Dear Atty. Acosta,
GUSTO KO pong malaman ang legal na paraan upang maitama ko ang aking kasa-rian sa aking birth certificate. Ipinanganak po ako at kasalukuyang naninirahan sa Sampaloc, Manila. Female ang nakalagay rito kahit na isa akong lalaki. Hindi po ako makakuha ng passport dahil dito. Malaki po ba ang magagastos dito? Mahirap lamang po ako. Mayroon po ba akong maaaring lapitan upang makatulong sa akin?
Robert
Dear Roberto,
ANG PAGWAWASTO ng maling datos sa isang birth certificate ay maaaring maisagawa sa judicial o administratibong paraan. Ang judicial na paraan ang paghahain ng Petition for Correction of Entry ayon sa Rule 108 ng Rules of Court sa Regional Trial Court ng lugar kung saan nakarehistro ang birth certificate na ipapawasto. Ang administratibong paraan naman ay ang paghahain ng isang petisyon ayon sa Republic Act No. 9048 o mas kilala sa tawag na Clerical Error Law. Ayon sa batas na ito, kung ang maling datos sa birth certificate ng isang tao ay maituturing na clerical o typographical na pagkakamali lamang, maaari na itong ipatama sa tanggapan ng Civil Registrar ng lugar kung saan nakarehistro ang naturang birth certificate. Matatagpuan sa Section 2 ng R.A. No. 9048 ang ibig sabihin ng katagang clerical o typographical error:
Sec. 2. Definition of Terms.
xxx
“Clerical or typographical error” refers to a mistake committed in the performance of clerical work in writing, copying, transcribing or typing an entry in the civil register that is harmless and innocuous, such as misspelled name or misspelled place of birth or the like, which is visible to the eyes or obvious to the understanding, and can be corrected or changed only by reference to the other existing record or records: Provided, however, That no correction must involve the change of nationality, age, status, or sex of the petitioner.
HINDI KABILANG sa clerical o typographical error ang mga pagkakamali ukol sa kasarian ng isang tao. Samakatuwid, upang maitama ang iyong kasarian sa iyong birth certificate, kinakailangan mong maghain ng Petition for Correction of Entry ayon sa Rule 108 ng Rules of Court sa Regional Trial Court ng Manila kung saan nakarehistro ang iyong birth certificate. Kailangan mo ng isang abogado sa paghahain ng nasabing petisyon. Kung wala kang kakayahan upang magbayad ng isang pribadong abogado, maaari kang magtungo sa aming tanggapan upang ikaw ay aming matulungan sa iyong suliraning legal. Ang tanggapan ng Public Attorney’s Office sa Maynila ay matatagpuan sa 4th Floor, William Godino Bldg. 350 Arroceros St., Ermita, Manila.
Kapag inayunan ng hukuman ang iyong petisyon, papadalhan ng sertipikadong kopya ng desisyon ang tanggapan ng Civil Registrar ng Manila. Itatala naman ng Civil Registrar sa iyong birth certificate ang nasabing desisyon upang maitama na ang pagkakamali ng datos tungkol sa iyong kasarian.
Malugod po namin kayong inaanyayahan na manood ng “Public Atorni” sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, sa ganap na 4:30 ng hapon
Atorni First
By Atty. Persida Acosta