Dear Atty. Acosta,
“CHERRYLYN” PO ang inilagay kong pangalan sa birth certificate ng aking anak sa ospital noong ako ay nanganak noong September 2010. Ngunit napag-alaman ko po na “Cherry Lyn” ang nakarehistro na pangalan ng aking anak. Ano po ang aking gagawin upang maiwasto ito?
Myla
Dear Myla,
DAHIL SA pagkakasabatas ng Republic Act No. 9048 o mas kilala sa tawag na Clerical Error Law, hindi na kailangan pang dumaan sa hukuman upang maiwasto ang maling datos sa ating birth certificate na maituturing na clerical lamang. Makikita sa Section 2. par. 3 ng R.A. 9408 and kahulugan ng clerical o typographical error:
Section 2. Definition of Terms. – As used in this Act, the following terms shall mean:
3. “Clerical or typographical error” refers to a mistake committed in the performance of clerical work in writing, copying, transcribing or typing an entry in the civil register that is harmless and innocuous, such as misspelled name or misspelled place of birth or the like, which is visible to the eyes or obvious to the understanding, and can be corrected or changed only by reference to other existing record or records: Provided, however, That no correction must involve the change of nationality, age, status or sex of the petitioner.
Ang pagkakalagay ng espasyo sa pagitan ng pangalan ng iyong anak ay maituturing na clerical o typographical error lamang na nasasaklawan ng RA No. 9048. Upang maiwasto ito, kailangan mong maghain ng Petition for Correction of Entry sa tanggapan ng Local Civil Registrar ng lugar kung saan nakarehistro ang birth certificate ng iyong anak.
Ang petisyon na ito ay isang salaysay na iyong panunumpaan sa isang opisyal na may awtoridad na magpanumpa. Kailangan mong isaad dito ang mga pangyayari na kailangan upang maipakita mo ang merito ng iyong petisyon. Kailangan mo ring isaad ang partikular na pagkakamali na nais mong iwasto. Maaari mong ilakip ang kopya ng birth certificate na iyong pinunan sa hospital kung saan mo isinilang ang iyong anak. Ito ang iyong magiging patunay na nagkaroon lamang ng pagkakamali sa pagkakasalin ng mga datos ukol sa pangalan ng iyong anak.
Ang paghahain ng Petition for Correction of Entry ay may kaukulang halaga na dapat bayaran. Gayunpaman, maaari kang hindi singilin nito kung ikaw ay isang indigent o kumikita lamang ng sapat para sa pang-araw araw na pangangailangan batay sa katanggap-tanggap na antas ng ating pamumuhay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta