Mali na paghahambing

KALIMITAN SA MGA tanggapan ng ating pamahalaan ay mayroon silang pinaghahambingan.

Kung kaso ng Dengue o Cholera, sasabihin ng DOH, mas mababa ang rekord natin ngayon kung ikukumpara sa bilang ng insidente sa magkaparehong piryud noong nakaraang taon.

Minsan sasabihin ng pulis, mas mababa ang bilang ng krimen ngayon kung ihahambing sa crime index sa magkaparehong buwan noong nakaraang taon.

Minsan sasabihin ng Malacañang, mas kaunti ang kriminalidad, korapsyon at pang-aabuso ngayon kesa noong nakaraang administrasyon.

Mali ‘yan, parekoy.

Maling-mali!

Kasi nga, kahit kitang-kita na ang mga kapalpakan sa serbisyo, lumalabas na dapat pa rin tayong magpasalamat sa kanilang kapalpakan.

Mabuti nga hindi lumala kesa dati!

O, ‘di ba? Paano mo ngayon kukundenahin ang tao o tanggapan na dapat mo pa ngang pasalamatan?

Ang ibig kong sabihin, parekoy, kung tunay na serbisyo ang layunin ng kada opisyal ng pamahalaan, hindi ang paghahambing na ‘yan ang dapat gawin.

Bagkus ay dapat lang gamitin ang rekord ng nakaraan para maihanda ang magandang kinabukasan!

Sa anong paraan?

Halimbawa, pag-upo ng PNP Chief, tingnan agad niya ang record ng carnapping incident sa 1st quarter ng nakaraang taon.

Kung noon ay 50, mag-target siya na dapat 30 lang o mas mababa pa ang mangyari sa kanyang panunungkulan.

Pagkatapos ng nasabing quarter, doon na dapat niyang ihambing ang kanyang accomplishment at ang kanyang target.

Kung nakuha niya ang target na bilang, mag-target naman siya ng mas mababa pa sa susunod na quarter!

Sa pamamagitan niyan, parekoy, mapapaganda niya ang kanyang preparation at execution.

Pero kung hindi niya naabot ang target, makakapaghanap agad siya ng ibang paraan!

Maging sa isang pribadong kumpanya, ang naka-kagawa lamang ng mga sinasabi natin ang mga nagtatagumpay.

Sayang nga lang, parekoy, hindi tayo anak ni Lucio Tan na maisasagawa agad ang ating mga plano dahil may kapital!

Kaya magtiis na lang tayo. He, he, he!

INAANYAYAHAN ko po kayo na makinig sa aking radio program na ALARMA KINSE TRENTA, Lunes-Biyernes, 6-7 am sa DZME o kaya ay mag-log-on sa www.dzme1530.com o mag-e-mail sa [email protected]  o mag-text sa 09152121303.

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleHingin ang suportang pinansiyal
Next articleAyaw mag-remit

No posts to display