HALOS MAHULOG si Carl sa kinauupuan nu’ng marinig ang sinabi ni Arianne. “Ano’ng mahalin?” tanong n’ya kay Arianne. Hindi agad sumagot ang babae. Pumikit ito at huminga ng malalim.
“Arianne?”
“‘Yun ang nararapat.”
Muling dumilat si Arianne. Tiningnan nito ang doll house. “Sa ganyang bahay mo s’ya itira,” sabi nito. Tiningnan din ni Carl ang doll house. Nang muli n’yang ibaling ang tingin kay Arianne, nakita n’yang nakatingin na ito sa kanya at nakangiti. Habang nakatingin s’ya sa nakangiting si Arianne, biglang nakita ni Carl ang pagtirik ng mga mata nito.
“Arianne?”
At nakita n’ya ang kagyat na pagkahulog ng ulo nito sa kaliwang balikat. Dali-daling lumabas ng kuwarto si Carl at tumawag ng nurse. Sa pagpasok ng mga nurse, nakita ni Carl ang mabilis na pagtingin ng mga ito sa katawan ni Arianne, ang pulso, ang puso, ang gilid ng leeg. Lumabas ang isang nurse at sa pagbabalik nito ay may kasama na itong doktor.
Hindi na naging malinaw pa kay Carl ang mga sumunod na pangyayari. Ang karahasan sa pagpapanumbalik ng buhay ni Arianne ay pilit na n’yang inaalis sa kanyang isipan. Tinawagan n’ya ang ina ni Arianne nguni’t napag-alaman n’yang naiwan nito sa kuwarto ang kanyang cellphone. Napako na lamang si Carl sa kanyang kinatatayuan habang nasasaksihan n’ya ang ‘di pa rin paggalaw ni Arianne sa kabila ng mga ginagawa ng doktor at mga nurse. Hindi na n’ya napansin ang parang bata n’yang pag-iyak.
Sa pagbalik ng ina ni Arianne, yakap at iyak ang isinalubong ni Carl. Humagulgol ang ina ni Arianne habang niyakap ang bangkay ng anak. Hinawakan ni Carl ang noo’y mainit pang kamay ni Arianne at hinalikan n’ya ito sa pagitan ng kanyang pag-iyak. Nu’ng bitawan ng ina ni Arianne ang anak, si Carl naman ang yumakap dito. Mainit pa rin ang katawan ni Arianne. Habang yakap s’ya ni Carl, binulungan n’ya ito, “Mahal na mahal kita, tandaan mo, mahal na mahal kita.”
Bago n’ya bitawan ang bangkay ni Arianne, hinalikan ni Carl ang mga labi nito.
Hindi na umuwi pa si Carl. Tinawagan n’ya ang kanyang Mommy at ibinalita ang nangyari. Kahit humahagulgol, nagawa ng Mommy n’yang sabihin sa kanyang pupunta s’ya nu’ng sandaling ‘yun mismo sa kung saan man ibuburol si Arianne.
Habang inaayos ng ina ni Arianne ang kailangan para sa burol ng anak, si Carl naman ang naghintay sa chapel na malapit sa bahay nina Arianne para sa pagdating ng bangkay nito. May mangilan-ngilang kaibigan at kamag-anak ang madaling nakarating doon matapos maibalita sa kanila ng ina ni Arianne ang naganap. Si Carl ang kumausap sa kanila. Ang iba’y dali-daling nagboluntaryong tumulong sa mga kailangan pang gawin.
Walang habas halos ang pagluha ni Carl habang nakikipag-usap sa mga kaibigan at kamag-anak ni Arianne. Ang bawat isa ay maraming alaala ng kabaitan at pagkamatulungin ni Arianne. Matiyagang inulit-ulit ni Carl sa bawat dumarating ang mga huling sandali ni Arianne. Nagulat s’ya nu’ng may isang pinsan si Arianne na dumating sa chapel na dala ang doll house. Sinalubong n’ya ito at nagpakilala s’ya.
“Itabi raw sa kabaong,” sabi ng pinsan ni Arianne sa kanya.
Napag-alaman ni Carl na ‘yun daw ang utos ng ina ni Arianne. Unti-unting dumami ang mga tao. Nagkaroon ng mukha ang mga dati’y ikinukuwento lang ni Arianne sa kanya: ang pinsang kumukuha rin ng dentistry, ang batang pamangkin na pilit ng pilit sa kanyang doon na lamang sa kanila magtrabaho, ang kaibigang kinuha s’yang ninang ng anak, ang tiyuhing doktor, ang tiyahing kanyang dinala sa practical exam upang bunutan ng ngipin, at iba pa.
Halos madurog ang puso ni Carl nu’ng makita ang pagsabit ng streamer kung saan nakalagay ang litrato ni Arianne at ang pag-anunsyo sa madla tungkol sa pagpanaw nito. Napaupo s’ya sa isang sulok at di na napigilan ang paghagulgol. Niyakap s’ya ng batang pamangkin ni Arianne at kapwa sila umiyak.
Hindi na malaman ni Carl kung gaano katagal pa ang nagdaan bago dumating naman ang sasakyang naglalaman ng bangkay ni Arianne. Nagtakbuhan palabas ng chapel ang mga tao. Nanguna si Carl. Kitang-kita n’ya ang pagbaba ng kabaong na naglalaman ng bangkay ni Arianne mula sa sasakyan. Muling bumulwak ang mga luha ni Carl. Sa kabila ng kanyang pag-iyak, nakiusap s’ya sa mga nagbubuhat na makisali sa pagbubuhat. Nagpakilala s’yang nobyo ni Arianne.
Nu’ng mailagay na sa tamang lagayan ang kabaong sa loob ng chapel, hindi na umalis pa si Carl sa pagkakatayo sa tabi nito at sa pagtitig sa wala nang buhay na mukha ni Arianne. Hindi na n’ya alam kung gaano katagal s’yang nakatayo roon hanggang sa maramdaman ang pagkapit ng kamay ng ina ni Arianne sa kanyang balikat.
Binalingan ni Carl ang ina ni Arianne at muli’y niyakap n’ya ito habang kapwa sila umiiyak. Binigyan ng pagkakataon ni Carl na masolo muna ng ina ang anak. Iniwan n’ya ito sa tabi ng kabaong ni Arianne at naupo muna s’ya sa pangunahing pew.
Habang ‘di pa rin napapawi ang kanyang pagluha sa kanyang pagkakaupo, narinig ni Carl ang ringing tone ng kanyang cellphone. Kinuha n’ya ang kanyang cellphone mula sa kanyang bulsa, ang buong akala n’ya’y ang mommy n’ya ang tumatawag. Gusto n’ya sanang ibato ang kanyang cellphone nu’ng makitang si Ritz pala ang tumatawag. Kinansel ni Carl ang call.
Gusto n’ya sanang patayin ang kanyang cellphone nguni’t nag-aalala naman s’yang baka tumawag ang kanyang Mommy dahil baka maligaw ito sa pagpunta sa chapel. Tatlong ulit pa s’yang nakatanggap ng tawag mula kay Ritz at tatlong ulit n’ya rin itong kinansel.
Ilang ulit ding pinasahan ng sandwich at iba pang pagkain si Carl nguni’t tinanggihan n’ya ang lahat. Kahit na inumin ay hindi s’ya kumuha. Sinabi n’ya sa ina ni Arianne na wala s’yang gana. Magkatabi silang nakaupo sa pinakaunang puwesto habang nilalapitan ng mga taong bagong dating. Matiyaga rin silang nakipag-usap sa mga tao. ‘Di man nila mapigilang muli’t muli’y umiyak, kinaya pa rin nilang ipaliwanag sa mga tao ang nangyari.
Nu’ng makahinga silang pareho mula sa dagsa ng mga tao, hinawakan ng ina ni Arianne ang kamay ni Carl ng mahigpit.
“‘Yung damit ni Arianne,” sabi ng ina nito kay Carl. “‘Yun ang gusto n’yang isuot sa kanyang kasal.”
(Itutuloy)