Maldita Lover (29)

RomancenovelSI RAND ang naging katulong ni Carl sa paglilipat ng bahay. Ang akala n’ya, magkakaroon pa sila ng Mommy n’ya ng mahabang diskusyon tungkol sa pagbukod n’ya ng tirahan. Bagama’t agad s’yang nabunutan ng tinik, may halong pagtataka ang kanyang kasiyahan nu’ng hindi man lang nakipag-argumento ang kanyang Mommy tungkol sa kanyang pagbukod.

“Apartment o condo?” ang unang hirit ng kanyang Mommy.

Sa isang unit sa condo building na malapit sa kanyang clinic lumipat si Carl. Si Rand na rin ang naging katulong n’ya sa pagbili ng mga bagong gamit para sa kanyang lilipatan. Naging option din ni Carl na isang fully furnished unit na lamang ang kanyang kunin pero naisip n’yang maganda ring makapagpundar s’ya ng sariling mga gamit.

“Kailan pa ako magsisimulang magpaundar?” sabi n’ya sa kanyang sarili.

Nagprisinta ang kanyang Mommy na tutulungan s’ya sa pag-aayos pero tinanggihan n’ya ang tulong nito. Gusto n’yang maging totally independent maging sa disenyo o kawalan ng disenyo ng kanyang lilipatan. Biniro s’ya ni Rand tungkol dito, “Paninindigan mo ang pagiging eligible bachelor, ha?”

“Ayoko namang lolo na ako, nakadepende pa ako sa amin. Kailan pa ako matututong tumayo sa sarili kong paa? Dapat nga matagal ko nang ginawa ‘to, e.”

Sa tingin ni Carl, dapat ay bumukod na s’ya nu’ng naka-graduate s’ya. Alam n’yang malaking bagay rin namang naroon s’ya sa bahay ng parents n’ya at malaking tulong din talaga ito nu’ng nagsisimula pa lang s’ya sa pagde-dentista pero ngayo’y naging malinaw na sa kanyang kailangan ngang umalis ang bawat supling sa pugad upang matuto itong tahakin ang sariling buhay.

Simple lamang ang ginawang pag-aayos ni Carl sa kanyang unit. Dumepende sila ni Rand sa Internet upang tumingin ng mga ideya sa pag-aayos ng mga bahagi ng tahanan. Pinakanahirapan sila sa pag-aayos ng kusina. Hindi sila pamilyar sa mga tipikal na kagamitang para sa kusina.

“Magluluto ka, ha?” sabi ni Rand habang sinasabit ang mga kawali at kaserola.

“Oo naman. Dito ka pa kumain,” may yabang na pangako ni Carl.

Sa Internet din natutong magluto si Carl. Sa simula, hanggang pagprito at paggisa lamang ang kanyang nagagawa. Salitan ito sa pagsalang ng mga microwavable food na binibili n’ya sa grocery. ‘Di nagtagal, dala na rin ng tiyaga, natuto rin si Carl na magluto ng iba pang mga putahe. Magkahalong saya at lungkot ang kanyang naramdaman matapos n’yang mapatay ang kalan sa pagtatapos ng kanyang pagluluto ng sinigang na baboy.

Naalala n’yang minsa’y dinalhan s’ya nito ni Arianne nu’ng mapansing lagi na lamang s’yang nagla-lunch sa isang restaurant na malapit sa kanyang clinic.

“Puro pasta lang ‘yung nasa menu nila,” sabi ni Arianne. “Try mo namang may sabaw.”

Lagi mang niyaya noon ni Carl si Arianne para ilibre n’ya sa lunch man, meryenda o dinner, kung hindi ito tumanggi, ito naman ang nagbabayad sa kanyang kinain kung ito ma’y sumama sa kanya.

“Uy, in fairness,” sabi ni Rand nu’ng mabanggit ito ni Carl. “Woman s’ya, hindi girl.”

“Ano naman ‘yan?”

“‘Pag girl kasi, ‘yun ‘yung mahilig magpalibre. Puwedeng wala talagang pera, o gusto lang feeling prinsesang hinahandugan ng pagkain, o simpleng needy lang. Pero ‘pag woman, ‘yun ang hindi lang basta may sariling pera pero may pride na rin sa sarili, ayaw makaabala pa sa iba, ayaw na inililibre kasi sanay na hindi nangangailangan ng ibang tao.”

Sa tuwina, kahit sa gitna ng mga gawain sa unit man n’ya o sa clinic, sa kanyang pagmamaneho, paggo-grocery, o sa gitna ng kanyang mga hobby (paglalaro ng mga computer games, pagba-bike, pakikipaghuntahan sa mga kaibigan, etc.) hindi nawawala ang pagsundot-sundot sa kanyang isipan ng mga alaala ni Arianne.

“Kung nagkatuluyan kami, best man ka,” lagi n’yang sinasabi kay Rand.

Nu’ng una’y sinasakyan pa ni Rand ang mga ganitong sinasabi ni Carl, ngunit sa pagdaan ng mga araw, iba na ang naging sagot ni Rand. “Kung nagkatuluyan kayo, siguradong ikaw na ang pinakamasayang lalaking kilala ko.”

Matatahimik si Carl at babakuran ng luha ang kanyang mga mata. Bibigyan naman s’ya ni Rand ng mga salitang pampapanatag sa kanyang kalungkutan. “Kahit pa’no, nagkatuluyan na rin naman kayo. Naamin n’yo sa isa’t isa ang talagang nararamdaman n’yo. Carl, binabantayan ka ni Arianne. Hindi ko man s’ya nakilala talaga, alam kong kung saan man s’ya naroon, nasasaktan s’ya kung malungkot ka. Magiging masaya s’ya kung magiging masaya ka. Ba’t ‘di mo s’ya pasiyahin? Mabuhay ka ng maligaya upang hindi masayang ang pagmamahal n’ya sa ‘yo.”

Pinilit sundin ni Carl ang payo ni Rand. Sa bawat araw, kahit na pagluha pa rin ang sumasabay sa kanyang bawat paggising dahil sa alaala ni Arianne, pinipilit n’yang ngumiti bago bumangon at ipangako kay Arianne na magiging masaya ang kanyang araw. Ang bawat araw ay ‘di na lamang n’ya inangkin bilang kanyang pag-aari kundi pag-aari nilang dalawa.

Sa bawat araw, pilit na gumagawa si Carl ng mga bagay na magbibigay-tatak sa kanyang panahon. Iniipon n’ya ang mga bagay na magagawa n’ya sa isang araw na nakapagbibigay saya sa kanya – gaano man kaliit o kaikli – at kanyang ibabahagi ang lahat ng ‘yon sa pagtatapos ng linggo. Kadalasan, upang ‘di n’ya tuluyang makaligtaan, inililista n’ya pa ang mga ito.

Tuwing Linggo, naging ritwal na ni Carl ang pagbisita sa puntod ni Arianne sa Batangas. Doon, sa libingan ng babaeng kanyang minahal at patuloy na minamahal, ibinabahagi ni Carl ang tinipong mga ‘di malilimutang karanasan sa buong linggo. Parang pagpapatuloy lamang ng kanilang ritwal sa clinic ang nagaganap. Magkukuwento si Carl ng kanyang mga karanasan, mga naisip, mga naramdaman, habang nakikinig lamang si Arianne. Sa pagkakataon nga lamang na ito, wala nang komento, wala nang opinyon na pinalilipad sa kanya.

Tanging katahimikan na lamang ang nagiging sagot sa kanyang mga ibinabahagi. Kung minsa’y nabibingi s’ya sa katahimikang ‘yon. At ‘di lang minsang napaluha s’ya dahil sa nasabing katahimikan. Pero kahit na umiyak s’ya, tinitiyak n’yang bago n’ya lisanin ang puntod ni Arianne, nakatipon na ng lakas ng loob ang alaala ng pagmamahal nito sa kanya upang magawa n’ya muling harapin ang buhay ng may ngiti at pag-asa para sa kaligayahan.

(Tatapusin)

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 7 Issue 80 June 27 – 29, 2014
Next articleDota University, posible ba ‘yon?

No posts to display