Maldita Lover (6)

RomancenovelBINALIKAN NI Carl ang panahong una s’yang nahulog kay Ritz. “Maganda s’ya,” panunumbalik ng kanyang alaala. “Unang kita ko pa lang sa kanya, may attraction na talaga.” Sunod ay ang attitude sa kanya ni Ritz. “May pagkamataray,” sabi ng kanyang alaala. “Talagang suplada pa kung minsan. Siguro natsa-challenge lang ako.”

Malapit na si Carl sa tinitirhan ni Ritz nu’ng maisip n’yang baka ang pagkaalam na lesbiyana si Ritz, ayon kay Rand, ang tunay na dahilan kung bakit nagustuhan n’ya si Ritz. “Hunter tayong mga lalaki,” naalala n’yang sabi ni Rand. “Predator. Mas mahirap hulihin ang prey, mas lalo tayong ginagahan.”

“Lekat,” biglang sabi ng isipan ni Carl habang natatanaw na n’yang nakatayong naghihintay sa kanya si Ritz sa tapat ng gate. “Libog lang ‘ata ito.”

Sumakay si Ritz sa Fortuner at nagpatuloy sa pagmamaneho si Carl. “Saan ba sa Buendia?” tanong n’ya sa babae.

“‘Pag ‘andu’n na, ituturo ko sa ‘yo.”

“Ba’t ba kailangan mong pumunta ro’n?”

“E, basta.”

“Pagda-drive-in mo ako mula QC hanggang Buendia, tapos hindi mo man lang sasabihin kung bakit?”

“Sige para mo d’yan, bababa na lang ako.”

Nagpatuloy sa pagmamaneho si Carl. “Tingnan mo ‘to, tinatanong lang, galit na agad.”

“Hindi ka nagtatanong, nagrereklamo ka.”

“E, s’yempre gusto ko rin namang malaman kung bakit ba kailangan kitang samahan do’n.”

“Kung ayaw mo akong samahan, magpapasama na lang ako sa iba.”

“Sinasamahan ka na nga.”

“E, parang ayaw mo, e.”

“‘Eto na nga.”

Biglang inapakan ni Ritz ang brakes ng sasakyan. Nag-panic si Carl. Mabuti na lamang at mabilis n’yang nabawi ang presence of mind n’ya at naitabi ang sasakyan.

“Gusto mo bang madisgrasya tayo?”

Hindi na sumagot si Ritz. Dire-diretso na itong bumaba sa sasakyan at naglakad. Dali-dali namang bumaba na rin si Carl at sinundan si Ritz.

“Ano ba talagang gusto mo?”

“E, ‘di pumunta sa Buendia. Ano pa?”

“Sasamahan ka na nga.”

“Marami kang arte!”

Hinablot ni Carl ang braso ni Ritz. “Ano’ng arte ‘yang sinasabi mo? Nagtatanong lang ako.”

Kumawala ang braso ni Ritz mula sa pagkakahawak ni Carl. “Kung gusto mo talaga akong samahan, wala kang reklamo, wala kang tanong.”

“Sasakyan ko. Gasolina ko. Oras ko. Pagod ko. Wala ba akong karapatang magtanong?”

“Kita mo na. Hindi ka lang nagrereklamo, nanunumbat ka pa.”

Muling naglakad si Ritz palayo kay Carl. Muli s’yang sinundan ni Carl. “Ba’t ba lagi kang ganyan? Ba’t ba lagi kang galit?”

Hindi sumagot si Ritz. Kumaway ito sa isang paparating na taxi. Huminto ang taxi sa tapat ni Ritz. Binuksan ni Ritz ang pinto ng taxi at akmang sasakay na nu’ng biglang sinarhan ni Carl ang pinto. “Mag-usap tayo.”

Muli sanang bubuksan ni Ritz ang pinto ng taxi pero biglang hinawakan ni Carl ang kamay ni Ritz at hinila itong palayo ng taxi. Lumabas ang taxi driver.

“Miss, ginugulo ba kayo n’yan?”

“Ah hindi po,” sagot ni Ritz. “Pasensya na po, Manong. Hindi na po ako sasakay.”

Tiningnan pa muna ng taxi driver si Carl, waring tinatandaan ang mukha nito bago ito muling sumakay ng taxi at tuluyan silang iwan.

“Pasalamat ka,” sabi ni Ritz. “Kung hindi ka lang kaibigan ni Kuya Rand, pinahamak na kita.”

“Ano ba talagang problema mo?”

“Wala ka nang pakialam.”

Muling lumakad si Ritz palayo kay Carl. Muli rin naman itong hinabol ni Carl. “Ano ba talaga ang gagawin mo sa Buendia?”

“Wala ka ngang pakialam.”

Inunahan ni Carl si Ritz at hinarang. “Ok, hindi na ako magtatanong. Ihahatid na lang kita.”

Nilampasan ni Ritz si Carl. “Ano pa ba’ng gusto mo?” sigaw ni Carl. Patuloy sa paglayo si Ritz. “Hindi kita maintindihan!” muling sigaw ni Carl. Patuloy pa rin sa paglayo si Ritz. “Ano ba ang importanteng nando’n sa Buendia?” Tumigil si Ritz.

Lakad-takbo si Carl para malapitan si Ritz. Sa likod ni Ritz, bumulong si Carl. “Para na tayong tanga, Ritz,” sabi n’ya. “Pero ayokong baka kung ano pang mangyari sa ‘yo. Ihahatid na kita.”

Nakita ni Carl ang pagtungo ni Ritz na sinundan ng pagyugyog ng balikat nito. Ilang saglit pa’y umiiyak na humarap sa kanya si Ritz habang takip ng kamay ang bibig. Masuyong kinabig ni Carl ang ulo ni Ritz at hinayaan itong umiyak sa kanyang dibdib. “Ito,” naisip ni Carl. “Ito siguro ang dahilan kung bakit ‘di ko mapigilang mahalin ka.” At hinayaan n’yang dumampi ang kanyang mga labi sa ulo ng babae.

(Itutuloy)

Previous articlePast Issue Pinoy Parazzi Vol 7 Issue 56 May 02 – 04, 2014
Next articleSuper Nanay

No posts to display