MAGANDA ANG unang mga linggo ng pagsasamahan nina Carl at Sheila bilang mga lovers. Simpleng buhay lamang ang gusto ni Sheila kaya’t simple lamang ang kanyang mga pangarap. Nguni’t biglang naging malakas ang pagnanasa sa bansang mapatalsik ang noo’y nakaupong presidente. Naging muling aktibo sa pakikibaka si Sheila. Nag-resign ito mula sa call center at tuluyan nang ginugol ang panahon sa mga kilos-protesta at pag-oorganisa sa mga kanayunan.
Minsa’y nagsabi si Carl kay Sheila na na-mi-miss n’ya na ito. Nagulat s’ya dahil biglang nagalit sa kanya si Sheila. Ang sabi nito sa kanya, “Napakamakasarili mo upang isiping higit na karapat-dapat na tapunan ng panahon ang mga personal mong pagnanasang impluwensya lamang sa ‘yo ng mga kapitalista habang naghihirap ang ating bayan sa kamay ng pangulong nakikipagsabwatan sa mga imperyalista.”
Napaalis nga ang presidente at tuluyang umalis na rin si Sheila sa buhay ni Carl upang ipagpatuloy ang kanyang pakikibaka. Dahil sa nangyari sa kanila ni Sheila, sumumpa si Carl na sa susunod na umibig s’ya, titiyakin n’yang s’ya ang priority ng babae.
At ngayon, habang minamaneho ni Carl ang bago n’yang Fortuner, hindi n’ya maunawaan kung bakit hulog na hulog ang kanyang loob kay Ritz. Inaamin n’ya sa sariling talagang nagagandahan s’ya kay Ritz. Sa mga pagkakataong tinatamaan s’ya ng libog – at ito’y madalas – si Ritz ang pinapangarap n’ya. “Ang dami namang magaganda d’yan,” lagi n’yang sinasabi sa kanyang sarili. Pero kahit pa may mga nakikilala s’yang magagandang babae at kahit pa sa mga pagkakataong napapadako s’ya sa mga pugad ng mga babaeng nagbibigay ng panandaliang-aliw, hindi pa rin maalis sa kanyang isipan si Ritz.
Sinubukan na rin n’yang panghawakan ang mga dati na n’yang naging sumpa dala ng mga karanasan n’ya sa mga naging girlfriends n’ya. Naroong idiin n’ya sa kanyang utak na hindi si Ritz ang tipo ng babaeng hindi s’ya iiwan. Malimit n’yang ipaalala sa sariling hindi naiiba si Ritz kay Pamela. Ambisyosa si Ritz, gustong yumaman kung kaya’t natitiyak ni Carl na tulad ni Pamela, iiwan din s’ya nito upang hanapin ang pinakamadaling landas sa pagyaman. “Mahirap ‘pag masyadong ambisyosa ang babae,” ang lagi pa n’yang inaalalang minsang nasabi sa kanya ni Rand. “Kaya dapat, kung ambisyosa rin lang ang babae, layuan mo na. Ipagpapalit at ipagpapalit ka rin lang no’n sa ambisyon n’ya. Masasaktan ka lang.”
‘Di maintindihan ni Carl kung bakit pagdating kay Ritz, pakiramdam n’ya’y handang-handa s’yang masaktan. “‘Di pa naman ako masasaktan ngayon,” ang lagi n’yang paniniguro sa sarili. “Enjoy-in ko na lang muna na nakakasama s’ya.”
Naisip na rin n’yang baka parang si Ily rin lamang si Ritz. Baka may kung anong motibo lang, may kung anong agenda. Sabi nga ni Rand, “Alam mo iba na ang mga babae ngayon. ‘Di na uso ‘yung paki-pakipot pa. Nagkakilala lang ngayon sa Facebook, mamaya bibigay na. Nagkatinginan lang sa bar, magkasama nang uuwi. ‘Pag gusto ka ng babae, wala nang paliguy-ligoy ‘yon. Amin agad. Tapos.” Pero kahit ilang beses nang nagparinig sa kanya si Ritz na wala itong gusto sa kanya, hindi malaman ni Carl kung bakit patuloy n’ya pa rin itong nagugustuhan.
Alam ni Carl na baka matulad din lang si Ritz kay Sheila. Wala man sa pagkatao ni Ritz ang maging aktibista, alam ni Carl na hindi s’ya kailanman magiging priority nito. “Lekat,” sabi ni Carl sa sarili. “Kahit hindi ako priority, sige na nga. Kung anong gusto n’ya, sige na. Ba’t ba kasi naging priority ko pa s’ya e.”
Hindi na kailangan pang aminin kay Rand ang kanyang pagtingin kay Ritz. Naririnig na n’ya ang tinig ni Rand sa tuwing maiisip n’ya ang kanyang pinagdaraanan. Rand (sa isip ni Carl): “Kung anu-ano pang iniisip mo. Isa lang naman talaga ang paliwanag d’yan e. Lakas ng tama mo kay Ritz.”
(Itutuloy)