ANG TAONG may sakit ay kailangang uminom ng gamot para malunasan ang kanyang sakit. Ngunit kailangang maging matalino ito sa paghahanap ng “tamang gamot” na gagamiting pamahid o ‘di kaya’y iinumin para maibsan ang sakit na nararamdaman niya at tuluyan nang gumaling.
Ang kadalasang nagiging problema rito ay ang paggamit ng maling gamot ng may sakit. Halimbawa, kung si Juan Dela Cruz ay patuloy na naniniwala sa isang albularyong nagpayo sa kanya na gumamit ng ihi ng kabayo at ipahid ito sa kanyang mga namamagang paa at mga kamay.
Si Pepe naman ay walang tigil sa paghuli ng butiki upang ito ay prituhin at kainin para gumaling na ang kanyang hika. Si Jose naman ay sa mga dagta ng dahon ng papaya umaasa para gamutin ang lumalala niyang sugat sa katawan.
Ang tatlong kalalakihang ito, imbes na gumaling sa mga gamot na pinili nilang gamitin, ay lalong nagsilala ang kanilang mga kalagayan at sa kasamaang palad ay nalagay pa sa bingit ng kamatayan ang kanilang mga buhay.
KUNG IHAHAMBING ay halos ganito rin ang nangyayari sa problema ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga hindi nagbabayad ng buwis, problema ng Lungsod ng Maynila sa traffic at problema ng pinuno ng Kongreso na si Representative Sonny Belmonte sa kagustuhan nitong amyendahan ang Konstitusyon o tuluyan nang magkaroon ng Charter Change o Cha-Cha. Ang tatlong nabanggit ay gumagamit ng gamot na hindi akma sa kanilang mga suliranin.
Ang shame campaign para sa mga professional ang naisip na gamot ng BIR sa mga professional na malalaki ang kita gaya ng mga doktor, abogado, internet sellers, accountant at contractor. Ito ang naging mainit na pagtatalo ngayon sa mga pahayagan at news program sa pagitan ng BIR at partikular ng Philippine Medical Association (PMA).
Hindi naibigan ng mga doktor, ayon sa PMA, ang pang-iinsultong ito sa kanila bilang mga propesyunal at manggagamot. Taliwas daw ito sa katotohanan dahil nagbabayad umano sila ng tamang buwis dahil ito ang itinatakda ng batas at mahigpit din itong ipinatutupad ng pamunuan ng PMA.
Nakasisira raw ito ng moral bilang isang doktor at bilang mga mararangal na Pilipinong sumusunod sa batas. Sa patalastas na ito ng BIR ay ipinapakita na pasan ng isang guro ang isang doctor habang nagtuturo siya sa kanyang mga mag-aaral.
Pinalalabas ng advertisment na ito na isang pabigat sa buhay ng mga guro ang doktor dahil hindi sila nagbabayad ng buwis. Tila ipinahihiya sa publiko ang mga manggagamot o mga doktor. Isang “shame campaign” nga kung tawagin.
Ang tanong ay sa pamamagitan ng pamamamahiya ay mahihimok kaya nito ang mga propesyunal na magbayad ng buwis, partukular ang mga doktor, kung may katotohanan man na hindi talaga sila nagbabayad ng tamang buwis?
Hindi ba galit lamang ang ipinupuhunan ng advertisement na ito ng BIR?
Sa aking tingin ay lalo lamang hindi magbabayad ang mga ito ng tamang buwis dahil sa galit na itinanim sa kanilang mga puso, gawa ng pamamahiya sa kanila. Sa makatuwid ay hindi nakatutulong sa problema ng pangongolekta ng buwis ang patalastas na ito.
Ang iniisip ng BIR na gamot sa kanilang problema ay lalo lang magpapalala sa problema.
INIISIP NAMAN ng Lungsod ng Maynila na ang kanilang bersyon ng truck ban ang gamot sa malalang traffic sa kanilang lugar at pagkawala ng milyun-milyong pera na dapat sana ay kinikita raw ng pamahalaang lungsod.
Hindi ba nagkakamali rin ang mga namumuno sa Lungsod ng Maynila sa “gamot” na ito? Ayon sa Bureau of Customs ay daan-daang milyong piso ang nawawala sa gobyerno ng Pilipinas araw-araw dahil sa epekto ng ipinatutupad na “truck ban” scheme ng Maynila.
Sa kalaunan ay magpapataw rin ng mga dagdag na charges ang mga may-ari ng truck at cargo dahil sa pagkaantala ng kanilang mga kalakal. Sa huli, babalik din ang dagdag na charges sa mga bulsa ng mamimili dahil sa idadagdag din ang mga ito sa bilihin.
Ang mga consumer din sa huling yugto ng problemang ito ang magpapasan ng hirap. Sa makatuwid ay maling “gamot” na naman ito sa problemang gustong lunasan ng Maynila. Imbes na mapabuti ang mga tao sa Lungsod ng Maynila ay napahirapan pa ang mga tao, hindi lamang sa Maynila, bagkus ay sa buong Pilipinas.
ANG PINUNO ng Kongreso na nagnanais na baguhin ang ating Konstitusyon bilang “gamot” para lalong palakasin ang ekonomiya ay tila hindi rin mainam para sa bansa.
Hindi ba palalawigin lamang ng mga bagong probisyong ito, sa bagong konstitusyon, kung magkakataon ang karapatan ng mga dayuhang mamumuhunan, na makapag-ari ng kabuhayan, kompanya at iba’t ibang mga ari-arian dito sa Pilipinas?
Sa ganitong bagong sistema ay lalong hindi magiging patas para sa mga kababayan natin ang playing field sa merkado. Lalong maghihirap at mawawalan ng ari-arian si Juan dela Cruz. Mahihirapan siyang makipagsabayan sa mga naglalakihang kompanya at mayayaman na dayuhan dahil maliit lamang ang puhunan ni Juan dela Cruz.
Ang “gamot” na ito ay magdudulot lang ng “cancer” sa mga kabuhayan ng mga Pilipino na kikitil sa kanila. Ito’y isang uri ng imperyalismo sa makabagong panahon at ang masakit ay kinasangkapan pa ang ating Saligang Batas dito.
SANA AY laging iisipin ng mga taong namumuno sa atin ang mga hakbang at inaakala nilang sulusyon sa ating problema. Kung naaangkop nga ba ang mga ito o baka naman lalo lang magpapalala sa sitwasyon dahil maling “gamot” ang ipinaiinom sa atin.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, magtext sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo