PAGKAGISING NI Carl, nag-agahan lamang s’ya at dumiretso na sa Batangas. Sa kanyang pagmamaneho, nakaramdam s’ya ng kagalakan dala ng magandang panagimpan ng sinundang gabi. Sa tingin n’ya, matinding positive energy ang maibabahagi n’ya kay Arianne. Binubuo na rin n’ya sa kanyang isipan ang gagawing paglalarawan kay Arianne ng bahay na laman ng kanyang pangarap maging ang ngayo’y kagustuhang mag-isang clinic na lamang sila bilang parehong mga dentist.
Sa pagdating n’ya sa Batangas, hindi muna agad tumuloy sa ospital si Carl. Dumaan muna s’ya sa isang toy store at bumili ng isang maliit na doll house na s’yang kahawig ng dream house sa kanyang isipan. “Matatawa talaga si Arianne sa regalo ko,” naisip ni Carl.
Nasa pasilyo pa lamang s’ya patungong kuwarto ni Arianne sa ospital, hindi na magkandaugaga sa napipintong kasiyahan si Carl. Buhat-buhat ang doll house, malaking ngiti ang ibinabati ni Carl sa bawat makasalubong na napapangiti rin sa dala n’yang doll house. Sa labas ng kuwarto ni Arianne, huminga muna ng malalim si Carl. Kumatok muna s’ya at naghintay na pagbuksan s’ya ng pinto ng ina ni Arianne.
Sa pagbukas ng pinto, handang-handa na si Carl na biglang pumasok at sumigaw ng “Surprise!” habang ipapakita ang doll house kay Arianne. Pero s’ya ang na-surprise. Ang bumungad sa kanya sa pintuan ay hindi ang ina ni Arianne. Ang bumungad sa kanya sa pintuan ay si Ritz.
Nagkatitigan sina Carl at Ritz. Higit pang binuksan ni Ritz ang pintuan upang makapasok si Carl nguni’t ‘di magawang gumalaw mula sa kanyang kinatatayuan ang lalaki.
“Carl?” narinig n’yang tawag ni Arianne.
Sa pagtawag ni Arianne, dahan-dahang pumasok sa kuwarto si Carl. Hindi umaalis ang kanyang pagtingin kay Ritz na unti-unti namang tinungo ang isang upuan sa tabi ng bintana at dahan-dahan ding naupo.
“Ano naman ‘yan?” natatawang tanong ni Arianne kay Carl.
Hindi agad nakasagot si Carl.
“Magbabahay-bahayan ba tayo?” muling tanong ni Arianne.
Inalis ni Carl ang tingin kay Ritz at binaling ito kay Arianne. “Ang dream house natin,” sa wakas ay nasabi ni Carl.
Nakuha pang magpatawa muna ni Arianne. “Pa’no tayo magkakasya d’yan?”
“Hindi,” sabi ni Carl. “Hindi naman ito mismo. Ganito ang hitsura. Ayaw mo ba?”
Biglang tumayo si Ritz. “Sundan ko lang si Nanay mo baka kailangan ng tulong.”
Bago pa man mahawakan ni Ritz ang door knob, sumagot na si Arianne. “Konti lang naman ‘yung bibilhin n’ya sa 7-11.”
“Baka maparami, e,” giit ni Ritz.
“Itong si Carl ang isipin mo.”
Tiningnan ni Ritz si Carl. Nakipaglabanan ng titigan si Carl kay Ritz. Natigil ang kanilang labanan nu’ng kapwa nila marinig ang pag-ubo ni Arianne.
“Inuubo ka ba? Gusto mong tawagin ko ang nurse?” tanong ni Carl.
“Nasamid lang,” sagot ni Arianne.
“Sundan ko na ang Nanay mo,” sabi naman ni Ritz na biglang lumabas ng kwarto.
Sa paglabas ni Ritz, makahulugang tinitigan ni Arianne si Carl.
“Bakit ganyan ang tingin mo sa akin?” tanong ni Carl.
“Hindi mo ba s’ya susundan?”
“Arianne –”
“Sundan mo s’ya.”
“Pero –”
“Sige na.”
“Ba’t ba pumunta pa ‘yun dito?”
“Ba’t ‘di mo sundan para malaman mo?”
“Ginugulo ka ba?”
“Carl, sige na. Sundan mo na.”
Ilang sandaling tiningnan muna ni Carl si Arianne bago bumuntong-hininga at lumabas ng kuwarto. Sasarhan na lamang n’ya ang pintuan nu’ng sumilip s’ya uli sa kuwarto.
“Pero mag-iisa ka.”
“Sabihan mo na lang ‘yung isang nurse. Pabalik na rin naman ang Nanay.”
Nakiusap si Carl sa isang nurse na bantayan muna si Arianne at paparating na rin naman ang ina nito. Sabi naman ng nurse, tamang-tama at talagang kailangan n’yang painumin ng gamot si Arianne.
Lakad-takbo ang ginawa ni Carl sa pasilyo. Tumatakbo s’ya dahil gusto n’yang mahabol si Ritz at kumprontahin ito hinggil sa pagpunta nito sa ospital. Lumalakad naman s’ya kung gusto n’yang kalmahin ang kanyang sarili dahil ayaw naman n’yang may masabi o may magawa s’yang masama kay Ritz.
Malapit na sa canteen ng ospital nu’ng makita ni Carl si Ritz. Hinabol n’ya ito at hinila sa braso.
“Ano’ng kalokohan naman ito?” bigla n’yang tanong kay Ritz.
“Mommy mo ang nagsabi sa akin.”
“Pinapunta ka?”
“Hindi. Sinabi n’ya lahat. Nakilala ko rin naman si Arianne kahit pa’no. Gusto ko lang din s’yang dalawin.”
“H’wag ka nang makabalik-balik dito.”
“Nagpasalamat s’ya sa pagdalaw ko at sabi n’ya, sana makadalaw pa raw ako sa kanya.”
“Mabait kasi s’ya. Hindi katulad mo.”
“May sakit si Arianne. Hindi tayo dapat nag-aaway. Dapat nagtutulungan tayo para maging maayos s’ya.”
Gustong matawa ni Carl sa kanyang narinig. “Wala kang kinalaman dito. Hindi kayo close ni Arianne. Please naman, seryoso ang lagay n’ya. H’wag kang manggulo.”
“Hindi ako nanggugulo.”
“Kung hindi ka nanggugulo, h’wag ka nang magpakita pa.”
“E, sabi nga n’ya –”
“H’wag mo nang idahilan ang sinabi n’ya.”
“Hindi ko dinadahilan. Sinsero akong dumalaw sa kanya. Kung gusto ko talagang manggulo, siniraan na kita sa kanya o kaya pinaiyak ko na s’ya.”
“At talagang alam mo kung paano manggulo ‘no?”
“Ba’t ‘di s’ya ang tanungin mo? Tanungin mo kung ano ang gusto n’yang gawin ko.”
Tinalikuran ni Ritz si Carl at mabilis na lumayo sa kanya. Bumalik si Carl sa kuwarto ni Arianne. Sa pagbabalik n’ya, naroon na ang ina ng babae.
“Ang cute-cute naman nitong doll house na dala mo,” sabi ng ina ni Arianne. “Kung magpapatayo ako ng bahay, ganito ang gusto ko.”
“Ganyan din po sana ang gusto kong maging bahay namin ni Arianne e.”
Sa sinabi ni Carl, biglang napaluha ang ina ni Arianne.
“‘Nay,” sabi ni Arianne.
“Pasensya ka na, Anak,” sabi ng kanyang ina habang pinapahid ang luha. “Alam mo namang emotional ako, e.”
“Positive energy po, ‘Nay,” paalala ni Arianne.
Nangiti ang ina ni Arianne. “Oo, oo naman,” sabi nito. “Labas lang muna ako’t makakuha ng positive energy sa chapel. Dito ka lang sana muna Carl hanggang makabalik ako.”
Sa pag-alis ng ina ni Arianne, nagawang tanungin ni Carl si Arianne.
“Ano’ng ginagawa ni Ritz dito?”
“Sinabi raw ng Mommy mo ang tungkol sa lagay ko. S’ya rin ang nagsabi ng ospital na ‘to.”
“Ginulo ka ba n’ya?”
“Hindi,” sagot ni Arianne. “Ang sabi ko, mahalin ka n’ya.”
(Itutuloy)