TALO PA ANG manganganak na babae, hindi na mapakali ang puwet ng mga miron dahil atat nang mapanood ang Battle of the East and West, ang inaabangang sagupaan ng Pinoy’s pride Manny ‘The Pacman’ Pacquiao at ang Briton na si Ricky ‘The Hitman’ Hatton.
Ipinanganak na Emmanuel Dapidran Pacquiao, noong Disyembre 17, 1978 sa Kibawe, Bukidnon, malayong-malayo na nga ang narating ni Pacman.
Mula sa isang binatilyong pumasok sa larangan ng boksing para maiangat ang pamumuhay ng pamilya, siya na ngayong ang itinuturing na No.1 pound for pound boxer sa buong mundo. Hindi lang niya nakamit ang pangarap, binigyan rin niya ng karangalan ang ‘Pinas at ang mga Pinoy all over the world.
Labing-anim na taong gulang nang mag-umpisang umariba ang karir ni Pacman. Sa bawat pagbagsak, buong-tapang siyang bumangon at pinag-ibayo ang pagsasanay hanggang sa siya naman ang maging ‘only man standing’ sa gitna ng ring.
Kasabay ng tagumpay na ito, hindi nakalimutan ni Manny na higit sa pagiging isang boksingero, isa siyang ama sa kanyang mga anak; asawa kay Jinkee na kasama niya sa hirap at ginhawa; kaibigan sa mga taong nandiyan bago at sa kanyang tagumpay; huwaran para sa milyong-milyong umiidolo sa kanyang kagalingan; bayani para sa mga Pinoy ngayong panahon ng kahirapan; at higit sa lahat, anak kay Aling Dionesia na walang-sawang nananalangin para sa tagumpay ng kanyang bawat laban.
Tunay ngang Champ, sa loob man o labas ng ring, ‘yan si Manny ‘Pambansang Kamao’ Pacquiao.