PABORITO namin ang kantang ‘Mang Jose’ ng Parokya ni Edgar kaya naman na-excite kami nang mabalitang magkakaroon na ng movie version ang ‘superhero na puwedeng arkilahin’. Swak pa na si Janno Gibbs ang napiling gumanap sa title role at ang kanyang ex-girlfriend/onscreen partner na si Manilyn Reynes ang kontrabidang si King Ina. Bonus pa na pasok din sa cast ang kanyang asawa na si Bing Loyzaga.
This year ay muling umusbong ang karera ni Janno Gibbs dahil nagbida ito sa ilang pelikula ng Viva Films. Sa katunayan, nagtataka nga kami kung bakit hindi napasali sa MMFF ang Mang Jose na visually ay swak sana para sa mga bata at young at heart.
Ipinalabas na sa Vivamax noong December 24 ang Mang Jose, na perfect para sa mga moviegoers na hindi pa confident makipagsapalaran sa mga sinehan para sa MMFF.
Maganda ang intensyon ng pelikula at bagay na bagay kay Janno Gibbs ang pagiging Mang Jose. Swak din na sidekick si Jerald Napoles at si Mikoy Morales ay tumatak bilang Tope, na may koneksyon kay Mang Jose. Sabihin na lang natin na nagwork ang chemistry nina Janno at Mikoy, na mas naging highlight ito ikumpara sa harapan dapat nina Mang Jose at King Ina.
Sana ay naging wholesome superhero movie na lang ito na walang mga explicit lines. Ito na sana ang puwedeng dumagdag sa listahan ng local superheroes na mamahalin ng mga bata. Hindi rin naman natin masisisi ang mga filmmakers kung mas pinili nila ang matured route, pero nakakapanghinayang pa rin lalo na’t walang pambagets na pelikula sa lineup ngayon ng MMFF.
Without putting out too much spoilers, may pag-asa pa rin na umariba ang ‘wholesome’ Mang Jose kung sakaling magdesisyon ang Viva Films at Project8 na gawan ng sequel ang istorya na si Mikoy Morales na ang makikipagbakbakan. Naku, siguradong mas pak na pak ‘yun!
Palabas pa rin ang Mang Jose sa Vivamax.