SUPER HAPPY sina Janno Gibbs at Manilyn Reynes sa pagbabalik-tambalan nila sa drama series about friendship and family na BFF (Best Friend Forver) na dinirek ni Roderick Lindayag ng GMA-7. Ayon sa kanila, matagal na sana silang dapat nagkasama sa isang show kaya lang hindi swak sa kanilang panlasa ang project na inaalok sa dalawa. Nang mabasa ni Mane ang story line, sobra siyang na-excite sa character na kanyang ipo-portray bilang asawa ni Janno. Sa kanilang paghihiwalay at pagkakaroon ng anak na ginagampanan ng lovable star na si Mona Louise Rey magsisimula ang nakaIintrigang kuwento ng BFF.
Natatawa na lang sina Janno at Manilyn nang mapagusapan ang kanilang past relationship nu’ng mga bagets pa lang sila. Madalas daw silang mag-away noon, parang aso’t pusa. Sabi nga ng singer/actor, karamihan sa mga naging girlfriend niya, friends muna bago niya naging syota. Kabaliktaran sa kanila ni Manilyn, naging magkasintahan na nauwi sa pagiging magkaibigan.
Nilinaw ng singer/comedian na walang kinalaman si Bing Loyzaga kung bakit sila nagkahiwalay ni Janno.
Naniniwala si Janno na nandu’n pa rin ang chemistry nila ni Manilyn as loveteam na sinang-ayunan naman ng press. Nag-flashback pa nga nu’ng time na nagsisimula pa lang siyang mag-artista.
“Feeling ko sa career ko, big deal si Manilyn for me. Kasi, nakilala ako dahil sa kanya. Nag-start ako noon, sikat na siya. So noong mag-pair kami, artista na siya bago ako. Unang pasok ko, loveteam namin. Kumbaga, naghihintay ako ng magandang project. At ito nga, ikinuwento sa akin ang story. Okay ito, pang-family, tapos ‘yung mga eksena, nandoon pa rin ang chemistry, ‘yung batuhan namin.”
Kung gaano ka-busy sa TV si Manilyn, tipong namamahinga sa pagtanggap ng offer ang mister nitong si Aljon Jimenez.
“Ayaw muna niyang tumanggap ng TV show, regular si Aljon sa “Pepito Monoloto”. At saka, may bagong food business kaming bubuksan kaya gusto muna niyang mag-concentrate du’n,” paliwanag ni Mane.
Ipinagmalaki ni Janno, hindi lang sa comedy magaling si Mane, maging sa drama bigay na bigay itong umarte. Sa teaser ng BFF, may mga serious moment nga si Manilyn na nagda-drama ito with the singer/actor. Totoo naman, hindi nawawalan ng TV project ang magaling na singer/comedianne. Maging ang box-office director na si Cathy Garcia- Molina ay saludo sa kanyang acting performance sa comedy-drama teleseryeng Got To Believe nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na hataw sa taas ng rating.
Sa BFF, anak nina Manilyn at Janno si Mona Louise Rey as Rachel na magkakaroon ng best friend sa katauhan ni Chelsea (Jillian Ward), isang ghost na palagi siyang pinuprotektahan. Ipapakita sa show na ito ang value of family togetherness, and the joy of having each and every member of the household by our side.
Kasama rin sa cast sina Rez Cortez, Pen Medina, Valerie Concepcion, Ms. Irma Adlawan, Leandro Baldemor, Via Antonio, Hiro Peralta, Mariel Peralta, Miggs Cuaderno, Isabel Frial, Angel Satsumi and Jen-Jen Chubb.
SPEAKING OF Valerie Concepcion, hindi man nito diretsong inamin na may non-showbiz boyfriend na nagpapasaya sa kanya. Masasabing blessed siya ngayon dahil sunud-sunod ang project niya sa Kapuso Network.
Kahit gaano ka-hectic ang taping schedule, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral. Lahat naman daw ng bagay magagawa mo kung gugustuhin.
Kahit in love, priority pa rin niya ang trabaho. Kaya raw siya nagsisikap para sa magandang kinabukasan ng nag-iisa niyang anak.
Maingat na si Valerie sa pagpili ng lalaking kanyang mamahalin. Sana nga sa bago niyang relationship, mauwi sa kasalan.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield