DAPAT TUMIGIL na si Vice President Jojo Binay sa ginagawa niyang pang-aarbor sa Chinese government ng mga kababayan nating nahatulan ng kamatayan sa China matapos magtangkang magpuslit ng droga papasok ng nasabing bansa.
Alam naman niyang masahol pa sa suntok sa buwan na hindi siya pagbibigyan dahil hindi babaluktutin ng bansang komunista ang kanilang batas para lamang mapagbigyan siya. Alam din naman siguro ni Binay na may nagaganap na girian ngayon sa pagitan ng Philippine government at gobyerno ng China dahil sa Spratly Islands.
Isang 35 years old na lalaking Pilipinong drug mule ang mabibitay na naman sa China pagsapit ng December 8. Kulang na lang lumuhod at halikan ni Binay ang mga puwet ng mga opisyales ng Tsina para huwag nang bitayin ang nasabing drug mule at gawin na lang life imprisonment ang sentensiya rito.
Hindi lang ito ang unang pagkakataon na sinuyo ni Binay ang Chinese government at nakiusap na huwag nang bitayin ang mga kababayan nating nasentensiyahan na ng kamatayan sa nasabing bansa. Kung hindi pangungunsinti sa mga drug pusher ang dating nito sa mga Tsino, anong tawag dito?
Kung ang layunin ni Binay ay ang makakuha ng pogi points para sa balak niyang pagtakbo sa pagka-presidente sa 2016 elections, mali ang kanyang diskarte. Para sa kaalaman ni Binay talamak ang problema ng iligal na droga sa ating bansa at buong sambayanan ay galit sa mga tulak nito – maliban na lang siguro sa mga mismong pusher at adik.
At para sa kaalaman pa rin ni Binay, ang drug mule na kababayan nating nasentensiyahan nang mabitay sa December 8 ay maituturing na ring isang pusher. Ang pinagkaiba nga lang ay naging pusher siya sa China at hindi dito sa ating bansa.
Kung gusto talaga ni Binay na makakalap ng pogi points para sa kanyang balak sa 2016, bakit hindi na lang niya pagtuunan ng pansin ang mga kababayan natin na nakukulong dito sa ating bansa araw-araw na ang tanging kasalanan lamang nila ay sapagkat sila ay mahirap at walang pinag-aralan?
Marami sa kanila ay natutuluyang makulong dahil walang pambigay na sapat na halaga sa mga tiwaling pulis na nang-hulidap sa kanila. Ilan naman sa kanila ay biktima ng mapang-abuso at mapang-aping amo, at mga taong masalapi, maimpluwensiya at makapangyarihan. May ilan pa nga sa kanila, sila na nga ang pinagnakawan at sinaktan, sila pa ang nagdurusa ngayon sa kulungan. Wala silang kalaban-laban dahil wala silang pambayad sa abogado. Meron mang free legal service para sa kanila na magmumula sa ating gobyerno sa pamamagitan ng Public Attorney’s Office (PAO), ngunit sa oras ng inquest proceeding, dahil kulang sa pinag-aralan, ‘di nila alam paano pakinabangan ito.
Bakit alam ko? Dahil halos araw-araw madalas akong maka-engkuwentro ng mga ganitong kaso sa programa ko sa WANTED SA RADYO.
Kapag ang mga taong ito ang pinagtuunan ng pansin ni Binay, mas maraming mga mahihirap na botante ang matutuwa sa kanya, kaysa pinagtutuunan niya ng pansin ang pagsalba sa mga drug mule kung saan ang matutuwa lamang sa kanya ay ang iilang kamag-anakan ng nasabing mga drug mule at mga recruiter nito.
Ang WANTED SA RADYO ay mapakikinggan sa 92.3 fm Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2-4 pm. Naka-simulcast ito sa free Channel 41, AKSYON TV.
Shooting Range
Raffy Tulfo