HINDI PALA PINALIGTAS ni DENR Sec. Lito Atienza ang paratang ng opisina ni Manila Mayor Alfredo Lim na na-bangkarote raw ang siyudad ng Manila dahil sa kanya.
Ayaw sanang patulan ni Sec. Lito ang nakaaasar na balita, pero kapag hindi naman daw siya sumagot, baka sabihing totoo. Kaya naglabas na siya ng mga figures para maturete ang nagkalat nito at matutong sagutin ang pagkakalat nila.
“Nasaan na ang iniwan kong P2.6 million after my term? Naka-record ito sa consolidated daily cash position sa city treasurer’s office. Marami kaming collections noong 2008 at base ito sa report ng COA at Depertment of Finance. So, saan nila dinala ang mga iyon? Bakit kailangan nilang mangutang, samantalang kami noon, kahit kailan ay hindi kami nagkulang ng pangsuweldo sa mga empleyado ng city hall at city jail, at laging may pondo para sa health services, sa kuryente at sa iba pang pangangailangan ng siyudad?”
Natawa nga ang dati nang may smiling face na DENR secretary dahil nangangapa nga naman ang siyudad ng Manila, samantalang sa 9 na taon niyang pamumuno rito, sagana sila sa revenue.
“Bakit ako ang sisisihin? Aba’y sila ang magpaliwanag sa bayan kung paano nila ginastos ang naiwan kong pondo at kung bakit kailangang mangutang nang magutang ngayon, dahil hindi namin ginagawa iyan noon?”
MUKHA NA RING nalilinawan si Manny Pacquiao sa payo ni Sec. Lito na sa halip na kumandidato para kongresista ng Saranggani, tumakbo na lang ito sa ilalim ng isang party-list. I-share daw ni Manny ang kanyang galing, talent at sipag, lalo na ang kanyang panahon para ihanda ang mga kabataan sa larangan ng sports. Maraming gustong maging katulad niya, kaya’t hindi lamang mga taga Saranggani ang makikinabang sa kanyang gagawin, kundi ang mga kabataan sa buong Pilipinas. Mas marami, mas mabuti.
Akalain mo, 300,00 votes lang pala ang kailangan at pasok na si Manny sa Kongreso. Muli silang nagkausap ni Manny noong SONA at mukha namang may naporma na itong grupo na tinawag nitong “Pound for Pound Fighter.”
Kailangan niya sigurong balikan ang alaala ng nangyari sa kanya noong matalo siya bilang kongreso ng Gensan. Hindi sakop ng popularidad niya ang pagiging pulitiko. Muling pinaalala sa kanya ang minahal sa kanya ng taong bayan ay ang kanyang pagiging boksingero at hindi pagiging pulitiko.
Kapag sinunod niya si Sec. Lito, mas magiging masaya ang kanyang Mama Dionesia. Sang-ayon din ito na pagkatapos ng laban kay Cotto ay mag-retire na ang anak sa boksing. Sobra-sobrang karangalan at kayamanan ang natanggap ni Manny at mas makatutulong siya sakaling party-list ang pasukin .
Handa na si Mama Dionesia na tulungan ang anak sa kampanya. Sikat na sikat na rin siya ngayon at gagamitin niya ang husay sa pagsayaw habang ikininakampanya si Manny at isisigaw na iboto ang kanyang anak!
Itutuloy rin niya ang pag-guest sa iba’t ibang TV show dahil kailangan din niyang pagbigyan ang iba pang istasyon na may dance portion. Tapos na siya sa Shall We Dance ni Lucy Torres-Gomez at susunod na ang ASAP at Banana Split.
BULL Chit!
by Chit Ramos