Maldita Lover (23)

RomancenovelGUSTO SANANG pahiran ni Carl ang nakitang rumagasang luha mula sa mga mata ni Arianne. Nakaamba na ang kanyang kamay, handang pawiin ang mga luhang nakikita n’yang pinabubulwak ng mga mata ni Arianne. Napansin ni Arianne ang nakaambang kamay ni Carl. Bahagyang natawa si Arianne habang pinapahid ang mga luha. “Bawal mo akong hawakan,” sabi nito.

Binawi ni Carl ang nakaambang kamay. “Sorry,” sabi nito. Tiningnan n’ya si Arianne. Kitang-kita n’ya ang pangangalumata nito, ang pagkahapis at pagkaputla ng mukha, at ang kalungkutang taglay ng mga mata nito. “Sorry,” muli n’yang nasabi.

Si Arianne naman ang tumitig sa kanya. ‘Di malaman ni Carl kung dala ng mga mata ni Arianne ang hinanakit nito sa kanya o ang kalungkutan sa sarili nitong sitwasyon. “Dinikta ko lang sa nurse ‘yung e-mail,” sabi ni Arianne. “Ilang beses ko s’yang pinigilang umiyak. Sabi ko, wala namang nakakaiyak sa pagtatapat. Gusto ko lang na mawala ang bigat sa dibdib ko bago ako …”

‘Di na pinayagan pa ni Carl na ipagpatuloy ni Arianne ang sasabihin. Pinutol na n’ya ito. “Ano’ng sabi ng doktor? Ano raw ang p’wedeng gawin?”

Saglit na natahimik si Arianne. Pakiramdam ni Carl ang saglit na ‘yon ay taon ang binilang, mga taong kanyang sinayang dahil hindi n’ya pinahalagahan ang babaeng kay tagal na palang tunay na nagmamalasakit sa kanya.

“Bone marrow transplant,” sabi ni Arianne. “Masyadong mahal, Carl. ‘Di rin naman sigurado. May sinasabi pa s’yang gamot na ire-request pa raw sa America. Hindi na ako umaasa.”

“Kung pera lang ang …”

“Hindi lang naman pera, e.”

“Tutulungan kita. Maraming tutulong sa ‘yo.”

Muling natahimik si Arianne. Nanatiling nakatingin lamang si Carl sa kanya, iniisip kung may nasabi ba s’yang maaaring ikinasama ng loob nito o maaaring hindi nito sinasang-ayunan.

Bumuntong-hininga si Arianne. “Hindi ko nasabi sa ‘yo ‘yung matagal ko nang nararamdaman kasi ayokong madala ka lang ng awa o ‘yung ayaw mo lang akong saktan. Ayokong isugal ‘yon. Ayokong umaasa. Ayokong umasang magugustuhan mo rin talaga ako. Ayokong umasang gagaling pa ako. Ayokong umasa dahil ayokong mabigo.”

“Pero ‘di ka mabibigo.”

“Sa pagmamahal mo o sa paggaling ko?”

“Pareho.”

Hindi na malaman ni Carl kung paano pang nakalabas ang salitang ‘yon mula sa kanyang bibig. ‘Di n’ya matiyak kung dahil ba ito sa awa sa kalagayan ni Arianne o dahil sa kaloob-looban n’ya biglang nabuhay ang posibilidad na kay tagal na rin n’yang hindi pinansin: may gusto rin s’ya kay Arianne.

“Nabibigla ka lang,” biglang sabi ni Arianne. “O kaya, naaawa. Ayoko ng gano’n. Ayokong parang emotional blackmail ‘to sa ‘yo.”

“Isipin mo na ang gusto mong isipin, basta kailangang labanan ang sakit mo. Lalabanan mo. Lalabanan natin.”

“Lahat naman tayo, roon din ang punta.”

“Pero hindi pa ngayon. Sa kaso mo, hindi pa ngayon. Matagal pa. Magkakaroon ka pa ng sarili mong clinic. Marami ka munang tutulungang mga pasyente sa public hospital. Magtuturo ka pa. Mag-e-earn ng mga certificates sa mga seminars and conferences. Dadami pa ang specialization mo. Sasaya ka pa. Marami ka pang mapupuntahang lugar. Marami ka pang mararanasang magpapasaya sa ‘yo. Marami pa ang mga taong naghihintay para sa ‘yo, mahaba pa ang panahon. Mabubuhay ka pa.”

Muling tumawa nang bahagya si Arianne. Muling nakita ni Carl ang pagbakod ng luha sa mga nito. “Ayokong umasang mangyayari pa ang mga ‘yan,” sabi ni Arianne. “Kung hanggang dito na lang, hanggang dito na lang.”

“Pero …”

“Carl,” putol ni Arianne. “Alam kong punong-puno ka ng pag-asa, wala kang masamang tinapay, ang lahat sa tingin mo laging may magandang kahihinatnan. Pero hindi ako gano’n. Tanggap kong may mga bagay na maaaring mangyari na hindi ko gusto. Tanggap kong hindi lahat ng gusto ko, makukuha ko.”

“Gusto kita. Matagal na kitang gusto.”

Sa pagkakataong ‘yon, hindi na nagulat pa si Carl sa mga salitang lumabas sa pagitan ng kanyang mga labi. Hindi pagkagulat kundi pagsisisi ang kanyang naramdaman. Bakit nga ba kay tagal bago pa n’ya naamin ang nararamdaman para kay Arianne? Bakit nga ba kailangan pang unahin n’ya ang pagsasaalang-alang sa kanilang pagkakaibigan, na katakutan n’ya ang pagkakasira nito, kesa aminin kay Arianne at sa sarili n’ya kung ano talaga ang nararamdaman n’ya? Bakit ba napakaduwag n’ya sa usapin ng pagmamahalan? Bakit nga ba tama si Arianne na napakalakas ng kanyang fear of rejection? Bakit hinayaan n’yang manipulahin ng mga kabiguan ng kanyang nakaraan ang mga napipintong posibilidad ng kaligayahan sa kanyang kinabukasan?

“Di mo kailangang sabihan ‘yan,” sabi ni Arianne. “Hindi rin ako mapapagaling ng iyong pagmamahal. At sabi ko nga sa e-mail, hindi ko hinihiling na mahalin mo rin ako.”

“Pero ‘yun ang totoo.”

“Naaawa ka lang. Napipilitan.”

“Natakot ako dati. Baka mabasted ako. Magalit ka. Ayokong magkasira tayo. Pinigilan ko ang nararamdaman ko. Tinanggap ko na hanggang magkaibigan lang tayo. Na hindi mo ako gugustuhin nang higit pa sa pagiging kaibigan. Ang tanga-tanga ko. Sana noon ko pa naamin. Sana noon pa nasabi ko na.”

“Naririnig mo ba ang sarili mo?”

Tumango si Carl. “Oo, dinig na dinig. Ito na yata ‘yung talagang nakinig ako sa sarili ko. ‘Yung nakinig ako sa pinakakailaliman ng damdamin ko. Ito na ‘yung totoong-totoo. Wala nang mga teorya ni Rand. Walang takot, walang pagpapadala sa kung anumang emosyon. Ito na talaga ‘yon. Mahal kita.”

Magkahalong tuwa at panghihinayang ang nabasa ni Carl na lumapat sa mga mata ni Arianne habang tinititigan s’ya nito.

“Carl,” pauna ni Arianne. “Totoong-totoo sa akin ang kung anumang nararamdaman ko para sa ‘yo. At dahil totoo ‘yon, ‘di bale nang mahirapan ako, ‘di bale nang masaktan ako. ‘Di bale nang bigla na lamang maputol ang aking buhay. Lahat, kakayanin ko. H’wag ka lamang masaktan.”

“Masasaktan ako kung hindi mo ako hahayaang mahalin ka.”

Kung sa ordinaryong sitwasyon lamang, nagtapos sana ang sandaling ‘yon sa isang matamis na halik. Nguni’t hindi ordinaryo ang sitwasyon ni Arianne. Hindi man tahasang sinasabi ng kanyang doktor, alam n’yang tatlo hanggang anim na buwan na lamang ang kanyang itatagal. Hindi na s’ya umaasa sa bone marrow transplant o sa mamahaling gamot na kailangan pang ipakiusap sa ibang bansa. Ano pa ba naman ang kanyang aasahan? Nakamit na n’ya ang pagmamahal ng kanyang tanging minahal. Ito lamang ang para sa kanya’y tunay na katuturan ng buhay.

(Itutuloy)

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 7 Issue 74 June 13 – 15, 2014
Next articlePara Iwas ‘flood’, Flipagram

No posts to display