MASYADONG MATIWALA SA kanyang kapwa si Manny Pacquiao. Mautak siya sa gitna ng lona, hindi niya mapababayaang mabugbog siya ng kalaban. Pero sa totoong buhay, masyadong malambot ang puso at kamao ni Pacman.
Alam namin ang kuwento kung paanong isang araw, nagulat na lang siya dahil ang perang idineposito niya sa isang banko sa Amerika ay wala na pala. Inilabas ‘yun ng pinagkatiwalaan niyang mag-asawa, pineke ng mga ito ang kanyang pirma kaya na-withdraw ang pinaghirapan niyang pera.
“Galit na galit ako. Una, sinira nila ang matagal ko nang tiwala sa kanila. Depression ang umatake sa akin, dahil parang hindi na iba ang turing ko sa kanila.
“Kaibigan ko ‘yung lalaki, kumpare ko pa. Kaya nu’ng malaman ko ang nangyari, para akong talunang boxer na parang gusto ko nang bumagsak sa sobrang depression,” pagtatapat ng Pambansang Kamao.
Nagkaroon ng asuntuhan. Ayaw man niyang gawin ‘yun ay kailangan, dahil sangkot ang pamunuan ng bankong pumayag na mailabas ng mag-asawa ang pera niyang nakalagak du’n.
Pero kung si Pacman lang ang masusunod, gusto na sana niyang patawarin na lang ang mga nanloko sa kanya. Ipinagpapasa-Diyos na lang niya ang problema. Tutal naman, hindi siya nagkulang sa kabutihan sa mga ito.
Naaawa siya dahil matagal na raw sa Amerika ang mag-asawa, may anak ang mga ito na masyadong maaapektuhan. Pero ang payo naman ng kanyang mga kaibigan ay iba.
Bakit, pinulot lang ba niya sa kalye ang apat na milyong pisong nawala sa kanya? Wala rin ba siyang pamilyang kailangan niyang bigyan ng magandang kinabukasan?
Ngayong linggong ito, muling haharap sa korte sa Amerika ang mga akusado. Nasa kanila na ng banko ang problema. Kapag hindi kumilos ang banko, mas matinding kaso ang aabutin nito mula sa boksingero.
Nu’ng huli naming makausap si Pacman, ayaw na niyang magbigay ng anumang komento tungkol sa kaso. Nasa korte na raw ang problema. Kaya anuman ang kalabasan ng paglilitis, kailangan na lang nilang tanggapin ‘yun.
Bago umalis papunta sa Amerika sa katapusan ng buwang ito, pabibinyagan na nila ni Jinkee ang kanilang bunso na si Queen Elizabeth. Biro nga namin, kumpleto na ang pamilya, meron na silang Princess, ipinanganak naman si Queenie.
“Sa February 24 ang plano naming binyag, kailangang mairaos na ‘yun bago ako umalis. Marami akong aasikasuhin sa Amerika para sa nalalapit naming laban ni Ricky Hatton.
“Kailangan kong paghandaang mabuti ang fight na ito. Kailangan kong ikundisyon ang katawan ko, dahil matindihan ang haharapin kong laban,” balita ni Manny.
Sa May 2 na nakatakda ang kanilang laban. May mahigit na dalawang buwan siya preparasyon para sa pagsasalpukan nila ni Hatton.
Pambansang panalangin uli ang hihilingin ni Manny Pacquiao mula sa ating lahat.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin