HABANG NAGDA-DRIVE ng kanyang Fortuner si Carl, hindi maalis sa kanyang isipan ang pinagpipilitan ni Arianne. Todo-tanggi man s’ya kay Arianne na may fear of rejection s’ya, alam n’ya sa sarili n’yang ayaw n’yang magkamali kung kaya’t hindi n’ya mai-risk na ligawan si Ritz nang hindi s’ya siguradong sasagutin s’ya nito.
Nanumbalik sa alaala n’ya ang unang girlfriend n’ya. Si Pamela. Kaklase nila ni Rand nu’ng high school. Salutatorian. Chubby ito noon pero nu’ng pumasok sa Pre Med, unti-unting nawala ang baby fats nito. Sa parehong university sila nag-aral. Nagkikita nang madalas. Nagkukuwentuhan. Hanggang sa magkapalagayan ng loob. Nagde-dentista na si Carl sa clinic ng mga parents n’ya nu’ng makapasa sa board exam ng Medicine si Pamela. Ang akala ni Carl, magsisimula na ang pagbubuo nila ng pamilya. Pero gusto muna ni Pamelang pumunta sa Canada upang makapag-ipon. Tatlong buwan pa lang ang nakararaan nu’ng lumipad patungong Canada si Pamela, in-email nito si Carl para sabihing hindi nito makayanan ang lungkot ng pagtatrabaho sa ibang bansa kung kaya’t nahulog ang loob nito sa ibang lalaki. Dahil sa naganap sa kanila ni Pamela, sumumpa si Carl na sa susunod, pipili s’ya ng babaeng hinding-hindi s’ya iiwan.
Isang taon din bago muling sumubok na umibig si Carl. Si Ily. Short for I Love You raw ang pinangalan sa kanya ng mga magulang. Engineer naman si Ily. Nakilala ni Carl sa birthday party ng isa nilang common friend. Confident si Ily, smart, at maganda. Sa simula, pakiramdam ni Carl, s’ya ang nililigawan ni Ily. Halos araw-araw itong pumupunta sa clinic. Nu’ng una’y kung anu-ano ang pinagagawa sa ngipin. Nu’ng sumunod ay may kasamang mga kaibigang magpapaayos din ng ngipin. Nu’ng huli’y upang makipagkwentuhan na lamang. ‘Di nagtagal, niligawan ni Carl si Ily at naging sila. Pero matapos ang dalawang buwang pagiging sila, bigla na lamang s’yang tinext ni Ily: “It’s not working. I wish you all the best.”
Sa simula, hindi maunawaan ni Carl ang naging text sa kanya ni Ily kaya ilang ulit n’ya itong tinext at tinawagan. Nu’ng hindi sumasagot sa kanya ang babae, pinuntahan na n’ya ito sa tinitirhan nito. Katulong lang ang pinaharap sa kanya ni Ily at nagsabi pa ang katulong na ‘pag hindi umalis si Carl, tatawag na ito ng pulis. Pinuntahan ni Carl si Ily sa pinagtatrabahuhan nito. Biglang tinawag ni Ily ang guard upang paalisin si Carl.
Dalawang taon ding umikot ang ulo ni Carl kaiisip sa kung ano nga ba ang nagawa n’ya at bigla na lamang s’yang nilayuan ni Ily. Sabi ng mga kaibigan n’ya, malamang ay beteranang player si Ily. S’ya ang tipo ng babaeng ang thrill ay nagmumula sa conquest. ‘Pag na-conquer na nito ang lalaki, nawawalan na ito ng gana. Hindi naging sapat para kay Carl ang haka ng mga kaibigan. Hindi n’ya matanggap na isa lang s’yang conquest para kay Ily. Pinagpatuloy n’ya ang pagmumukmok hanggang si Rand na ang nagpapayapa sa kanyang isipan: “Kung ayaw sa ‘yo ng babae, dapat mas ayaw mo rin. Mas marami na ang babae sa lalaki, hayaan mong sila ang magkandarapa sa atin.” Dahil sa naging karanasan ni Carl kay Ily, naging motto na n’ya ang, “Kung ayaw sa akin ng babae, mas lalong ayoko sa kanya.”
Si Sheila ang naging ikatlong girlfriend ni Carl. Call center agent na minsa’y naging pasyente n’ya. Unang kita pa lang ni Carl kay Sheila, naalala na n’ya agad sina Pamela at Ily. Katulad nila, mestiza si Sheila, maamo ang mukha, at ngumingiti ang mga mata. Thoughtful si Sheila. Umabot ito sa pagdadala ng merienda, at ng mga maliliit na gifts kay Carl. ‘Pag may nabanggit na kinahihiligan si Carl – kanta, nobela, hobby – kinabukasan ay dala na ito ni Sheila para sa kanya. Naging big deal din kay Carl ang minsang pagsabi sa kanya ni Sheila na wala raw itong balak umalis ng bansa dahil mahal n’ya ang Pilipinas. Dating aktibista si Sheila at kahit hindi na aktibo sa pakikibaka, patuloy pa ring nananaig sa puso ang pagmamahal sa bayan. Inakala ni Carl, si Sheila na ang babae para sa kanya.
(Itutuloy)