HININTAY NI Carl ang pag-scroll ni Arianne sa kanyang phone book. “Ito si Tricia,” sabi ni Arianne. “Ganda oh. Commercial model ‘yan.”
“Kaya pala familiar,” sagot ni Carl.
“Tapos ng BS Chem, taga-Alabang, mabait, may pagka-conservative, at very thoughtful.”
“Parang high maintenance, e.”
Tumaas ang isang kilay ni Arianne. “Nasa T na tayo,” sabi n’ya. “Paubos na ang contacts ko. Wala ka pa ring napipili para maka-date.”
“Baka dapat hindi na lang ako maghanap.”
“Akala ko ba gusto mong maghanap ng maliligawan para malimutan mo ‘yung si Ritz?”
“E, parang pangbata naman ‘tong ginagawa natin. Baka dapat hayaan ko na lang. Kung may makatagpo, maganda. Kung wala, e ‘di tanggapin na lang.”
Ibinalik ni Arianne sa kanyang bag ang kanyang cellphone. “Mag-decide ka nga kasi. Pabago-bago ka naman ng plano, e.”
“Ba’t naaasar ka? Kung ikaw naman kaya ang maghanap ng boyfriend?”
“H’wag mong ibahin ang usapan.”
“Ba’t nga ba wala kang boyfriend? ‘Asa’n na ‘yung boyfriend mo dating nagtatrabaho sa TV?”
Tiningnan ni Arianne si Carl. “Dinispatsa ko na.”
“Bait pa naman no’n,” sabi ni Carl. “P’wede ka nang magtayo ng flower shop sa dami ng ibinigay sa ‘yong bulaklak.”
“Nagbigay lang ng bulaklak, mabait na?”
“E, ‘yung manliligaw mo dating real estate agent?”
“Nagpakasal na.”
“Sinupladahan mo ata, e.”
“Binasted ko.”
Natawa si Carl. “Parang lahat na lang binabasted mo.”
“Sa choosy ako, bakit?”
“Kapipili mo, baka tumanda kang dalaga.”
“‘Di bale nang tumandang dalaga kesa mag-settle ako sa hindi ko naman talaga gusto.”
“E, ano ba’ng gusto mo?”
Sigaw ng isipan ni Arianne, “Ikaw!” Pero sabi ng kanyang bibig, “Basta. Ang importante ‘yung sa ‘yo muna.”
Sa gitna ng pag-uusap nila ni Arianne, tumunog ang cellphone ni Carl. Si Ritz. Dali-dali s’yang lumayo kay Arianne habang sinasagot ang tawag ni Ritz. Hindi na napansin ni Carl na pumatak ang mga ‘di mapigilang luha mula sa mga mata ni Arianne. ‘Di na n’ya napansing nag-text si Arianne sa kaibigan nitong si Tricia: “D q n kaya.”
Pagdating ni Carl sa restaurant kung saan s’ya pinapunta ni Ritz, naroon na ang babae. Nakangiti itong nakaupo habang pinagmamasdan s’ya sa kanyang paglapit sa kanilang mesa. “Late ba ako?” tanong ni Carl sabay tingin sa kanyang relo.
“Hindi,” sabi ni Ritz. “Maaga lang ako.”
“Medyo traffic, e.”
May inabot si Ritz na regalo. “Para sa lahat ng tulong mo.”
Tinanggap ni Carl ang regalo. “Wala ‘yon. Ano ba ‘to?”
“E, ‘di buksan mo, para malaman mo.”
Sinimulang buksan ni Carl ang regalo. “Tagal ko na nu’ng huli akong makatanggap ng regalo.”
Natawa si Ritz. “Sige, lagi kitang reregaluhan.”
Nakangiting nabuksan ni Carl ang regalo. Isa itong personalized mug na mayroong design ng ngipin at kung saan nakasulat ang “Dr. Carl, my favourite dentist.”
“Hindi pa naman kita nagiging pasyente, e,” biro ni Carl.
“Baka mahirap magpa-appointment sa ‘yo. Mukhang marami kang pasyente.”
“Kahit may kailangang bunutin o may sumasakit na ngipin, basta nagpa-appointment ka, maghintay sila.”
“Uunahin mo ako?”
“Ganda nitong mug, e.”
Habang kumakain sila, pinagkuwento ni Ritz si Carl tungkol sa trabaho nito bilang dentist. Ganado namang nagkuwento si Carl. Umabot pa s’ya sa pagdo-drawing sa tissue ng mga sirang ngipin upang higit na maipaliwanag kay Ritz ang kalikasan ng kanyang trabaho. Interesado namang nakinig si Ritz. Maya’t maya’y may mga tinatanong ito na lalong nagpagana kay Carl dahil pakiramdam n’ya’y talagang maraming gustong malaman si Ritz tungkol sa kanyang trabaho.
Matapos nilang kumain, naging tahimik si Ritz. Pinuna ito ni Carl, “Information overload na ba?”
Ngumiting umiiling si Ritz. “Bumubuwelo lang ako.”
“Para saan?”
“Thank you.”
Kinuha ni Carl ang mug at pinakita kay Ritz. “Sobrang thank you na ‘to.”
Bago sila lumabas ng restaurant, nag-offer si Carl na ihatid si Ritz sa tinitirhan nito. Tinanggap naman ng babae ang alok ng dentista. Masaya nilang pinuntahan ang sasakyan ni Carl sa parking lot. Pasakay na sila nang may dalawang lalaking nakamaskara ang biglang nanutok ng balisong sa kanila. Bago pa man naka-react si Carl, naramdaman na lang n’ya ang pagsuntok ng mga kamao ng dalawang lalaki sa kanyang mukha.
“Carl! Utang na loob, tama na!” narinig ni Carl na sigaw ni Ritz.
Bumangon si Carl at nakipagbuno sa dalawang lalaki. Napada s’ya sa sementadong sahig ng parking lot at bago nawalan ng malay, naramdaman n’yang inihiga s’ya ni Ritz sa kandungan nito at nakita n’ya ang umiiyak na mukha nito habang hinahaplos ang basag n’yang mukha.
(Itutuloy)