Maldita Lover (25)

RomancenovelBINALIKAN NI Carl ang ospital sa Batangas kung saan naka-confine si Arianne. Sa pakiwari n’ya, dahil katatapos lamang ng isa na namang blood transfusion, mukhang bumuti ang lagay nito. Nagkaroon ng konting pamumula ang mga pisngi nito, at bumalik sa pagiging dating matabil. Hinayaan ni Carl na magkuwento sa kanya si Arianne tungkol sa mga karanasan nito sa ospital.

“Golden voice ko raw ang asset ko sabi ng doktor ko,” pagkukuwento ni Arianne. “Bone marrow aspiration, Carl. Parang pang-construction ‘yung mala-baril na drinill sa akin. Nakatalikod naman ako. Akala ko nga sa sobrang pagdiin ko sa pader, magigiba ko na ang pader.”

Bahagyang natawa si Carl sa tangkang pagpapatawa ni Arianne. Napansin ni Carl na ginanahan pang lalo si Arianne sa pagkukwento.

“Sobrang sakit,” pagpapatuloy ni Arianne. “‘Di ko akalain na may gano’ng klaseng sakit pala sa mundo. Para ma-lessen ang pain, kumanta ako. Sinisigaw ko na ‘yung kanta. Birit kung birit. Kaya pagkatapos, jinoke ng doktor kong asset ko raw ang golden voice ko.”

“Talaga namang may golden voice ka e,” sabi ni Carl.

“Para namang nakikinig ka dati ‘pag kumakanta ako. ‘Di mo nga napapansin na malimit akong kumanta sa clinic, e.”

“‘Di ko lang pinapahalata.”

“Deny ka pa. Pa’no mo mapapansin e, lagi ka na lang tuliro dahil kay …”

‘Di man pinagpatuloy ni Arianne ang sasabihin, alam na ni Carl na si Ritz ang tinutukoy nito. Ilang sandali ang lumipas bago muling nagsalita si Carl. Matama n’yang tinimbang ang kanyang sasabihin. Ayaw n’yang isipin ni Arianne na ang kanyang ibabahagi rito na kanyang naging pasya ay may bahid ng impluwensya sa pagkakasakit nito.

“Wala na kami,” panimula ni Carl. “Bago pa man naging tayo, wala na talaga kami.”

“‘Di naman kita pinagdududahan.”

“Baka kasi –”

“Ayoko lang ‘yung napipilitan ka. ‘Yung nadadala ka sa awa.”

“Hindi ‘to awa.”

Muli, kung naging iba lamang ang sitwasyon, isang halik sana ang sumunod sa kanilang usapan. Nguni’t tanggap nilang hindi ang pisikal na ekspresyon ng pagmamahalan ang mahala sa kanilang kasalukuyan kundi ang pananatili ng pag-asang gagaling pa at muling makakabalik sa kanyang dating buhay si Arianne.

Nu’ng ibinalita ni Carl sa kanyang Mommy ang naganap kay Arianne, hindi ito makapaniwala. Bigla itong umiyak at bumuga ng mga hakbangin na maaari nilang gawin upang makatulong kay Arianne.

“Ayaw n’yang tulungan pa natin s’ya,” paalala ni Carl sa kanyang Mommy.

“Pero pa’no na s’ya? Kakayanin ba nila? Kung pera lang ay maaari natin s’yang tulungan.”

“Ang gusto lang n’ya ay ‘yung mabisita natin s’ya.”

“Hindi napapagaling ng pagbisi-bisita ang leukemia.”

“Kung kakailanganin daw talaga n’ya, sasabihan naman daw n’ya tayo.”

Sinamahan ni Carl ang kanyang Mommy sa pagbisita kay Arianne. Wala pa silang limang minuto sa kuwarto ni Arianne sa ospital, nagsisi na si Carl. Kung makaiyak ang Mommy n’ya, parang namatay na si Arianne. May mga nurse na biglang napasugod sa kuwarto sa lakas ng pag-atungal ng Mommy ni Carl. Ang nanay pa ni Arianne ang kumalma rito at nag-alok ng tubig na maiinom. Nu’ng nahimasmasan na ang Mommy ni Carl, kinausap nito si Arianne.

“Basta, tutulungan kita,” pangako nito kay Arianne.

“Malaking tulong na ang pagpunta n’yo rito,” sagot ni Arianne.

Sa usapan nila, ibinalita ni Arianne ang pagkakamabutihan nila ni Carl. Muling umatungal ang Mommy ni Carl.

“Dapat dati pa!” paulit-ulit nitong sabi sa gitna ng pag-iyak.

Binalingan si Carl ng kanyang Mommy. “Kung dati pang naging kayo, hindi sana nangyari ‘to.”

“Mawalang-galang na nga po,” singit ng nanay ni Arianne. “Wala po kaming sinisisi sa nangyari kay Arianne. Ayaw po sana namin ng sisihan. Tanggap na po naming may plano ang Diyos. Gusto po sana namin puro positibo ang ipapaligid kay Arianne.”

“Pasensya na kayo,” sabi ng Mommy ni Carl. Binalingan nito si Arianne, “Botong-boto ako sa ‘yo. Hindi ko lang talaga ‘to matanggap.” Biglang ngumiti ang Mommy ni Carl. “Pero, tama kayo, dapat puro positive energy. Kaya dapat, magpagaling ka.”

Natapos man sa ngiti ang naging pagdalaw ni Carl at ng Mommy n’ya kay Arianne, wala silang imik at halos tulala sa buong pagbiyahe pabalik sa kanilang bahay. Sa kanilang bahay, sinuggest ng Mommy ni Carl na humanap ng haematologist para kay Arianne o kaya nama’y dalhin nila ito sa Amerika upang higit na tumaas ang tsansa sa kanyang paggaling.

“Hayaan natin silang magdesisyon,” tanging nasabi ni Carl.

“Hindi naman natin sila pipilitin. Io-offer lang natin.”

“H’wag natin silang pangunahan.”

“Kapakanan lang ni Arianne ang iniisip ko. At kapakanan mo na rin.”

“Kapakanan ko?”

“Yes. Paano ka na if … if bigla s’yang mawala? Kakayanin mo ba?”

“Hindi ko ine-entertain ang ganyang thought. Positive thinking, Mommy. Alam kong malalampasan ‘to ni Arianne.”

With certainty man ang naging sagot ni Carl sa kanyang Mommy, sa loob-loob n’ya, hindi s’ya sigurado kung ano pa nga ba ang paniniwalaan n’ya. Nagkasya na lamang s’ya sa pagbubuo ng mga scenario sa kanyang isipan. Dalawa silang nagsi-share ng clinic ni Arianne. Ito ang dapat n’yang ginawa noon pa man nguni’t naging masyadong matindi ang kagustuhan n’yang makitang nag-iisa lamang ang pangalan n’ya sa dental clinic matapos makisiksik sa clinic ng kanyang mga magulang. Kung sana’y hindi s’ya masyadong naging egoistic, nagawa n’yang bigyan ng kasiyahan si Arianne sa pagiging dentista rin nito sa dapat sana’y clinic nilang dalawa. Dapat ay iginiit n’ya, kahit pa nu’ng tumanggi ito.

Magpapatayo sila ng kanilang dream house. Isang modernong bahay, maaliwalas, tatlong palapag, may maliit na hardin, garahe, at ang ikatlong palapag ay ang entertainment room kung saan maglalagay s’ya ng videoke upang mahasa pa ni Arianne ang asset nitong golden voice.

Tatlong anak, dalawang babae at isang lalaki. Ang kaisa-isang lalake ang kanyang junior at ang dalawang babae ay sunod sa pangalan ng nanay ni Arianne at Mommy n’ya. Gusto ni Carl na parehong may second name na Arianne ang dalawang babae.

Bago tuluyang makatulog si Carl, buong-buo na sa kanyang isipan ang kanyang pangarap. Wala s’yang kamuwang-muwang na sa kinabukasan, sa kanyang paggising mula sa napakagandang panaginip, ang tanging naghihintay pala sa kanya ay ang hindi n’ya inaasahang malupit na bangunot.

(Itutuloy)

Previous articleBanana Goodnite
Next articleLahat na nagmamahalan, tayo na lang ang hindi

No posts to display