KAHAPON, MARTES, June 10, ay umalis si Manny Pacquiao patungong Israel. Doon na raw siya magsi-celebrate ng father’s Day kasama niya ang asawang si Jinky at tatlong anak.
Naiwan sa Gensan (General Santos City) ang bunso niyang si Israel. Baby pa kasi ito at hindi pa puwedeng isama sa pagbiyahe.
Maraming tagahanga niya ang nag-aabang sa muli niyang pagbabalik-telebisyon. Kailan nga ba ulit siya magkakaroon ng TV show?
“Malapit na!” sabi ni Manny nang makapanayam namin kamakakilan sa Pizza Hut outlet sa Ali Mall sa Cubao, Quezon City. “Malapit na. Soon, magti-taping na kami.”
Ayaw pa niyang banggitin kung anong tema ang bagong programang gagawin niya. Abangan na lang daw. Excited na rin daw siya sa kanyang pagsabak bilang coach sa basketball. Bakit nga ba niya tinanggap ito?
“Mahilig ako sa basketball, e. Before boxing, ‘yan ang hilig ko rin.”
Pero mas gusto niyang maging coach na lang at hindi maging basketball player?
“Sa ngayon, focus ako sa pagiging coach. Kasi kailangang kumuha at magbuo ng matibay na team. Kailangang mabuo ‘yong solid team para sa simula ng pagsali ng Kia,” pantukoy niya sa bagong basketball team na binubuo nila sa ngayon.
Ano sa tingin niya ang kanyang maiku-contribute sa larangan ng basketball?
“‘Yong sa basketball naman e, halos similar lang sa boxing. Kailangan, disiplina at matinding training. At siyempre ‘yong mga strategy. Kung mabilis ang strategy mo sa boxing e, magagamit mo rin iyon sa basketball. ‘Yong mga techniques kung paano ba gumawa ng mga opensa at defense. Magiging istrikto tayo sa training,” ng mga basketball players na sasailalim sa kanyang pagiging coach ang ibig niyang sabihin.
Paana kaya niya pagsasabayin ang pagiging congressman at coach sa basketball sa kanyang training sa boxing? By November ay magkakaroon na naman siya ng laban.
“Wala namang magiging problema. Time management lang. At maganda naman dahil dito ang training ko sa Pilipinas. So, hindi ko maiiwan.”
Saan ba gagawin ang next fight niya?
“Malamang sa Macau. Pero wala pang final na makakalaban kung sino ba. Pero ang lugar at ang date, meron na.”
Bakit sa Macau ang napipili niyang lugar para sa kanyang laban? Dahil ba sa malapit ito sa Pilipinas?
“Hindi. Nakataon lang na gusto nila ulit gawin ang laban ko roon. Sila ang nag-raise ng money para makapag-promote doon sa kanilang venue.”
May mga umaasam din na sana raw ay magkaroon din siya ng fight dito sa Pilipinas. Posible kaya ito?
“Winu-work out din natin ‘yan. Na… dito sa Pilipinas. Bago man lang matapos ang career natin sa boxing… na makalaban tayo rito sa Pilipinas.”
Ibinebenta na niya ang kanyang bahay sa Amerika. Marami ang nagtataka kung bakit nagdesisyon siyang ipagbili ito.
“Actually matagal na ‘yan. Matagal na sanang gustong bilhin ‘yong bahay ko, e. Kaso lang, sabi ko… hindi ko muna puwedeng ipagbili dahil hindi ko pa na-finalize ‘yong tatlong bahay na tiningnan ko roon sa Beverly. Kasi bumibili ako ng mas malaki ‘yong lupa roon sa mas mataas na lugar sa may Beverly Hills. Para tanaw mo ‘yong buong LA. Pero hindi ko pa na-closed ‘yong tinitingnan ko. So, hindi ko pa puwedeng ibenta ‘yong bahay. Pero ibibenta ko rin ‘yong kapag na-close deal ko na ‘yong tinitingnan kong bahay.”
Mas mainit pa ngayon ang usapin tungkol sa pork barrel scam. May warrant of arrest na para sa ilang politikong nasasangkot dito. Ano ang masasabi niya kaugnay nito?
“May batas naman tayo. Hayaan nating ipatupad ‘yong batas at sagutin nila ‘yong mga obligasyon nila sa gobyerno. Kailangan pa rin nating sundin ang gobyerno. Dahil kung wala ang gobyerno, paano pa tayo magkakaisa rito?”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan