Maldita Lover (28)

RomancenovelILANG ULIT na nagsalitan ang pagkatulala at pagluha kay Carl. Paulit-ulit ding lumutang sa kanyang isipan ang noo’y pinakamasakit na salita para sa kanya: “Sana.” Sana ‘di na n’ya pinagdudahan pa ang damdamin n’ya para kay Arianne. Sana ‘di na n’ya ito pinigilan pa. Sana ‘di s’ya nagpadala sa mga pasakit ng kanyang kuwentong pag-ibig. Sana noon pa man, binuksan n’ya na ang pintuan upang papasukin sa kanyang buhay ang pagmamahal ni Arianne.

Tinanong n’ya ang kanyang Mommy, “Gano’n ba talaga? Kung sino ‘yung and’yan lang, ‘yung very accessible, ‘yun pa ang hindi napapansin.”

Para sa kanyang Mommy, “Madaling i-take for granted ang sinuman o anumang accessible, until mawala ito sa ‘yo.”

Tinanong n’ya rin si Rand, “Bakit gano’n? Bakit hindi ko agad nakitang may gusto na kami sa isa’t isa?”

Para kay Rand, “‘Yan na ‘ata ‘yung friendzone. Masyado kayong naging comfortable bilang friends kaya ayaw n’yo nang masira pa ang friendship n’yo.”

Tinanong n’ya ang kanyang sarili, “Bakit hindi ko nagawang tanggapin na mahal ko si Arianne?”

Matapos ang ilang gabing pakikipaglamay, isa lamang ang naging sagot ng kanyang sarili, “Masokista ka kasi.”

Binalikan n’ya si Rand, “Tingin mo ba masokista ako?”

Lumatay ang pagkagulat sa mukha ni Rand, “Ngayon mo lang na-decipher?”

Mapait ang naging ngiti ni Carl, “Mukhang gano’n nga ‘no?”

Binalikan nilang dalawa ang mga pakikipagrelasyon ni Carl. Sa tuwina, iisa lang ang naging pagkakatulad. Sa simula pa lang, bagama’t alam na ni Carl na maaaring masaktan s’ya sa huli, lalo n’yang hinahabol ang babae. Sa tantiya nila, higit na pasakit ang pagdaraanan ni Carl, higit na masigasig ang ginagawa n’yang paghabol.

“Mukha bang sadista si Mommy?”

Natawa si Rand. “Hindi naman. Pinalaki ka lang sigurong masyadong shielded. Parang lumaki kang hindi nasasaktan. Mabait lang, magalang, maayos. Walang angst. Baka ‘yun na ‘yon. Naghahanap ka ng susugat naman sa ‘yo.”

“Kaya hindi ko nagawang i-acknowledge ang nararamdaman namin ni Arianne sa isa’t isa. Siguro dahil alam kong sa kanya, hindi ako masasaktan.”

“Base sa mga kuwento mo, talagang hindi ka n’ya sasaktan.”

“Pero ngayon, nasasaktan ako.”

“Hindi na n’ya kagagawan ‘yan. Ikaw na ‘yan.”

Sa libing ni Arianne, si Carl ang nakaalalay sa nanay nito. Sa huling gabi pa lamang ng lamay, dalawang ulit nang hinimatay ang nanay ni Arianne. Sa misa kinabukasan, muli itong hinimatay. Habang nagsasalita ang mga kaibigan at kaanak ni Arianne tungkol sa kabutihan nito at ang ‘di nila mapipigilang pangungulila sa kanyang presensya ngayong nilisan na n’ya sila, hindi na malaman ni Carl kung nakailang timbang luha ang nagmula sa kanyang mga mata.

“Sumakay na po kayo,” paanyaya ni Carl sa ina ni Arianne nu’ng ihahatid na sa huling hantungan ang bangkay ng anak.

“Anak ko s’ya. Kakayanin ko,” ang pagtutol ng ina ni Arianne.

Nakaalalay pa rin si Carl sa ina ni Arianne sa buong paglalakad sa paghahatid sa huling hantungan ng babaeng huli na nu’ng mahandugan n’ya ng pagmamahal. Ang bawat paghakbang nila ay tila nagpapanumbalik sa bawat alaalang iniwan ni Arianne sa kanya. Ang kanilang mga mumunting paghihirap at tagumpay sa pag-aaral ng dentistry, ang pagkukusa ni Arianne na maging dental assistant n’ya sa sariling clinic na noo’y binabalak pa lang buksan, ang mga huntahan nila sa clinic, ang pag-uusap tungkol sa kaso ng bawat pasyente at sa mga nagaganap sa kanilang mga kaibigan, ang buong panahon ng diskusyon nila tungkol sa urong-sulong na panliligaw ni Carl kay Ritz.

Parang isang hudyat naman, sa pagpasok ni Ritz sa alaalang iniwan ni Arianne sa isipan ni Carl, pasumandaling tumigil ang paghahatid upang bigyan ng ilang sandali ang bangkay ni Arianne na makapagpaalam sa tapat ng bahay nito. Sa sandaling pagtigil na ‘yon, sabay ng paglakas ng pag-iyak ng ina ni Arianne, napatingin sa iba pang nakikipaglibing si Carl. At sa may bandang duluhan ng mga nakikipaglibing, nakita n’ya si Ritz.

Nagdalawang-isip si Carl kung lalapitan ba si Ritz at hihilinging umalis na lamang ito o hahayaan na lamang n’yang makipaglibing ito. Sa huli, bago muling nagsimulang umusad ang paghahatid sa huling hantungan ni Arianne, nanaig ang paggalang ni Carl sa nagaganap na paglilibing. Hinayaan n’ya na lamang si Ritz. Bakit nga naman n’ya pipigilan ang sinumang makipaglibing? Bakit nga naman n’ya pipigilin ang sinumang nagnanais na makiramay sa paglisan ng babaeng kanyang minamahal?

Sa huling pagbubukas ng kabaong ni Arianne bago ito tuluyang ilibing, humiwalay na ang ina ni Arianne kay Carl. Humahagulgol itong yumakap sa kabaong. Paulit-ulit na ipinapalahaw ang pangalan ng anak na ngayo’y tuluyan nang mawawalay sa kanya. Dalawang tiyahin ni Arianne ang lumuluhang lumapit sa ina nito. Pilit nilang inilalayo ang ina sa kabaong at pinapaalalahanang h’wag hayaang mapatakan ng luha ang salamin ng kabaong upang hindi maging mabigat ang paglalakbay ng kaluluwa ni Arianne tungo sa kabilang buhay.

Humalo si Carl sa iba pang nakikipalibing. Sa likod ng mga luhang patuloy ang pagbakod sa kanyang mga mata, nakita n’ya ang pagsasara sa kabaong ni Arianne. Tuod s’yang ‘di makagalaw sa kanyang kinatatayuan. May halong pagkatulala ang pagmamasid n’ya sa buong kaganapan. Nasaksihan n’ya ang unti-unting paglubog ng kabaong ni Arianne sa nakahandang hukay. Nagsipuntahan ang mga nakipaglibing sa gilid ng hukay at isinabay ang pagtapon ng mga hawak na bulaklak sa bawat pagpala ng lupa sa pagbabaon ng kabaong. Nguni’t si Carl, nanatiling tuod pa ring ‘di gumagalaw sa kinatatayuan. Ang hawak n’yang bulaklak ay ‘di n’ya namalayang unti-unting nadurog sa mariing pagkuyumos dito ng kanyang kamay.

Ang kanyang tuluy-tuloy na pagluha ay unti-unting nagpasikip sa kanyang dibdib habang lumalaki ang barang ‘di n’ya mapagtanto sa kanyang lalamunan. Tila galit na bulkang dahan-dahang namuo ang kanyang tinig. Unti-unti, nagkakaroon ng tunog ang kanyang pagluha. Hanggang sa tulad ng bulkan, humantong sa kasukdulan ang kanyang pagluha, isang atungal ang kumawala sa kanyang bibig, at kasabay nito ang panghihina ng kanyang mga tuhod.

Bago pa s’ya bumagsak sa lupa, dalawang kamay ang pumigil sa kanyang katawan. Pinilit s’yang itayo ng dalawang kamay, pilit pinasunod ang mga nanghihinang tuhod. Sa tindi ng kanyang pagluha at pag-atungal, sa panghihina ng kanyang tuhod at damdamin, napayakap na lamang si Carl sa nagmamay-ari ng dalawang kamay.

‘Di na n’ya namalayang sa libing ni Arianne, sinubsob n’ya ang kanyang luhaang mukha sa leeg ni Ritz.

 

(Itutuloy)

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 7 Issue 79 June 25 – 26, 2014
Next articleMaling Akala sa Pagpapapayat

No posts to display