HINDI MAN nanalo sa kanyang laban kay Bradley ang Pambansang Kamao na si Cong. Manny “Pacman” Pacquiao, muli naman nitong ipinamalas ang pagiging matulungin sa kapwa.
Napag-alaman namin sa may-bahay ni Blakdyak na si Twinkle na si Manny ang sumagot sa operasyon sa anak nilang si Kim. Tsika nga ng mabait na may-bahay ni Blakdyak, “Mare, ooperahan na ang anak ko rito sa Marikina Valley Medical Hospital. Nagpapasalamat kami ni Blakdyak kay Cong. Manny Pacquiao. Biruin mo, nasa States siya, pero nagti-text siya at tumatawag sa amin para kumustahin ang anak ko.
“Siya rin ang nagsabi na paoperahan na ang anak ko at siya ang sumagot sa gastusin. Napakabait niya talaga at matulungin.”
Hinding-hindi raw makakalimutan ni Blakdyak at Twinkle ang ginawa sa kanilang pagtulong ni Manny at tatanawin nila itong malaking utang na loob habang sila’y nabubuhay.
KAKAIBA ANG packaging ng album ng magaling na mang-aawit na si Ray “Dr. G” Gapuz , ang “Whispers From the Heart” na mula sa Dr. G Records. Bukod kasi sa kanyang CD, may kasama itong libro na naglalaman ng mga kaalaman para sa magandang pangangatawan, magandang kaanyuan at magandang kalusugan.
Naglalaman ang album ni Ray ng anim na awitin, ang ‘Bakit Miss Kita?’, ‘Kung Kalian’, ‘Huwag Ka lang Mawawala’, ‘ The Greatest Love Of All’, ‘I’ll Be There’, at ‘What Kind Of Fool Am I’, plus bonus na minus one ng lahat ng awitin.
MASAYA ANG young actor na si Teejay Marquez dahil nag-trending siya kahapon worldwide kung saan nasa 7th spot ang #FollowTeejayMarquez sa Twitter Worldwide. Nagpapasalamat daw ito sa kanyang supporters na siyang may kinalaman kung bakit siya nag-trending kahapon.
Ibinalita rin ni Teejay na may dalawa siyang bagong endorsement bukod sa Mario ‘D Boro, Sprinto at Rescuederm, na hindi pa puwedeng sabihin dahil may malaki siyang launching ng nasabing produkto.
Dagdag pa rito ang kaliwa’t-kanan niyang commercial na lumalabas, ang STI, Talk ‘N Text at ang Hersheys Treats na sobrang mabenta ngayon. Nakatakda rin daw itong mag-shooting ng dalawang indie films, ang Basement kung saan makakasama nito sina Kristoffer Martin, Ellen Adarna, Mona Louise, Enzo Pineda, Kevin Santos, Alvin Aragon, Louise Delos Reyes, atbp. At ang pagbibidahan nitong Mohammad/Abdullah na pang-international ang release.
MAY HALONG kaba at excitement daw ang nararamdaman ni Julie Anne San Jose, dahil sila ang napili ni Elmo Magalona ng GMA-7 na magbida sa Together Forever na papalit sa Tween Hearts, at sa Sunday na ang pilot.
Inamin ni Julie Anne na pressured sila ni Elmo dahil top-rating ang show na papalitan nila at almost two years tumakbo sa ere. Ginagampanan nina Elmo at Julie Anne ang role nina Ely at Toyang, respectively. Ang Ely ay galing sa name ni Ely Buendia at si Toyang ay galing sa isa sa mga hit songs ng Eraserheads.
Dagdag pa ni Julie Anne na sana raw ay tangkilikin din ng mga manonood ang kanilang show ni Elmo katulad ng pagsuporta ng mga ito sa Tween Hearts na hangang sa pagtatapos ay sinuportahan ng mga loyal viewers nito at hindi tinalo ng katapat na shows sa rating.
John’s Point
by John Fontanilla