SA ISANG condo building sa Buendia bumaba sina Carl at Ritz. Sa buong pagmamaneho ni Carl, matapos ang pag-iyak ni Ritz, wala silang imikan. Kumawala na lamang si Ritz sa pagyakap ni Carl at habang basa pa ng luha ang mga pisngi’y diretsahan s’yang tinanong: “Ihahatid mo ba ako o hindi?” Inabot ni Carl ang kamay ni Ritz at dinala ito sa kanyang sasakyan.
Marami sanang gustong itanong si Carl kay Ritz nguni’t minabuti na lamang n’yang manahimik. Mas naging mahalaga sa kanyang maihatid nang maayos si Ritz sa kung saan man nito nais pumunta. “Lekat talaga,” naisip ni Carl. “Sumumpa-sumpa pa akong hindi mahuhulog ang loob sa babaeng hindi ako ang priority, ‘yun pala mahuhulog naman ako sa babaeng gagawin kong priority.”
Dahil wala namang sinabi si Ritz na maghintay na lamang s’ya sa ground floor ng building, sumunod si Carl kay Ritz nu’ng sumakay na ito sa elevator. Tahimik pa rin sila sa elevator. 7th floor. “7th heaven,” patawang sabi ni Carl sa sarili. Sinundan ni Carl si Ritz nu’ng lumabas ito ng elevator. Nasa tabi s’ya ni Ritz nu’ng magsimula itong kumatok sa isang pintuan. Sa pagbukas ng pintuan, isang babae ang tumambad sa kanila ni Ritz. Biglang niyakap ni Ritz ang babae at muli’y umiyak ito. Gusto na sanang matunaw ni Carl sa mga sandaling ‘yon. At lalong gusto na n’yang lamunin ng lupa sa mga susunod pang sandali. Nguni’t matiyaga s’yang umupo, ngumiti, nakinig. “Ba’t ba naging priority pa kita?” tanong n’ya sa kanyang sarili.
Si Arianne ang sumagot sa kanyang tanong, “Eh, kasi nga in love ka!” Halos bumaon ang tinig ni Arianne sa kukote ni Carl. Tinanong s’ya nito kung bakit nagmamadali s’yang umalis nu’ng nakaraang araw. Ikinuwento naman ni Carl ang lahat ng nangyari, wala s’yang inilihim kay Arianne. Naisip n’yang tutal, wala rin naman s’yang ibang mapagsasabihan. Kung sa mga kaibigan n’yang lalaki ikukwento ang mga naganap, siguradong pagtatawanan lang s’ya ng mga ito. “Move on!” ang malamang sabihin nila sa kanya. Nguni’t kay Arianne, na alam n’yang adik sa mga romance pocketbook at mga YA, sumugal na s’yang maiintindihan s’ya.
“Mabait ‘yung babae,” kuwento ni Carl. “Sonette ang pangalan. Kaklase ni Ritz sa high school. Matagal na raw silang magkaibigan. Tapos nu’ng mga naka-graduate na sa college, nagkita uli, na-rekindle ang friendship. Hanggang ayun.”
“Na-in love sa isa’t isa,” susog ni Arianne.
“Si Ritz lang daw. Akala nu’ng Sonette close friends lang sila. E, biglang nagkabalikan si Sonette at ‘yung isang ex n’yang lalaki. Tapos, magpapakasal na nga.”
“Kaya habol naman ‘yung si Ritz. Humagulgol pa.”
“Gano’n na nga.”
“At ikaw?”
“Ano’ng ako?”
“Kailan mo naman aamining in love ka sa kanya?”
“Kailangan ko pa bang aminin? Pinag-drive ko na nga s’ya mula QC hanggang Buendia. Sinamahan ko pa habang nagmamakaawa s’ya du’n sa babae n’ya. Ano pa’ng kailangan kong aminin?”
“Fifteen minutes na lang, darating na ‘yung susunod mong pasyente,” pasakalye ni Arianne. “In the span of fifteen minutes, sana naman maintindihan mo na kaming mga babae, takot ding mag-assume.”
“Wala s’yang kailangang i-assume. Totoo nga. Gusto ko nga s’ya. Dapat obvious na ‘yun sa kanya.”
“Sabihin mo sa kanya. Ligawan mo. Kailangan diretsahan.”
“Bakit pa?” tanong ni Carl. “Nakita na n’yang importante s’ya sa akin. At nakita ko ring hindi n’ya ako gusto. Ano pang silbi ‘pag sinabi ko sa kanya?”
“Para sa ‘yo,” hirit ni Arianne. “Hindi para sa kanya.”
“Pinakita na ngang hindi ako gusto.”
“E, pa’no kung gusto ka?”
“‘Yon? ‘Yung nagmamakaawa sa babaeng h’wag s’yang iwang mag-isa? ‘Yon? Gusto ako?”
“Napaka-segurista mo kasi, e.”
“Hindi ako naniniguro. Talagang sigurado na ako.”
“E, ‘di sumugal ka.”
“Ba’t ba gusto mo pang aminin ko sa kanya?”
Tiningnan s’ya ni Arianne. “Ewan ko sa ‘yo, bahala ka sa buhay mo,” sabi ng babae habang nagsimula na itong i-sterilize ang mga gamit. Ang hindi narinig ni Carl, sumisigaw ang damdamin ni Arianne, “Sabihin mo sa kanya para mapahiya ka! Sabihin mo sa kanya para hindi ka umasa! Sabihin mo sa kanya para hindi mo na s’ya mahalin.” At sa pagpayapa ng pagsigaw ng damdamin ni Arianne, unti-unting bumulong, “Dahil kung hindi mo na s’ya mahalin, baka sakali, makita mo kung gaano kita kamahal.”
(Itutuloy)