga pagkakataong ‘di n’ya napansing hinahapo na pala si Arianne dahil giliw na giliw s’ya sa pagkukuwento tungkol sa mga problema at kasiyahan n’ya dahil kay Ritz, ang mga pagkakataong dapat sana’y natatanong n’ya si Arianne tungkol sa mga nararamdaman nito o nangyayari rito nguni’t ‘di n’ya nagawa dahil higit na mahalagang gawin n’yang tagapakinig si Arianne ng mga saloobin n’ya’t mga karanasan, at ang mga pagkakataong hindi man lamang n’ya nagawang obserbahan kung masaya pa ba si Arianne sa pagtulong nito sa clinic. Kasama ng mga pangitaing ‘yon ang mga kinatatakutan n’yang pangitain – ang pagkakalbo at pangangayayat ni Arianne, ang pagkakaroon nito ng napakaraming pasa sa balat, at maging ang paghihirap nito sa paghinga.

Nu’ng binuksan ang pintuan ng kuwartong kinalalagyan ni Arianne, tumambad kay Carl ang kinatatakutan. Bukod sa mga tubong nakakabit kay Arianne, ang putlang-putlang balat nito, ang takip sa ilong at bibig nito, at biglaang pangangayayat ay patunay sa matinding sakit na dinadala ng babae.

Pagkagulat din ang gumuhit sa mukha ni Arianne nu’ng makita si Carl. Bago pa man sila makapagsalita, inunahan na sila ng ina ni Arianne. Ipinaliwanag nito kay Arianne ang biglaang pagdating ni Carl sa kanilang bahay, eksaktong papunta na rin s’ya sa ospital. Hindi malaman ni Carl kung ano ang sasabihin. Naging tahimik din si Arianne. Napansin ng ina nito ang pananahimik ng dalawa kung kaya’t matapos maayos ang mga dalang gamit, nagsabi itong lalabas muna upang bumili ng pagkain.

Nu’ng silang dalawa na lamang ang nasa kuwarto, nagsimulang magsalita si Carl. “Ba’t hindi mo sinabi?”

Nakita ni Carl ang pagbakod ng luha sa mga mata ni Arianne. “Itong sakit ko o ‘yung in-email ko sa ‘yo?”

Hindi na nakayanan ni Carl ang nararamdaman. Lumuhod s’ya sa tabi ni Arianne. Nagkasya sa paghawak sa ulunan ng kama si Carl dahil alam n’yang idi n’ya maaaring hawakan si Arianne. Mahigpit ang naging paghawak n’ya sa ulunan ng kama, kasing higpit ng kagustuhang mahawakan din sana ang kamay ng babae. Nguni’t alam n’yang bawal hawakan ang mga may kundisyong tulad ni Arianne sapagka’t maaaring kung anong dumi o sakit pa ang maibigay n’ya rito sa simpleng paghawak ng kamay – dumi o sakit na mahihirapang labanan ng katawan nitong napakababa ng immune system. Habang lalong humihigpit ang pagkakahawak ni Carl sa ulunan ng kama ni Arianne, ‘di na rin n’ya napigilan ang kanyang pagluha.

“H’wag kang umiyak,” dinig ni Carl na bulong ni Arianne sa likod ng nakatakip sa ilong at bibig nito.

“Ba’t hindi mo sinabi? Ba’t hindi mo sinabi?” paulit-ulit na bigkas ni Carl.

“Dahil ayokong umiyak ka.”

(Itutuloy)

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 7 Issue 73 June 11 – 12, 2014
Next articleSa Itim, Huwag sa Puti: Piano Tiles

No posts to display