MAY KAIBIGAN KAMING nagplanong kumuha kay Marian Rivera para maging bahagi ng kanilang aktibidad sa promosyon ng lalawigan ng Cavite. Aminado naman ang aktres na lumaki siya sa Cavite, palagi pa nga niyang ipinagmamalaki na kaya siya diretsang magsalita at matapang ay dahil Caviteña siya.
Inalam nila kung saan makokontak si Marian, ipinagtanong nila kung sino ang manager ng aktres, tinawagan nila si Popoy Caritativo.
Ang sabi nu’ng kumausap sa manager ni Marian, “Wala po siyang gagawin kundi ang mag-pose na nakataas ang kanang kamay at nakaturo ang hinlalaki niya sa nakasulat sa tagiliran niya, ‘Caviteña ako!’
“Sabi nga namin, kung meron na siyang existing picture na ganu’n ang pose niya, puwede na ‘yun, para hindi na siya maabala pa para sa pictorial. Wala raw, sabi nu’ng manager.
“So, tinanong namin si Mr. Caritativo kung mabibigyan ba niya kami ng chance na makunan ng picture si Marian na ganu’n ang pose, kahit hindi na pictorial, kahit kunan na lang sana namin siya sa ganu’ng position.
“Hindi raw puwede. Ang mga pictorials daw ni Marian, inaalagaan nila, dahil once na nasa tarpaulin o billboard na, wala na silang magagawa pa kung hindi maganda ang itsura niya sa litrato.
“Tama naman po siya du’n, pang-billboard ang inire-request namin, karapatan lang nilang pangalagaan ang image ni Marian. Ang kasunod naming tanong, kung makakasingit ba kami sa napaka-busy schedule niya para sa pictorial.
“Ang sabi ni Mr. Popoy, hindi raw niya alam, wala raw siyang maibibigay na schedule ni Marian, dahil halos hindi na natutulog nang maayos ‘yung tao dahil sa punumpuno niyang trabaho everyday.
“Ang pinakahuling tanong namin, paano kaya ‘yun, gusto sana naming maging part si Marian ng promotion namin for the province, since Caviteña naman siya talaga.
“Ang sabi ni Mr. Popoy, titingnan daw nila kung may free time si Marian. Pero ang bilin niya, ‘Don’t call me, my assistant will call you kapag meron na.’ Sila raw ang tatawag sa amin kung meron nang libreng oras si Marian for the pictorial,” mahabang kuwento ng aming source.
WALANG katiyakan ang kanilang usapan, parang kahawig ‘yun ng sitwasyon ng isang aplikante na ang sinasabi ng nag-iinterbyu, “Don’t call us, we will call you.”
Tanggap naman ng aming impormante kundi man puwede si Marian, tutal naman ay hindi sila nagdawalang-salita sa pamilya ni Senador Bong Revilla nang ipaabot nila sa mag-asawa ang kanilang plano, schedule na lang daw ang kailangan nilang ayusin para sa pictorial.
Ang hindi lang nagustuhan ng mga kumukuha kay Marian Rivera ay ang walang kalatoy-latoy na pakikipag-usap sa kanila ng manager ng aktres, parang hindi pa natatapos ang nasa kabilang linya sa pagpapaliwanag ay sarado na agad ang isip ng manager, sa madaling salita ay malditang kausap ang manager ni Marian Rivera.
Nalulungkot ang mga Caviteñong kumausap sa manager ni Marian, para naman daw sa lalawigan ang kanilang inilapit at hindi para sa personal na kapakanan, pero pinagdamutan pa sila ng pagkakataon.
Kapag nasasangkot si Marian Rivera sa mga kontrobersiya na kadalasan ay ang kanyang kamalditahan at kabastusan ang iniikutan ay palagi niyang sinasabi, “E, Caviteña ako, e! Diretso akong magsalita, matapang, ganu’n kami sa amin!”
Pero maraming Caviteño ang kumukontra sa litanya ng aktres, ang kanilang sabi, “Totoong matatapang ang mga Caviteño, pero hindi bastos!”
Komento naman ng isa pa, “Sana, huwag dumating ang panahon na libreng-libre na si Marian para mag-pictorial, pero wala na palang interes sa kanya ang mga taga-Cavite.”
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin