KUNG WALANG NAGING pagbabago sa plano, sa Biyernes nang umaga ang nakatakdang pagbabalik sa bansa ni Manny Pacquiao. Natural, isang mainit na pagsalubong na ang nakahanda para sa kanya, bibigyang-halaga ng ating mga kababayan ang kabangisang ipinamalas niya sa buong mundo sa nakaraan nilang laban ni Ricky Hatton sa Las Vegas.
Mismong assistant trainer na niyang si Buboy Fernandez ang nagsabi sa amin na sanay na itong makita at maramdaman ang malalakas na suntok ni Manny, pero aminado ito na kakaiba ang kanyang alaga nu’ng laban nila ni Hatton. Kulang na lang na sabihin sa amin ni Buboy na sinaniban ng kung ano si Pacman.
Totoong pamatay ang kanyang mga suntok, pero maraming nagsasabi na ang tagumpay ni Pacman ay nanggagaling sa matindi niyang pananampalataya sa Diyos.
Mula nu’ng larong-kalye pa lang ang boksing na alam ni Manny ay paladasal na talaga siya. Naglalaan siya ng panahon para sa pag-usal ng panalangin bago siya pumagitna sa ring.
Sa lahat ng kanyang laban, markado ang pagluhod niya muna sa sulok para humingi ng patnubay sa Panginoon sa kanyang pakikipaglaban. Habang nagsisigawan ang kanyang mga tagasuporta, taimtim naman siyang nananalangin.
At hindi lang sa panghihingi ng tulong magaling si Pacman. Pagkatapos ng kanyang laban, hindi rin niya nakalilimutang magpasalamat. Nu’ng nakaraang laban nila ni Hatton ay kapansin-pansing binuhat siya agad ng isang tisoy na miyembro ng Team Pacquiao, pero bumaba si Manny sa pagkakakarga nito, saka tumakbo uli sa sulok at nanalangin.
Bukod sa mga pamatay na suntok ni Pacman, sinasaluduhan namin ang akto ng kanyang pagdarasal bago at pagkatapos ng kanyang laban. Gusto niyang patunayan sa lahat na balewala ang kanyang lakas at kapasidad kung hindi siya papatnubayan ng Diyos.
At palagi niya namang sinasabi, “Lahat ng lakas na meron ako, galing sa Panginoon. Balewala ang lahat ng suntok ko, ang training ko, kung hindi ako papatnubayan ng Panginoon sa mga laban ko.”
DALAWANG LABAN NI Pacman ang personal naming nasaksihan sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas. Sa training pa lang ni Manny, nandu’n na kami nu’ng magharap sila ni Erik Morales.
Bago-bago pa lang siyang natututong mag-computer noon, madalas niyang iparinig sa amin ang mga kantang kinagigiliwan niyang pakinggan pagkatapos ng kanyang training sa umaga sa Griffith Park sa Los Angeles.
Ang mga paborito niyang piyesa noon, mga kanta nina Rey Valera, April Boy Regino, Imelda Papin, Eva Eugenio, Victor Wood at Sharon Cuneta.
Sa madalas naming pagtutok kay Manny, wala kaming masasabi sa matindi niyang paghahangad na magtagumpay. Maraming sakripisyong ginagawa ang Pambansang Kamao, kasama na ang pagsikil sa kanyang pangangailangan bilang lalaki.
Tinanong namin si Pacman, ano ba ang nilalaman ng kanyang dasal bago siya pumagitna sa lona? Sagot niya habang kumakain ng malutong na mansanas na bahagi ng kanyang rituwal pagkatapos ng pagdyi-jogging, “Marami. Pero hindi para lang sa akin, pati ang kalaban ko, ipinagdarasal ko na wala sanang masamang mangyari sa kanya.
“Ipokrito naman ako kung sasabihin kong hindi ko hinihingi ang pananalo, totoo ‘yun. Pero ipinagdarasal ko rin na sana, walang masamang mangyari sa amin ng kalaban ko,” sinsero niyang pahayag.
Bata pa lang si Manny, namumuno na siya sa pagdarasal ng kanilang pamilya. Alas sais nang gabi, kailangang nasa bahay na silang magkakapatid, nagdarasal na, dahil ‘yun ang kinalakihan nila sa pagsubaybay ni Nanay Dionisia.
“Lahat ng meron tayo, lahat ng lakas natin, hiram lang naman ito. Kung hindi tayo gagabayan ng Panginoon, kahit ano pa ang gawin natin, mababalewalang lahat ‘yun,” katuwiran ng Pambansang Kamao.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin