Maldita Lover (2)

RomancenovelMULING NALIMAS ang lahat ng laman ng utak ni Doc Carl nu’ng marinig na lesbiyana si Ritz. Mabuti na lamang at mabilis ang pagbawi ng high school seatmate n’yang si Rand. “Pero tingin ko, put on lang ‘yon,” sabi ni Rand sabay inom sa de yelong softdrink.

“Pa’nong put on?”

“Ayaw lang magpaligaw n’yang si Ritz. May dalawang kapatid pang pinag-aaral. Nasa high school pa lang. Eh, alam mo naman tayong mga lalaki, ‘pag sinabihang h’wag, lalo namang nagpupursige.”

Ipinagpatuloy ni Rand ang usapan sa pamamagitan ng pag-e-explain kung paanong by nature ay hunter talaga ang mga lalaki. “’Yung thrill ng conquest ang kalimitang pattern ng mga love story nating mga lalaki.”

Na-amuse naman si Doc Carl sa kanilang usapan. Nu’ng seatmates pa lang sila ni Rand sa high school, sa gitna ng mga kuwentuhan nila tungkol sa kanilang mga pangarap (ang maging dentistang tulad ng kanyang parents para kay Carl, at ang maging Vet naman para kay Rand dahil mahilig itong mag-alaga ng pets), mga kung anu-anong teorya tungkol sa love ang hilig pag-usapan ni Rand. Natatawa na lang si Carl kung binabalikan ang mga panahong ‘yon.

“Usap tayo nang usap tungkol sa love,” pabirong sinasabi n’ya kay Rand. “Pareho naman tayong grumaduate sa high school na walang girlfriend. Ni date sa prom, wala nga tayo eh.”

Matatawa na rin si Rand dahil bukod sa totoo, wala rin s’yang paliwanag kung bakit sa dinami-rami ng mga magaganda nilang kaklase, pareho silang walang napiling ligawan ni Carl.

“‘Di kaya bakla tayo?” minsa’y pabirong natanong ni Rand kay Carl.

“Ako, sigurado akong hindi ako bakla,” diretsahang sagot ni Carl. “Bukod sa favourite reading material ko ang FHM, matagal ko nang crush si Ma’am Susan.”

Ipinakita pa ni Carl ang mga picture ng teacher nila sa Sophomore English na patago n’yang kinunan sa kanyang phone.

“‘Di ka nga bakla, stalker ka naman.”

“Eh, sa naubusan na ako ng dahilan kung bakit kailangan ko s’yang piktyuran,” pagtatanggol ni Carl sa sarili. “Nagamit ko na ‘yung ‘we need to feature you in our school organ, The Fighting Pen’. Pati ‘yung ‘this is for our yearbook’, at ang napaka-pathetic na ‘sige na po, Ma’am. Birthday po ng isang classmate ko. Matagal na po talaga n’ya kayong crush. Kaya bilang birthday gift po sa kanya, ako na lang po ang kukuha ng picture n’yo’.”

Matapos matawa, tinanong ni Rand si Carl, “Ba’t mo ba na-crush-an ‘yon?”

“Maganda eh. Ang amo ng mukha. Tapos ang galing magturo. Kahit naman ikaw, favourite teacher mo ‘yun eh.”

“Pa’no ko ba namang hindi magiging favourite ‘yun eh, sa kanya lang ako nakaranas ng line of 9 na grade sa English sa buong high school life ko. Sobrang bait.”

“Ayun pa nga, sobrang bait.”

“Eh, maka-crush-an mo nga si Ritz.”

Nagulat si Carl. “Ha? Pa’nong maka-crush-an eh, kakakita ko pa lang sa kanya?”

“Maganda. Maamo ang mukha.Matalino. At mabait.”

“‘Yon? Pa’no naging mabait ‘yon? Eh ang cranky kaya.”

“Defence mechanism lang ‘yon.”

“’Yung pagiging lesbiyana, defence mechanism. Ngayon naman, defence mechanism din ang pagiging cranky. Ano ba ang dinidepensa n’ya? Ayoko sa babaeng defensive.”

“Ayan, crush mo na s’ya.”

“Hindi nga. Lesbiyana na. Cranky pa. Defensive pa.”

“Eh, bakit defensive ka?”

Dinaan ni Carl sa ngiti ang kanyang depensa. “Ako pa ang naging defensive?”

“Ayan oh. Todo-tanggi ka agad. Dami mo pang dahilan.”

“Eh, sa ikaw ang naunang magparatang na crush ko ‘yang housemate mong alanganin.”

“Kung hindi mo ba naman s’ya crush, bakit tunaw na ‘yang yelo sa soft drink mo, s’ya pa rin ang pinag-uusapan natin?”

(Itutuloy)

Previous articleKarma at Malas
Next articleAnsabeee 04/23/14

No posts to display