MAGANDA ANG naging takbo ng career ni Manilyn Reynes noong 2014. At sa pagbungad ng 2015, may pambuwena-manong soap kaagad siya, ang Wish Upon A Kiss, kung saan bida ang magka-loveteam na sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali.
Regular pa rin siyang napapanood sa Paborito segment ng Sunday All Stars tuwing Linggo at sa sitcom na Pepito Manoloto, kung saan kasama niya si Michael V.
“Sa Once Upon A Kiss, I play the role of Aurora,” sabi ng aktres. “Ako po ang nanay ni Bianca Umali. Kami ‘yong hindi mayayaman na inaapi-api. Pero ipinaglalaban ko ang anak ko lagi.”
Ang dati niyang naka-loveteam noon at naging boyfriend din na si Keempee de Leon ang gumaganap naman bilang asawa niya rito. Matagal na panahon din silang hindi nakagawa ng project together.
“Okey naman ‘yong pagsasama namin ulit sa trabaho. Ang nangyayari nga, puro kuwentuhan na lang kami, e. Naaaliw na lang kaming magkuwentuhan ba kapag walang scene pa. Gano’n. Tapos kUmustahan. Iba na ang usapan ngayon, e. Kung ano na ‘yong mga nangyayari sa family. Kung kumusta na ‘yong mga bata, ganyan.”
Marami ang nagtatanong… wala na raw bang interes na magbalik-showbiz ang mister niyang si Aljon?
“Uhm… alam n’yo po sa ngayon, hindi naman sa ayaw. Pero siguro hindi pa lang dumarating ‘yong moment na gustung-gustung-gusto. Kasi hindi naman niya isinasara, e. Although marami po siyang projects talaga na hinindian. Pero… hopefully. Hopefully.”
Ano ba ang rason ng pagtanggi ni Aljon sa mga projects na iniaalok for him?
“E, alam mo naman ang asawa ko, mahiyain e,” nangiting sabi ni Manilyn. “Opo! So, minsan parang feeling niya… sige, gusto ko. Pero most of the time, inaatak ng hiya!” sabay tawa pa niya.
Ano ba ang pinagkakaabalahan ni Aljon nowadays?
“Sa ngayon po, inaayos namin ‘yong business namin. ‘Yong sa food ulit. Hopefully e, mai-go namin this year. Kasi nag-stop kami, ‘di ba? Dahil ang dami rin po kasing kailangang gawin. Hopefully po makapag-start kami this year. Ulit.”
Pangalawang ama na ni Manilyn Reynes kung ituring si German Moreno. Kaya talagang nabigla raw siya at maging ang asawa niyang si Aljon nang malaman ang balitang na-mild stroke ito kamakailan.
“Actually ano… tumahimik kami ng asawa (Aljon Jimenez) ko,” aniya. “We found out, nasa fishing kami, e. So, nalaman nga namin ‘yong balita. Kaya… katahimikan. Siguro mga ilang minuto rin iyon, gano’n. And then we started praying for Tito Germs. Tapos magpapa-healing mass din kami for him. Actually kami ng husband ko and ‘yong ibang mga kasamahan namin sa That’s Entertainment before, I’m sure gagawin din nila ‘yong gano’n. No doubt about that. Medyo hiwa-hiwalay lang kami, pero alam n’yo naman kung gaano namin siya kamahal.”
Although bumubuti na ang kundisyon ng beteranong TV host, hindi pa rin daw maiwasan ni Manilyn na makaramdam ng pag-aalala.
“Alam naman namin na conscious din naman siya. But you just don’t know kasi what’s going to happen, e. Iyon lang talaga. ‘Yong ‘pag hindi mo talaga alam kung ano ang mangyayari. No’ng nalaman nga namin, talagang natahimik kami ng husband ko. Iniisip mo ‘yong tao. Tapos… alam mong wala ka namang ibang magagawa kundi ang magdasal. At iyon naman ang unang-unang papasok sa isip mo at sa puso mo… ang magdasal.”
Dahil wala pang pagkakataon na madalaw niya ang binansagang Master Showman ng bansa, sa pamamagitan ng panayam na ito ay isang mensahe ang gusto niyang ipaabot.
“Hindi lang po galing sa akin kundi mula rin kay Aljon, dahil pareho nga kaming galing ng That’s Entertainment. At siyempre mula sa mga bata (kanyang mga anak) rin. Ipinagdarasal po namin Tito Germs na mapabilis po ang paggaling ninyo. Gusto naming pumunta sa ospital. Pero hindi medyo pa nga raw allowed ang visitors. Ang sa amin naman is… gusto naming dalawin siya para suporta. Na nando’n kami para sa kanya. Kahit ‘yong hindi man makita. Hopefully makita niya kami. Pero kung hindi pa rin talaga pupuwede, okey lang basta nando’n kami.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan