Mamay Cito

MAHIGIT NANG 93-anyos ang Mamay Cito kung nabubuhay pa siya ngayon. Ang aking alaala sa kanya ay kasing-tamis ng bunga ng star apple na kanyang tinanim sa aming bakuran nu’ng ako’y anim na taon. Namumunga at mayabong pa ang puno. ‘Pag ako’y paminsan-minsan umuuwi sa aming lalawigan, nag-aalang-bitin pa ako sa mga sanga nito. May kahalong galak at lungkot sa alaala. ‘Di ko alam kung bakit. 68 anyos na ako ngayon at lolo na rin.

Ang Mamay Cito ay principal sa aming public school, dekada ‘50. Mataas, medyo payatin ngunit may matitigas na muscles sa braso at binti. Napakahilig niya sa paghahalaman kaya ang malawak na bakuran namin ay punung-puno ng kung anu-anong punungkahoy, halaman, gulay at herbal plants. Sa aming pook, siya ang kauna-unahang nagpagawa  ng tilapia fish pond. May mga alaga rin siyang pato, Chinese chicken at aviary ng sari-saring ibon.

Tuwing umaga, ginigising niya ako upang magdilig at magpakain ng alagang hayop sa aming bakuran. Sa palagay ko, sa kanya ko namana ang hilig ko sa halaman at alagang hayop. Isang payo ang paulit-ulit niyang pinaiintindi sa aking murang isip. “’Di kailangan magpayaman ka; mahalagang magpakabuti kang nilalang.” Naging matagal na palaisipan ito sa akin.

Pagka-simba umaga ng Linggo, kain kami sa carinderia ni Aling Geling sa palengke. Menudo, suman, keso, lumpia at pansit ang buong pagmamahalan naming pinagsasaluhan. Sa tanghali nanood kami sa Sine Banahaw, naghahawak-kamay kami, nagkikilitian at naghahalakhakan.

Walang paltos ang pasalubong niya sa akin pagkagaling sa paaralan. Tinapay, puto, lobo, chewing gum at ‘pag sinusuwerte may ice cream pa.

Mga pilak naalala na humahaplos ngayon sa aking katandaan.

Sa ibang mambabasa, maaaring walang interes o halaga ang mga bagay na nito. Natural. Ngunit sa akin – habang hinihilot ng apo kong si Anton ang rayuma sa binti o habang kaming dalawa ay kumakain ng ice cream sa mall – ang mga alaala ay tila ba isang paraiso ng ‘di maipaliwanag ng kaligayahan.

Ang palaging payo ni Mamay Cito hanggang ngayon, umiikot sa aking puso at isip. Magpakabuti kang nilalang…

Sa kanyang buong buhay, pinatunayan niya ang kanyang payo. Mamay Cito, alam kong binabasa mo ito.

SAMUT-SAMOT

 

KUNG CONVICTION o acquittal man ang resulta ng impeachment kay CJ Renato Corona, makahulugan ang naging bunga nito sa ating murang demokrasya. Sana’y tanggapin with magnanimity ng dalawang panig ang ano mang maging desisyon.  Bago naging tunay na stable ang American democracy, dumanas ang bansa ng katakut-takot na hamon at pagsubok kagaya ng civil war. Ang ating bansa, kung sa isang paslit, ay natututo pa lang humakbang nang matuwid. Bigyan pa ng kaukulang panahon. Mahalagang magkaisa tayo at harapin ang hamon at harapin ang hamon at suliranin ng buong pananampalataya at giting.

DALAWANG MATA ko ang na-opera ng cataract nu’ng 2002 sa Asia Eye Institute. Dinamdam ng bulsa ko ang gastos. Subalit sulit kasi agad luminaw ang aking paningin. Nakaraang 2010, na-opera muli kaliwang mata ko dahil sa retina defect sanhi ng diabetes. Salamat kay Dr. Harvey Dy, naiwasan ang kumplikasyon. Kasama sa pag-edad ang suliranin ng paningin. ‘Di maiiwasan ang paglabo ng mata lalo na kung ikaw ay diabetic.

ANG ANTI-CORRUPTION drive ay dapat may parallel effort sa pag-usad ng ekonomiya. ‘Di puwedeng magpipiyesta na lang tayo sa araw-araw na publisidad sa mga nililitis na corrupt officials. Lumolobo ang kahirapan kasama ang deterioration ng peace and order. Pansinin nawa ang sitwasyon ng Pangulo.

ISANG MALUBHANG karamdaman ay mawawalis ang lifetime savings mo sa pagpapagamot. Bukod sa kamahalan ng gamot, hanep ang gastos sa manggagamot at ospital. Buti na lang at may Philhealth at PCSO. Sa mga public hospitals nakalulunos ang sitwasyon ng mga dukha. Dapat pagtuunan ng pansin ang suliranin ng dukhang maysakit. Ano ba talaga ang prayoridad ni P-Noy?

ANG KALIDAD ng mga teleserye sa major TV channels ay nakakaalibadbad. Puro iyakan. Puro krimen at awayan. Masamang influence sa mga manonood at negatibo sa paghubog ng moralidad. Matagal na akong ‘di nanonood ng local TV shows. Suki ako ng CNN, History Channel at Asian Food Channel. Very educational at entertaining. Only in the Philippines may teleserye ng pag-aaway ng magkapit-bahay na parang gino-glorify. Ano na ang nangyari sa ating sense of morality at good taste?

KUNG LEGAL acumen at wealth of experience, walang kaparis si former SC Justice Serafin Cuevas, lead defense lawyer ni CJ Renato Corona. Pinaglalaruan lang niya ang mga prosecutors. Parang pinaglaban sa basketball ang NBA LA Lakers at Perpetual Help University. Ngunit maaaring ang decisive edge na ito ay mag-boomerang. Sobrang legal grandstanding si Cuevas na kinaiinis ng marami kasama na ng maraming senator-judges. Hindi strictly judicial in nature ang impeachment. Kailangang ‘wag masyadong mag-oppose si Cueva upang maipakita na magaling siya. May tendency pang mag-lecture na kinaiinis, wari namin ni Presiding Chair Juan Ponce Enrile.

DEHADO SA pustahan ang kampo ni Corona. Llamado ang pro-impeachment saan mang betting station. As the trial progresses, unti-unti nang lumalabas ang maraming kalansay sa closet ni Corona, particularly sa SALN issue. Tantsa namin tatlo o apat na buwan ang span ng trial. Mas madaling matapos, mas mabuti sa bayan so that we can already normalize our lives.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous article11-12, Corona Lusot sa Impeachment
Next articleKasal sa Ibang Bansa, May Bisa sa ‘Pinas

No posts to display