SI MANNY Pacquiao lang pala ang mag-isang dumating nu’ng Sabado. Naiwan sa Amerika si Jinkee at ang mga anak nila. Hindi raw kasi magtatagal dito ang ating Pambansang Kamao dahil baka itutuloy na nila ang pilgrimage sa Holy Land.
Kaya bumalik agad si Manny dahil gusto nitong dalawin ang mga constituents niya sa Sarangani na nasalanta nang husto ng bagyong Butchoy.
Masaya naman ang pagbabalik ni Manny dahil sinundo ito ng mga taong malalapit sa kanya at ng top executives ng GMA-7.
Nagulat nga ang media na nag-cover dahil talagang nakatuon na raw si Manny sa pagbabasa ng Bibliya at kahit nu’ng bago sila mag-breakfast sa Midas Hotel, nagkaroon muna sila ng Bible sharing na sinalihan nina Atty. Gozon at Mr. Jimmy Duavit.
Manghang-mangha raw ang mga reporters at cameramen dahil bihasang-bihasa na nga raw sa pagbabasa si Manny at kabisadung-kabisado raw nito ang mga verses at salita ng Diyos.
Iyon ang magandang pagbabago ni Manny, na lalo siyang lumapit sa Diyos. Kaya magaan ang pagdadala niya ng pagkatalo niya kay Bradley, na kumbinsido naman ang lahat na siya talaga ang panalo.
Kaya karapat-dapat namang bigyan siya ng parangal.
NAKAUSAP NAMIN sa Startalk si Eric Quizon na nasa Hong Kong pa nu’ng mga oras na ‘yun. Pumunta pala siya roon para mag-file ng leave of absence sa pinagtatrabahuan niya roon.
Kailangan daw niyang bantayan si Mang Dolphy na nasa hospital pa rin hanggang ngayon. Pero pabalik na siya ng Maynila dahil gusto niyang nandito siya para i-celebrate ang Father’s Day.
Kuwento niya, may inihanda naman daw silang konting selebrasyon na gagawin nila sa hospital. So far, okay na raw ang kalagayan ngayon ng Comedy King, pero siyempre naka-monitor pa rin silang lahat dahil nasa ICU pa rin ito. Hindi pa nga siya puwedeng dalawin dahil sa mahina raw ang kanyang immune system.
Pero sana tuluy-tuloy na ang pag-improve ni Mang Dolphy, dahil ‘yun naman ang wish ng lahat ng mga anak niya na gusto pa nilang makasama ito nang matagal-tagal. Nagpapasalamat na lang si Eric sa lahat ng nagdarasal at nakaaalala sa kanyang ama.
Sana nga tuluy-tuloy na ang paggaling ng ating Comedy King.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis