MUKHANG HINDI yata edukado ang mga taong namumuno sa DepEd dahil tila mapurol ang kanilang mga kukote sa problem solving. Sila pa man din ang naturingang taga-pangasiwa ng edukasyon para sa mga mag-aaral sa public elementary at high school pero sa isang simpleng problema, hindi nila makitaan ng simpleng solusyon.
Ang tinutukoy kong problema ay ang walang katapusang pangingikil ng mga eskuwelahan na pinanga-ngasiwaan nila sa mga mag-aaral. Ang ginagamit na modus operandi sa pangingikil ng mga eskuwelahang ito ay ang “voluntary contributions“ na aprubado ng DepEd at ng PTA.
Sasabog muna siguro ang inyong mga ulo bago niyo maintindihan kung bakit pinapayagan halimbawa ng DepEd na humingi ng kontribusyon ang mga eskuwelahang ito sa naghihikahos na mga magulang ng mga mag-aaral para sa Philippine Red Cross (PRC) samantalang sa mga private at exclusive schools, na ang mga magulang ng mga estudyante dito ay mga milyonaryo pero hindi humihingi ng kontribusyon para sa PRC.
Kasama sa ilan lang sa mga tinatawag na voluntary contributions ng mga eskuwelahang nangingikil sa mga pobreng mag-aaral ay ang para sa electric fan, blackboard, kurtina, floor wax, janitorial services, building maintenance, school beautification at school security. Pero ang pinakatalamak sa lahat ay ang paniningil para sa mga test papers.
Ang mga pangingikil na ito ay ipinangangalandakan ng mga nasabing eskuwelahan bilang mga voluntary contributions na dumaan naman daw sa PTA.
ANG SIMPLENG solusyon sa simpleng problema ng pangi-ngikil sa public elementary at high schools ay ipagbawal ng DepEd ang lahat ng uri ng voluntary contributions – tapos!
Ang mga opisyal ng PTA sa mga eskuwelahang ito – sa halos lahat ng pagkakataon, ay planted ng mga guro at principal dito.
Lahat, uulitin ko, lahat ng mga gastusin para sa pangangailangan ng mga eskuwelahang ito ay dapat manggaling sa pondo ng DepEd nang sa gayon hindi na magagamit ang PTA bilang front sa pangingikil, at ang magiging tungkulin na lamang ng PTA ay subaybayan at patnubayan ang child development ng kanilang mga mag-aaral. At tapos na ang papel nito sa pagtatalakay ng mga usapin tungkol sa mga school project.
Kung kayo ay mga magulang ng mag-aaral sa mga eskuwelahang ito, marahil napansin ninyo na sa unang araw ng patawag ng PTA assembly, walang ginawang pagpapakilala sa katauhan ng bawat isang parent na naroroon maliban na lang sa guro na nag-preside ng meeting.
Pagkatapos ng isang maikling orientation mula sa nasabing guro, sinabi niyang magbotohan na kayo para sa mga magiging opisyal ng PTA. At marahil napansin ninyo rin na may dalawa o tatlo sa mga “parents” doon ang nagtaas ng kamay at itinuro ang isa sa mga kasamahan ninyong naroroon na maging presidente ninyo dahil kilala daw nila siya at nagsabi sila ng kung anu-anong magagandang salita tungkol sa kanya. Ganu’n din para sa vice president, secretary, treasurer, atbp.
At marahil napansin ninyo rin na pagkatapos ninyong botohin ang inyong mga opisyal na hindi ninyo kilala ang pagkatao, sinabi ng guro na isa sa mga agenda na pag-uusapan ninyo ay tungkol sa mga project para sa eskuwelahan. Tama, ‘di ba?
BAKIT NGA ba nagiging mangmang ang mga opisyal ng DepEd sa pagbibigay ng permanenteng solusyon sa problemang ito?
Kapag pinairal kasi ng DepEd ang “no more voluntary contributions”, mapipilitan na silang ibigay ang lahat ng pondo para sa mga eskuwelahan at mawawalan na sila ng raket.
Shooting Range
Raffy Tulfo