ISANG DEKADA na rin ang lumipas mula nang mamayagpag ang maituturing na nating pinakasikat na uri ng social networking site hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo, ang Facebook. Kaya naman nagbigay ng pasasalamat ang Facebook sa pangunguna ng napakatalinong gumawa nito na si Mark Zuckerberg sa pamamagitan ng Facebook Look back. Tama, kung si Ryzza, ang child star sa GMA, ay may pinausong “Look Up”, kung ang Instagram ay mayroong “throwback”, ang Facebook naman ay hindi pahuhuli sa kanilang “Look back”.
Ang Look back video ay isang uri ng video kung saan tinatampok ang mga magagandang alaala mo sa Facebook mula nang ikaw ay sumali hanggang sa ngayon. Mala-“Maalala Mo Kaya” ang peg nito dahil kung minsan magugulat ka na lang na minsan pala sa buhay mo, ikaw pala ay nag-upload o ‘di kaya nag-share ng mga ganoong larawan. Isinasala mabuti ng Facebook ang mga larawan mo na talagang nagbigay-buhay sa Facebook mo sa mga nakaraang taon. Humigit-kumulang nasa 15 larawan ang itatampok ng Look back video. Sisimulan nito sa iyong unang profile picture nang ikaw ay sumali sa Facebook. Nakatutuwa ito na may halong iyak dahil makikita mo ang inyong mga nene at totoy na larawan. Susundan ng larawan mong ipinalit makalipas ang isang taon. Dito mo rin maiisip na minsan pala sa buhay mo ikaw ay naging isang ‘jeje’ dahil sa mga posts mo. Ipakikita rin dito ang mga larawan mo na may pinakamaraming likes taun-taon.
Matapos niyan, pati ang mga larawan na nai-share mo kada taon, ipakikita rin. Sa dulo, mayroon tayong tinatawag na navigator kung saan tila bang naka-collage ang iyong samu’t saring larawan makalipas ang mga taon na pinagsamahan n’yo ng Facebook. Iyak tawa ka siguro habang pinapanood mo ang Facebook Look back video mo. Pero mas nangingibabaw ang saya dahil babalikan mo ang mga masasayang pangyayari sa buhay mo.
Nang simula itong inilabas ng Facebook, naku po, isang milyong katao na kaagad ang nag-post ng kanilang Look back video at karamihan dito ay mga bagets katulad natin. Hindi naman ito kataka-taka dahil halos 70 porsyento ng mga taong may Facebook ay puro mga kabataan. Kaya kung ikaw na nagbabasa nito ay wala pang Look back video, huwag nang pahuhuli. Kapag sinabing bagets, dapat laging “in”.
Napakadaling magkaroon ng Look Back video. Sa dami ng kabataan na mayroon nito, i-click mo lang din ang link na kanilang ipo-post sa pag-share ng kanilang Look back video at bahala na ang Facebook ang gumawa ng sarili mong personalized video! Facebook na nga ang nagdiriwang ng kanyang ika-10 kaarawan, Facebook pa rin ang may handog na regalo sa ating lahat. Ito na rin siguro ang nakikita nilang paraan para magbigay pasasalamat sa patuloy na pagtangkilik sa masasabing pinakamatagumpay na social networking site sa bansa, ang Facebook.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo