Maldita Lover (3)

RomancenovelUPANG HINDI mahalatang crush na nga ni Doc Carl si Ritz, si Rand ang hinahanap n’ya sa tuwing s’ya ay pupunta sa bahay ng mag-housemate na sina Ritz at Rand. Kinakagat naman ang kanyang ruse dahil parang magkapatid na rin ang turingan nila ni Rand simula pa nu’ng maging seatmates sila sa high school.

“Ay, naku, Carl,” lagi namang hinihirit ng kanyang dental assistant na si Arianne. “Ang hirap sa ‘yo, masyadong matindi ang fear mo of rejection. Simpleng crush lang, hindi mo pa masabi.”

“Alam mo, dapat talaga maipakilala ko na kayo ni Rand sa isa’t isa eh,” malimit na ganting banat ni Carl. “Parehong-pareho kayo. Masyadong maraming teorya sa love.”

Sa gitna ng pag-i-sterilize sa mga kagamitan nila sa dental clinic, naging favourite topic na nila Carl at Arianne ang nililihim na pagtingin ni Carl kay Ritz.

“Kung wala kang fear of rejection,” buga ni Arianne habang nag-i-sterilize. “Niligawan mo na ‘yung Ritz na ‘yon.”

“Pa’no liligawan eh, lesbiyana nga?”

“‘Di ba sabi nu’ng si Rand, put on lang naman.”

“Eh, suspetsa lang n’ya ‘yon. Pa’no kung totoo?”

“Eh, ‘di may fear of rejection ka nga.”

Pinataas-baba ni Carl ang dental chair, kunwa’y inaayos pero ang totoo’y ‘di lang malaman ng isipan kung paano nga ba tatanggaping natatakot s’yang mabasted ni Ritz, o worse ay magalit pa sa kanya ang babae.

Nilapitan s’ya ni Arianne at hininto ang pagpapataas-baba n’ya sa dental chair. “H’wag mong pagdiskitahan ang dental chair.”

“Inaayos ko lang. Bata ‘yung susunod na pasyente, ‘di ba?”

“Weh! Para namang ngayon ka pa lang magkaka-pasyente ng bata. Eh, pag-upo ng bata, o kahit pa sinong pasyente, talaga namang ina-adjust ‘tong dental chair. Ano ‘yon? Bigla ka na lang na-bobo?”

“Eh, para nga hindi na mag-a-adjust-adjust.”

“Buking ka na, Carl,” pagdidiin ni Arianne. “Lulusot ka pa. Tanggapin mo na lang na takot ka talaga sa rejection.”

“Nakaka-tatlong girlfriends na ako,” sabi ni Carl. “At dalawang beses na akong nabasted. Wala na ako n’yang sinasabi mong fear of rejection.”

Biglang natahimik si Arianne. Sa isipan ni Carl, rumagasa ang alaala ng dalawang beses na pagkaka-basted sa kanya. Parehong mga kaklase nila sa Dentistry ang mga babaeng nambasted sa kanya. At pareho s’yang nabasted kahit na nagpatulong s’ya kay Arianne para ligawan ang mga ito.

“Uy, ‘di kita sinisisi sa pagkakabasted ko ha?” paniniguro ni Carl kay Arianne.

“Hindi ko naman iniisip na sinisisi mo ako eh.”

“Baka magalit ka eh. Ang hirap kumuha ng dental assistant ngayon,” birong tugon ni Carl.

Sa loob-loob ni Carl, totoong natatakot s’yang iwan ni Arianne. Bihirang-bihira sa mga dentista ang pumapayag na maging dental assistant na lamang sa clinic ng kapwa dentista. Sa kaso pa ni Arianne, miyembro na ito ng Philippine Dental Association at mas mataas pa ang nakuhang grado kay Carl sa board exam.

“Alam mo naman sa practical, talagang magaling ako,” sabi ni Arianne noon. “Malaking tulong ata ‘yung nag-pa-piano ako e. Matindi ang control sa kamay. Kaya ang galing kong bumunot ng ngipin.”

“Kahit na. Dentista ka eh. Ba’t ka naman papayag na maging assistant ko?”

“Para namang hindi mo ako natulungan nu’ng college. Kung hindi ka mahilig mag-notes baka hanggang ngayon nag-aaral pa rin lang ako. Saka, matagal mo nang dream ‘yang clinic na ‘yan eh. Hindi ka na makiki-clinic sa mommy at daddy mo.”

“Eh, pa’no ‘yung hospital sa inyo? Iiwan mo?”

“Bored na bored na ako sa Batangas ‘no?” sabi ni Arianne. “Do’n na nga lang ako sa clinic mo sa QC. Change of scenery.”

Bumalik sa kasalukuyan ang isipan ni Carl. “Eh, ba’t bigla kang natahimik?”

Si Arianne naman ang nagtaas-baba sa dental chair habang sumisigaw ang kanyang isipan, “Dahil hindi ko masabi sa ‘yong nabasted ka dati kasi siniraan kita sa mga gusto mo. Dahil hindi ko masabi sa ‘yong matagal na kitang gusto. Dahil hindi ko masabi sa ‘yong ako ang tunay na may fear of rejection!”

(Itutuloy)

Previous articleSari-saring Chikka 04/25/14
Next articlePaalam Nokia

No posts to display