DALAWANG TAON matapos ang paglisan ni Arianne, pinagdaanan man ni Carl ang lahat ng mga ritwal para sa mga naiwan ng namayapa kasama na ang pagbabang-luksa, hindi pa rin tuluyang nawawala sa kanyang buhay ang alaala ni Arianne. Isa ito sa mabigat na dahilan kung bakit ayaw sana n’yang lumipat ng clinic kahit na inabisuhan na s’ya ng may-ari ng building kung saan rumerenta ang kanyang clinic na ibebenta na ang building upang maging bahagi ng itatayong malaking mall.
Sa pagtatapos ng ilang buwang palugit na ibinigay sa kanya ng may-ari ng building, nakahanap din si Carl ng malilipatan ng kanyang clinic. Tulad ng dati, si Rand ang naasahan n’ya sa pagtulong sa kanya sa pag-aayos at paglilipat ng mga gamit. ‘Di tulad ng paglilipat n’ya sa kanyang condo unit, naging madali para sa kanila ang paglilipat ng clinic. Nakita ni Carl kung gaano kasinsin ang ginawang pag-aayos ni Arianne sa mga files at mga kagamitan sa clinic. Maging contacts sa mga dental supplies ay ayos na ayos nito.
Pinakamahirap para kay Carl ay ang pagbubukas sa mga drawer ng dating mesa ni Arianne. Kahit na alam n’yang wala nang laman ang mga ito, mahigit dalawang taon na nu’ng umalis si Arianne sa clinic, hindi n’ya pa talaga nabubuksan ang mga drawer nito. Kahit na nagkaroon na s’ya ng bagong dental assistant, hindi n’ya pinagamit ang mesang ito. Nanatili lamang ito sa dati nitong puwesto at itinabi na lang dito ang bagong mesa ng bagong dental assistant.
Ang sabi ni Carl kay Rand, dadalhin n’ya pa rin ang mesa ni Arianne sa bagong clinic bilang simbolo ng presensya ni Arianne. Hindi naman nagtanong pa o tumanggi si Rand, nauunawaan n’yang hindi naaanod ng panahon ang pagmamahal ng kaibigan sa lumisang minsa’y umibig sa kanya at inibig n’ya rin.
Si Rand ang nagbukas sa mga drawer. Isang malaking drawer at tatlong maliliit pa ang bumubuo sa mesa. Sa isang maliit na drawer, nakita ni Rand ang isang maliit na notebook. Binigay n’ya ito kay Carl. “May iniwan nga ‘ata para sa ‘yo.”
Tinanggap ni Carl ang maliit na notebook. Binuksan n’ya ito at napag-alamang mala-diary ito ni Arianne ng mga pinag-uusapan nila tungkol kay Ritz. Iniwan muna ni Rand si Carl sa clinic upang makapagsarili ito habang binabasa ang laman ng maliit na notebook. Umagos muli ang mga luha sa Carl habang binabasa ang eksaktong mga kinwento n’ya kay Arianne tungkol kay Ritz. Madilim na ang paligid nu’ng marating ni Carl ang entry sa maliit na notebook.
“Mababasa at mababasa mo ‘to, alam ko. P’wedeng nasa ospita na ako o wala na ako. Paulit-ulit mo sanang basahin para paulit-ulit mong maalala kung paano ka magmahal. Mahal mo s’ya, Carl. S’ya lang, sa kanilang lahat, sa aming lahat, s’ya ang tunay mong mahal.”
Kipkip ni Carl ang maliit na notebook nu’ng bumisita s’ya sa puntod ni Arianne. “Binasa ko ‘to, paulit-ulit, gaya ng sabi mo. Pero mali ka, hindi s’ya ang mahal ko. Naiintindihan ko na. Sabi ni Rand, masokista nga raw ako. Nu’ng una, siguro gano’n na nga. Gusto ko ‘yung challenge, ‘yung para na akong tangang nagpapakamatay para sa isang taong paulit-ulit lang akong sinasaktan. Akala ko kasi dapat gano’n. Akala ko sukatan ng pagmamahal ‘yung tindi ng mga pasakit na kailangang pagdaanan. Pero minahal mo ako at sa huli, naamin kong mahal din kita. Hindi pala ‘yung tindi ng pasakit na kayang tanggapin ang mahalaga. Hindi ko minamaliit ang ilang ulit na alam kong nasaktan ka. Ang alam ko lang, ang gusto mo lang ay mapabuti ako. At ‘yun ang natutunan ko. Mahal mo ang isang tao hindi dahil handa kang masaktan. Mahal mo ang isang tao dahil handa kang sa tuwina gawin ang lahat upang mapabuti lamang ito.”
Sa pag-aayos ni Carl sa bulaklak na dala, naramdaman n’yang may nakatayo sa kanyang likuran. Nilingon n’ya ito.
“Nagkasabay pa tayo,” sabi ni Ritz.
Ilang sandaling pinagmasdan ni Carl si Ritz. Higit itong gumanda habang nakatayo’t hawak ang mga bulaklak. Nilapag ni Ritz ang mga dalang bulaklak sa puntod ni Arianne.
“Dumadalaw rin ako rito,” sabi ni Ritz. “Hindi lang siguro kasing-dalas mo.”
Bumalik sa alaala ni Carl ang naganap sa libing ni Arianne. Sa kanyang pag-iyak habang yakap s’ya ni Ritz, bigla s’yang kumawala sa pagkakayakap nito at sa likod ng mga luha, sinabihan n’ya si Ritz, “Utang na loob, kahit kailan, ayoko na kitang makita.” Nilayuan ni Carl si Ritz nu’ng sandaling ‘yon at mula nga noon, kahit pa housemate pa rin ito ni Rand, wala na s’yang narinig pa tungkol dito.
“H’wag kang mag-alala, alis na rin ako,” sabi ni Ritz.
Matapos maiayos ang nilapag na mga bulaklak, nagsimula na ngang umalis si Ritz.
“Ritz,” pagpigil ni Carl.
Nilingon s’ya ng babae. Nilapitan ni Carl si Ritz. Mula sa kanyang bulsa, nilabas n’ya ang maliit na notebook.
“May iniwan s’ya. Dati, akala ko para sa akin. Pero ngayon, tingin ko, para sa atin.”
Binigay ni Carl ang maliit na notebook kay Ritz. Dahan-dahan itong binuklat ng babae. ‘Di pa man nagtatagal sa pagbabasa ng nilalaman nito, nakita na ni Carl na nangiti si Ritz.
“Hindi kita kinokonsensya,” sabi ni Carl. “Hindi ko rin gustong makita mo pa kung ano ‘yung mga pinagdaanan ko. Ang gusto ko lang, makita mo d’yan kung paanong magmahal nang walang test, walang duda, walang paghihintay na suklian o mahalin din ang sinasabing binibigay na pagmamahal. Makita mo sana ‘yon. Makilala mo pa sana si Arianne.”
Sinarhan ni Ritz ang notebook. “Sandali lang kaming nagkausap pero marami s’yang sinabing hindi ko malimutan. Siguro, kung noon ko pa s’ya nakilala, hindi na kita nasaktan. At hindi na rin ako nasaktan. Thank you dito. Oo, babasahin ko. Alam kong magiging masakit. Pero gano’n naman, ‘di ba? Kadalasan, kailangan nating masaktan para matuto tayo. Kadalasan, kailangang masaktan para tuluyang lumigaya ang isa’t isa.”
Dala ang maliit na notebook ni Arianne, tuluyang iniwan ni Ritz si Carl. Sa kanyang pag-iisa sa tapat ng puntod ni Arianne, habang pinagmamasdan ang puntod na nilapagan ng mga bulaklak, humiling si Carl, “Sana magawa ko muling magmahal. Sa paraang tulad ng pagmamahal mo. Walang iniindang pasakit, walang pagdududa, walang gulo. Dahil ang mahalaga lang, mapabuti ang sinasabing minamahal.”
Magdidilim na nu’ng iwan ni Carl ang puntod ni Arianne. Sa kanyang pag-alis, kipkip n’ya ang pag-asang sa muling pagtibok ng kanyang puso para sa sinasabing pag-ibig, hindi na nito papatawan pa ng salita ang kanyang iibigin. Hindi martir, hindi maldita. Basta, mahal n’ya.
At ‘di napigilan ni Carl ang pagsilay ng isang ngiti.
(Wakas)