ILANG MGA magsasaka ng Quezon province ang dumulog sa inyong lingkod para isumbong ang umano’y malaking panloloko na ginawa sa kanila ni Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso Alcala noong ito’y kongresista ng 2nd district ng Quezon.
Ayon sa dokumentong nakalap ng inyong lingkod na kinabibilangan ng mga sinumpaang salaysay ng labing-anim na magsasakang nagrereklamo laban kay Alcala, ipinalitaw ni Alcala na sila ay nabigyan ng P50,000 bawat isa mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong taong 2008.
Ang nasabing mga pera ay ipinalabas na naibigay umano sa mga naturang magsasaka sa pamamagitan ng foundation na SPADE (Sir Pelagio Alcantara Development Foundation, Inc.).
Ito’y pinatunayan ng mga disbursement voucher na kung saan nakapirma sila bilang testimonya sa kanilang pagkatanggap sa pera.
Sa nasabing mga voucher, nakapirma rin ang presidente ng SPADE na si Claron Alcantara. Pirmado rin ni Alcala ang ilang dokumento na nag-aapruba para sa pag-release ng nasabing pondo – kasama na rito ang statement of receipt and disbursement report.
Pero ayon sa mga nasabing magsasaka, wala ni isang kusing na pera ang sumayad sa kamay nila at pineke lang ang kanilang mga pirma.
At noong Feruary 4, 2013, sa pamamagitan ni Ramon Talaga, Jr., tumatayong representatante ng mga nagrereklamong magsasaka, si Alcala ay sinampahan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa isang source, si Claron Alcantara ay kasalukuyang nagtatrabaho umano sa tanggapan ni Secretary Alcala sa Department of Agriculture bilang kanyang chief of staff. Tuluy-tuloy na naman ang ligaya?!
KAMAKAILAN, INIREKOMENDA ng Senate probe committee na imbestigahan ng Ombudsman ang dating administrator ng National Food Authority na si Lito Banayo at iba pang opisyal na sangkot umano sa anomalyang pagbibigay ng rice import quotas sa mga importer na gumamit ng dummy companies.
Ayon sa imbestigasyon ng Senado, sa pakikipagsabwatan ng ilang opisyal sa gobyerno, namayagpag ang isang rice cartel na siyang nabigyan ng monopoly sa rice import permit. Ang mga pangalang Danilo Garcia, Willy Sy, Danny Ngo at David Tan ang lumilitaw sa imbestigasyon ng Senado bilang mga nasa likod umano ng nasabing cartel.
Bakit hindi rin imbestigahan ng Senado ang pagbibigay ng garlic import quotas ng Bureau of Plant Industry (BPI) sa isang cartel na namamayagpag ngayon? Naipapangalan sa iba’t ibang dummy companies ng cartel na ito ang mga import permit para sa garlic.
Pero ‘di katulad sa rice cartel na inimbestigahan ng Senado at lumitaw na apat ang miyembro, sa garlic cartel nag-iisa lang ang nasa likod nito, ayon pa sa source.
Isang negosyanteng nagngangalang Leah Cruz ang umano’y putok na putok ngayon sa BPI pagdating sa garlic import quotas.
Isang Clarito Barron naman na mismong taga-BPI ang putok na putok din ang pangalan pagdating sa pagbibigay umano ng monopoly sa pinapaburang dummy companies para sa garlic permit.
DAPAT MAHIGPIT na bantayan ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Group Danilo Lim ang Manila International Container Port. Ayon sa mga source, talamak ang smuggling sa pier na ito.
Madali raw makalusot ang lahat ng hocus-pocus dito. Tulad na lang halimbawa noong nakaraang linggo kung saan nakapuslit ang mahigit isang dosenang mamahaling Ducati motorcycles na galing sa Thailand nang halos wala nang binayarang buwis sa sobrang baba ng idineklarang value.
Dagdag pa ng mga source, ang nasabing mga high-end motorcycle ay nakapaloob sa isang 40 foot container na may numerong KKFU7267996.
Shooting Range
Raffy Tulfo