Maligno

NAMAMAYAGPAG ANG mga alaskador sa isyu ng malignong kinasasangkutan ni VP Jojo Binay at broadcaster Korina Sanchez. Hati ang kanilang opinyon. Ngunit inaasahan nating maglalagablab pa ang isyu habang papalapit ang 2016 presidential election.

Ano ba ang puno’t dulo nito? Pagkamatay ni DILG Sec. Jesse Robredo, pabirong winika ni Korina na diumano’y may “aaligid-ligid na maiitim na maligno” sa DILG pagkatapos kumalat ang balita ang kanyang kabiyak, Mar Roxas, ay maaaring pumalit sa nasabing DILG secretary.

Nagwala ang kampo ni Binay na tinitiyak na si Binay ang pinapasaringang “maligno”. As usual, pinulot at pinalaki ito ng alaskador sa media. Hanggang sa umabot sa ganitong lagablab ang nakakatuwang isyu.

Maitim ang kulay balat ni Binay, ngunit ‘di naman siya mukhang maligno. Ang maligno ay espiritung itim, walang mukha o katawan. Si Binay ay kabaligtaran. Sino ngayon ang pinasasaringang maligno ni Korina?

Ay, nakakaloko! Ngunit sa malalim na pag-iisip, ito ay ugat pa ng pagkatalo ni Roxas kay Binay nu’ng 2010 election. ‘Di akalain ni Roxas ang shocker win ng underrated Makati mayor. Ngunit under protest ang panalo nu’ng huli.

Ang hapdi ng pagkatalo ay lumatay rin kay Korina, maybahay ni Mar. Mula nu’ng si Korina’y bumalik sa broadcasting, maya’t maya, may pasaring siya sa Pangalawang Pangulo. Ang kahuli-hilihan ay ang maligno isyu.

‘Di kami kung kani-kanino. Sa aming pana-naw, ‘di na dapat pinatulan ng kampo ni Binay ang pasaring. Binigyan pa nila ng mileage ito. Walang nalalabag si Korina at ang kanyang mga winika ay part of freedom of speech.

May ‘sang dapat gawin si Binay. Magpatingin sa Belo Clinic, baka may pag-asa pang pumuti siya. He, he, he.

SAMUT-SAMOT

 

SERYOSO ANG suliranin ng ating kapulisan. Tila talamak na ang kabulukan sa mga hanay nito. Sa mga survey, rock-bottom ang pagtitiwala ng tao sa institusyong ito. Araw-araw, marami sa kanila ang nasasangkot sa kung anu-anong krimen kagaya ng kotong, rape at carnapping. Kamakailan, isang QCPD pulis ang naaresto dahil sa pangongotong sa anak ng isang Police General. Sa maraming panig, sangkot ang mara-ming kasapi ng kapulisan sa ganitong krimen.

ANO ANG solusyon? Material incentive ay isa. Subalit moral regeneration ang pinakamahalaga. Hanggang walang punlang moral values sa kapulisan, kakainin at kakainin sila ng korap-syon. Fear of God ay dapat i-instill sa kanila. Enforcement of the law on corruption ay mala-king halaga rin. Before the war, ang maging officer of the law ay pinagpipitaganang tungkulin. Ang isang alagad ng batas ay may kaakibat na respeto at karangalan sa komunidad.

SAMANTALA, ANG isang DOJ deputy chief prosecutor at kanyang chief of staff ang napagbintangan din ng extortion ng isang kilalang dating beauty queen na gustong pa-annul ang kanyang kasal. Ang bayaran diumano’y nangyari sa mismong opis ng deputy prosecutor. Kung totoo, nakakahumindik. Ibig sabihin, wa effect ang krusada para sa matuwid na daan. Nakalulungkot na matapos magpahinga ng saglit, balik na uli ang mga scalawag sa ating harapan. Dahilan: walang naakusahan o naparusahan.

ISA NA namang Aquino? Reaksyon ito ng marami sa pagtakbo sa Senado ni Bam Aquino, pinsang buo ni P-Noy. May credentials naman si Bam subalit masyadong bata at hilaw pa sa posisyon. Wala na bang iba?

MULA ENERO hanggang Mayo 2013, araw-gabi maaamoy at malalanghap natin ang pulitika. Anim na buwan na pangakuan, balitaktakan, awayan at batuhan ng putik. Aaaliwin na muli tayo ng mga pulitiko ng kanilang matatamis na salita. Halos lahat ng enerhiya ng bayan ay mauukol sa 2013 local election. Magpakatalino na tayo. Huwag magpaloko. At higit sa lahat, ‘wag magbenta ng boto.

SA UNANG pagkakataon, ‘di tayo nagdanas ng rice shortage kahit na panay ang hambalos ng kalamidad. Kredito ito kay DA Sec. Proceso Alcala at NFA Administrator Lito Banayo. Maaari pa tayong mag-export ng bigas next year. Kalugud-lugod ang kaganapang ito. Mga mura subalit quality rice ay available sa palengke at ang mga mahihirap ay walang reklamo. Sa ano mang hawakan niya, parang may ‘Mida’s touch’ si Banayo. Bukod sa honest at transparent, siya ay very capable. Sa stint niya as Postmaster General, pinalago niya ang revenue ng kagawaran. Isa siya sa mga shining assets ni P-Noy.

MASAHOL PA sa demonyo. Ito ang masasabi natin sa sinuman ang nagtapon ng fetus sa isang ilang na kalye sa Malolos, Bulacan kamakailan. Ang fetus ay tinangay ng mga pusa sa bubong ng isang bahay. Sumpain ang ganitong karumal-dumal na gawain.

SA PAGTANGGI niya na ‘di plagiarized ang kanyang speech, lalo lang napalubog nang napalubog si Sen. Tito Sotto. Naawa kami sa kanya. Ill-advised. Mabuti pa aminin na lang niya at mag-apologize. Tapos ang kwento. No win situation siya. Ang plagiarism ay isang uri ng intellectual theft. Kinamumuhian ito sa buong mundo panahon pa ni Aristotle. Kung tutuusin, wala namang orihinal sa mundo. Ngunit makabubuti na bigyan ng acknowledgement ang hi-niram mong mga ideya.

MAAGAP SI Sen. Jinggoy Estrada sa mga isyung malapit sa masa. Ang pag-imbestiga niya sa kaso ng isang kasambahay na ang mukha ay pinalantsa ng kanyang amo ay pinapurihan. Kalunus-lunos ang nangyari sa kasambahay. Nabulag ang isang mata at napaso ang mukha.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articlePinoy Parazzi Vol 5 Issue 124 October 3 – 4, 2012
Next articleBakit ‘Di Ko Iboboto Si Grace Poe-Llamanzares!

No posts to display