Maldita Lover (24)

RomancenovelMABIGAT ANG loob na iniwan ni Carl ang Batangas. Hindi rin n’ya tiyak kung may pag-asa pa bang pahabain pa ang buhay ni Arianne. Alam n’yang kung s’ya ang nasa katayuan ni Arianne, ang tanging hihilingin na lamang n’ya ay ang makapanumbalik s’ya sa dati n’yang buhay. Kung maaari nga lamang ba at ituring na isang masamang panaginip lang ang lahat. Kung maaari nga lamang ba at burahin ang eksenang ‘yon sa ospital. Ang gusto n’ya’y ibuhol ang unang sandali ng pagkakakilala nila ni Arianne sa sandali ng pagtanggap nito sa kanyang pagmamahal at ang lahat ng nasa gitna’y maibasura na. Pero alam n’yang imposible ‘yon. At alam n’yang kailangang harapin n’ya ang bangungot na ngayo’y isang matibay na realidad.

Ang tanging nagpapagaang na lamang sa loob ni Carl ay ang pagkakaroon nila ng kasunduan ni Arianne. Ngayon, opisyal na ang kanilang pagmamahalan. Magkahalong tuwa at lungkot ang alam n’yang mararamdaman ng kanyang mommy kung ibalita nito sa kanya ang ganap. Matutuwa ito dahil alam naman n’yang matagal na itong boto kay Arianne, kasundong-kasundo n’ya ito at ilang ulit na rin nitong ipinahayag na kung si Arianne ang makakatuluyan n’ya, wala s’yang kaliit-liitang pagtutol. Ang mga ito rin ang magiging dahilan ng mararamdaman nitong lungkot. Nakikini-kinita na ni Carl ang pagkukumahog ng kanyang Mommy upang gawin ang lahat ng makakaya nitong gawin para sa ikaliligtas ni Arianne.

Dumiretso sa kanilang bahay si Carl. Sa pagbaba n’ya ng sasakyan, hinanda na n’ya ang sarili n’ya para sa pagbabahagi sa kanyang Mommy tungkol sa lagay ni Arianne. Sa kanyang pagpasok sa kanilang bahay, tinig ng kanyang Mommy ang una n’yang narinig. Mukhang may kausap ito, may bisitang nagpapatawa rito.

“Oh, nandito na pala si Carl,” sabi ng kanyang Mommy.

Hindi nakagalaw si Carl sa kanyang kinatatayuan. Nakita n’ya ang kausap ng kanyang Mommy. Si Ritz.

“Kanina ka pa hinihintay ni Ritz,” patuloy ng kanyang Mommy. “Tinatawagan ka namin, ‘di mo naman sinasagot.”

Dahan-dahang lumapit si Carl sa kanila. Sa kanyang paghakbang, nakita n’ya ang unti-unting pagtayo ng kanyang Mommy.

“Maiwan ko na muna kayo,” sabi nito. Tiningnan nito si Ritz. “Dito ka na magdinner, ha?”

Sa pag-alis ng kanyang Mommy, nanatiling nakatayo si Carl malapit sa kinauupuan ni Ritz. Tumayo rin ang babae.

“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa,” sabi ni Ritz. “I’m sorry.”

‘Yun lamang at umiyak na si Ritz. ‘Yun lamang at niyakap na n’ya si Carl. Hindi magawang pilitin ni Carl ang sariling suklian ang yakap ni Ritz. Dahan-dahan n’yang inilayo mula sa sarili ang babae.

“Patawarin mo ako,” pagsusumamo ni Ritz. “Parang awa mo na.”

Ni hindi magawang tingnan ni Carl si Ritz. Nagbaba na lamang s’ya ng tingin. Sa sahig na naging tampulan ng kanyang pagtitig, nakita n’ya ang paghalik ng mga tuhod ni Ritz dito. Lumuhod sa harapan n’ya si Ritz.

“Parang awa mo na,” pag-uulit nito.

‘Di na rin napigilan pa ni Carl na tingnan ang babae. Nakita n’ya ang pagmamakaawa sa mukha nito, ang tuluy-tuloy na pag-agos ng luha, ang panginginig ng mga labi. Hinawakan n’ya ang mga bisig ni Ritz, masuyo n’yang tinayo ang babae.

“‘Di mo kailangang lumuhod. Pinatatawad na kita.”

Nakita ni Carl ang pagngiti ni Ritz. Muli s’ya nitong niyakap at muli n’yang marahang inilayo ang babae sa kanya. “Pero,” dagdag ni Carl. “Hindi na p’wedeng maibalik ‘yung dati.”

‘Di napawi ang ngiti ni Ritz. “Hindi ko na hinihinging maibalik ‘yung dati. Ako naman ngayon ang magsusumikap. Ako ang papasa sa mga tests na kailangan kong harapin para mapatunayan sa ‘yong nagsisisi na talaga ako.”

“Hindi sa gano’n.”

“Nag-isip ako, Carl. Siniguro ko sa sarili ko. Takot na takot lang ako noon. Takot akong baka hindi ako makakayaning tanggapin nang buong-buo ng kahit na sino. Dahil sa takot ko, sa napakatinding takot ko, hindi ko nakitang paano nga ba ako mamahalin kung ako mismo’y hindi marunong magmahal?”

“Ritz …”

Saglit s’yang tiningnan ni Ritz. ‘Di man mamutawi sa kanyang mga labi, alam ni Carl na nabasa na ni Ritz sa kanyang mukha ang nais n’yang sabihin. Naging mapait man ang ngiti ni Ritz, may taglay naman itong katatagan.

“Naiintindihan ko,” sabi ni Ritz.

“Hindi kasi gano’n kadali.”

“Alam ko. Natakot akong ‘yan ang maging sagot mo. Pero kinailangan kong harapin ang takot na ‘yon.”

“Sana maging maligaya ka.”

“Ikaw rin.”

Hinawakan ni Ritz ang mga kamay ni Carl. “Kung magbabago ang isipan mo, kung bibigyan mo ako ng isa pang pagkakataon, alam mo kung saan ako nakatira, alam mo kung ano ang number ko.”

Hinalikan ni Ritz si Carl sa pisngi. Habang pinagmamasdan n’ya ang paglabas nito sa kanyang bahay, narinig ni Carl ang pagsusumamo ng kanyang puso: “Habulin mo! S’ya ang gusto mo simula’t sapul. Kahit anong gulo, kahit anong drama ang dala n’ya, kahit anong test pa, hindi mo s’ya makalimutan. S’ya ang lagi mong naiisip, ang lagi mong hinahanap. S’ya ang gusto mo.”

Hindi nakinig si Carl sa sigaw ng kanyang puso dahil habang sumisigaw ito, may binubulong din ito sa kanya: “Pero mas masaya ka kay Arianne. S’ya ang nagmamahal sa ‘yo.”

Sa pagpasok ni Carl sa kanyang kuwarto, dala n’ya muli ang katanungang kung ilang ulit nang gumambala sa kanya: Sino nga ba ang dapat piliin, ang mahal mo o ang mahal ka?

Nagbalak s’yang tawagan si Rand. Sa mga pagkakataong may mga gumugulo sa kanya tungkol sa usapin ng puso, si Rand ang malimit n’yang tanungin dahil ito ang maraming teorya tungkol sa pagmamahal. Nguni’t sa pagkakataong ito, minarapat ni Carl na sarilin na lamang ang kaguluhan. Sa pagkalito ng kanyang puso, natitiyak ni Carl sa huli, kailangan din n’yang magpasya. Ayaw na n’yang maulit ang naganap. Ayaw na n’yang mag-aksaya ng panahon sa mga pagpapasyang hindi nagdulot sa kanya ng magandang kinabukasan.

Kung pipiliin n’ya si Ritz, matutupad na rin ang dati pa’y inaasam n’ya – ang pagbabago ni Ritz. Ang pagtanggap nito sa kanyang mga kamalian at tapang sa paghingi ng kapatawaran ay tunay n’yang hinangaan. Sa kabila nito, ‘di pa rin naghihilom ang sugat na idinulot nito sa kanya. Nananatili pa rin ang kirot ng sakit na dinanas n’ya sa pagkakagusto kay Ritz. Nauunawaan n’yang may mga taong matindi ang mga takot, matindi ang mga insecurities, matindi ang mga hinihingi sa usapin ng pagmamahalan, nguni’t ‘di kayang pawiin ng kanyang pang-unawa ang sakit na kanyang nalasap.

Kung ipagpapatuloy n’ya ang pagmamahal kay Arianne, alam n’yang masasaktan lamang s’ya sa huli. Bagama’t umaasa s’yang gagaling pa ito, hahaba pa ang buhay at may pagkakataon pang magkaroon sila ng mahaba-haba pang masayang pagsasama, alam pa rin n’yang tulad nga ng sinabi ni Arianne, may nagbabantang kabiguan sa kanilang pagmamahalan. Inamin ni Carl sa sariling takot din s’yang masaktan kalaunan. Ang pag-i-invest ng pagmamahal kay Arianne ay maaaring magdulot sa kanya ng matinding pasakit sa sandaling tuluyan nang lisanin ni Arianne ang mundong ito.

Sa huli, napagtanto ni Carl na dalawang pasakit ang matimbang sa kanyang napipintong pagpapasya: ang sakit ng nakaraang dulot ni Ritz at ang sakit ng kinabukasang maaaring idulot ni Arianne.

 

(Itutuloy)

Previous article‘The Namaga ang Mukha’
Next articleNang Dahil sa Skype

No posts to display