Dear Atty. Acosta,
NAIS KO pong isangguni ang entry ng aking gender sa birth certificate. Nang mag-apply po ako ng NSO copy, ang gender ko po ay “male”. Bagama’t ang kopya na ipinadala sa akin ng Municipal Civil Registry ay “female”. Minabuti ko pong i-check sa Municipal Registry ang bagay na ito. Batay sa records nila na ipinakita sa akin, “female” po naman ang nakatala.
Hinihingi ko po ang inyong payo sa nararapat kong gawin upang maituwid ang aking gender sa NSO copy. Maraming salamat po. Mabuhay kayo at ang inyong Tanggapan.
Gng. Emily
Dear Gng. Emily,
ANG KOPYA ng mga birth certificate na nakaimbak sa NSO ay ang mga parehong birth certificate din na isinusumite ng mga Local Civil Registry Office (LRCO) rito. Samakatuwid, iisang dokumento lamang ang inyong tala sa LRCO at sa NSO. Magkagayun pa man, ang tinatanggap ng mga opisina na balidong dokumento ng kapanganakan, maging sa gobyerno man o sa pribadong mga tanggapan, ay ang kopya na mayroong awtentikasyon ng NSO.
Malinaw rin na ang pagkakamali na naitala sa inyong birth certificate ay hindi maituturing na “clerical” o “typographical errors” lamang na magpapahintulot sa inyong iwasto ang kamalian sa pamamagitan ng administratibong pamamaraan o sa harap lamang ng Local Civil Registrar. Ayon sa batas, walang pagbabago ang maaaring isagawa sa mga entrada sa “civil register” kung ito ay hindi pinag-utos ng hukuman, maliban na lamang kung ang mga maling entrada ay bunga ng tinatawag na “clerical” o “typographical errors”. Dagdag pa rito, nakasaad mismo sa batas na ang mga maling entrada patungkol sa nasyonalidad, edad, estado o kasarian ay kinakailangang dinggin sa hukuman at hindi maaaring ipatama lamang sa pamamagitan ng administratibong pamamaraan. [Section 1 at Section 2(3) ng Republic Act No. 9048]
Samakatuwid, ang tanging remedyo sa inyong suliranin ay ang paglagak sa hukuman ng kaukulang petisyon upang ipawasto ang maling entrada sa inyong birth certificate. Ang nabanggit na petisyon ay kinakailangang ilagak sa hukuman ng lugar kung saan matatagpuan ang Local Civil Registry Office kung saan nakarehistro ang inyong kapanganakan. (Section 1, Rule 108, Revised Rules of Court)
Ang pinakamabuti ninyong gawin sa pagkakataong ito ay sumangguni sa isang abogado upang kayo ay matulungan sa paggawa at pagsumite ng nabanggit na petisyon at upang kumatawan sa inyo sa mga pagdinig na gagawin sa harap ng hukuman. Kapag kayo ay nakapaglagak na ng kaukulang petisyon sa hukuman, maglalabas ito ng utos na nagsasaad kung kailan at saan ang pagdinig para rito. Kinakailangan ninyong ipalathala ang nasabing utos sa dyaryo o periodiko ng isang beses bawat linggo sa loob ng tatlong magkakasunod na linggo. (Section 4, Rule 108, Revised Rules of Court)
Pagkatapos nito ay diringin na ng hukuman ang inyong petisyon. Pagkalipas ng pagdinig, maaaring i-dismiss ng hukuman ang inyong petisyon o maaari rin nitong ipag-utos na pinahihintulutan ang pagwawasto na inyong hinihiling. (Section 7, Rule 108, Revised Rules of Court) Gayunpaman, kung sapat ang ebidensiyang inyong naisumite sa hukuman na kayo ay likas na babae gaya halimbawa ng medical certificate na nagpapatunay na sinuri kayo ng isang doktor at lumalabas doon na kayo nga ay isang babae, walang rason ang hukuman upang i-dismiss ang inyong petisyon.
Sa oras na pahintulutan ng hukuman ang pagwawasto sa birth certificate ninyo, bibigyan ng kopya ng nasabing desisyon ang Local Civil Registrar upang maitala ang nasabing desisyon sa birth certificate ng inyong anak.
Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.
Nawa’y kami ay nakatulong na maliwanagan kayo sa inyong suliranin.
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta