HALOS ARAW-ARAW ay nababalitaan natin ang pagkahuli sa mga ibinibentang droga sa Metro Manila at sa iba pang mga lugar sa Pilipinas. Noong nakaraang linggo lamang ay may nahuli pang mga tagapangalaga sa isang pataniman ng marijuana.
Kadalasan ay pinapupurihan natin ang hanay ng kapulisan at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagkakasabat sa mga droga sa kalsada. Ngunit kung pag-iisipan natin nang mas may lalim ang mga datos ng pagkakahuli sa mga drug pushers at pagkakasabat ng mga droga, tila may maling signos ang mga datos hinggil sa droga na ating nakukuha.
Sa isang praktikal na pagtingin at pag-aanalisa, masasabing tama ang pananaw ng PDEA na ang mga nasasabat na droga ay malaking kabawasan sa mga dapat ay naibenta at nagamit na mga droga ng mga kababayan nating lulong dito. Ibig sabihin ay nakabubuti at magandang signos ito. Pero maaari ring bigyang pag-aanalisa ang anggulo na bakit kaya tila hindi maubos ang mga droga at hindi rin matapos ang problema rito sa kabila ng maraming datos ng pagkakahuli at pagkakasabat sa mga ito.
Nangangahulugan lamang na may ibang signos ang droga sa bansa at ito ay isang masamang signos. Kung hindi maubus-ubos at matapos ang problema sa droga sa bansa, nag-uudyok ang pangitaing ito na ang problema ay mas malaki pa sa droga at kinakasangkapan lamang ang droga ng mala-halimaw na problemang ito.
BAKIT NGA ba hindi maubos-ubos ang droga sa bansa? Bakit hindi matapos ang problemang ito sa kabila ng maraming matagumpay na operasyon laban dito. Ang nakamamangha ay malalaking bilang ng droga ang nasasabat ng mga pulis linggu-linggo at minsan ay araw-araw pa. Bakit tila parang ulan ang pagbuhos ng droga na hindi nauubos at umiikot lamang dala ng pagbabago sa panahon? Nais kong ikumpara ang problemang ito sa droga sa isang kuwento ng ating kasaysayan.
Noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay nagkaroon ng problema ang Maynila sa pagdami ng mga pesteng daga at pagkakasakit ng mga tao dulot nito. Marami sa mga kawani ng pamahalaang Amerikano ang nagkakasakit kaya minabuti nilang maglunsad ng isang hakbang laban sa pagkakapuksa ng mga daga sa Maynila.
Naglabas ng panawagan ang pamahalaan na babayaran ng munisipyo ang bawat dagang mapapatay ng mga tao. Kailangan lamang dalhin sa munisipyo at ipakita ang mga buntot ng dagang napatay nila.
Dumagsa ang mga taong may dala-dalang buntot ng daga at tumaas ang datos ng mga napatay na daga sa Kamaynilaan. Ngunit sa kabila ng mataas na datos ng pagkakapatay sa mga daga ay tumataas din ang insidente ng pagkakasakit dulot ng mga pesteng daga.
Nagtaka ang pamahalaang Amerikano kung bakit tila hindi maubus-ubos ang daga sa kabila ng halos araw-araw ay dagsa ang mga tao sa pagkukulekta ng pera mula sa mga napatay nilang peste. Sa huli ay nadiskubre ng pamahalaan na mayroong mga Pilipinong ginawang kabuhayan ang pag-aalaga ng mga daga para ipagbili sa mga tao at maipalit nila ng pera mula sa munisipyo.
SA GANITONG analohiya ko nakikita ang problema natin sa droga. Hindi nauubos at natatapos ang problema sa droga dahil naging bahagi na ito ng ating kultura at paghahanap-buhay ng marami. Ang mas nakababahala ay ang mga taong nakahuhuli at nakasasabat ng mga droga ang mismong nagpapaikot nito sa bansa. Maaaring sangkot ang ilang matataas na opisyal sa pamahalaan kaya nakapapasok din sa Pilipinas ang mga droga mula sa ibang bansa. Pinagkakakitaan nila ito nang malaki at naging bahagi na ito ng sistema sa loob ng mahabang panahon.
Kataka-takang parang ulan ang droga na hindi nauubos at natatapos. Gaya ng ulan ay umiikot lamang ito sa kamay ng mga drug pushers at sa mga kamay ng nasa posisyon sa pamahalaan. Ito ang mas malaking halimaw kaysa sa droga. Sila ang mga tao na nasa kapangyarihan na ginagamit ang droga para kumita nang malaki.
Kahit kailan ay wala pang isang heneral o taong may mataas na katungkulan sa pamahalaan ang nahuli at naipakulong na may kinalaman sa droga. Maging sa panahon ni PNoy ay hindi ito naganap. Hanggang hindi natutukoy ang mga tiwaling opisyal na ito at naipakukulong ay talagang hindi matatapos ang problema sa droga. Mamanahin lamang ng susunod na henerasyon ang problemang ito.
ANG MGA karumal-dumal na krimeng nababalitaan natin araw-araw ay walang dudang bunga ng paggamit ng droga. Ang ilan sa mga ito ay gaya ng Vizconde Massacre, panggagahasa at pagpatay sa mga paslit na batang babae, pagpatay sa kapatid, ina o ama ng sariling anak, at kamakailan lang ay pagpatay ng apo sa kanyang lola at pagkain ng puso nito.
Ang mga makahayop na uri ng krimen, gaya ng nabanggit ko, ay napatunayan na ng mga disiplina gaya ng sociology, psychology, at human behavioral science ay direktahang konektado sa pagkawala sa tamang isip ng mga gumamit ng droga.
Ayon pa sa pag-aaral ng mga eksperto ay nagbibigay ng bayolente at masamang pagnanasa ang droga sa mga gumagamit nito bilang isang diretsahang epekto sa kanilang pag-iisip. Lumilikha ito ng isang halusinasyong naglalagay sa mga gumamit ng droga sa isang estado ng pagnanais makapang-abuso gamit ang taglay nilang pambihirang kapangyarihan at ito ay nagdudulot sa kanilang ng lubos na kasiyahan.
Sa pagsusog nila sa kaligayahang ito ay nagagawa nilang pumatay ng tao, maging ang kanilang kapamilya, kapatid, at magulang. Ginagahasa at pinapatay nila ang mga walang laban na paslit na babae dahil sa paningin nila ay hindi paslit ang kanilang inaabuso.
Malinaw na isang instrumento ng lubos na kasamaan ang droga kaya dapat itong puksain gamit ang buong puwersa ng batas at kapulisan. Upang mapuksa ito ay kailangan ng mas malalim na solusyon at ito ay ang pagpuksa sa mga taong nasa kapangyarihan sa ating pamahalaan.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo