ILANG ARAW na ang nakararaan pero hindi pa rin maka-get over ang maraming Pinoy sa kanilang pagkadismaya sa pagkatalo ni Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather. Lalo na nang nasabi ni Pacman na sa paniniwala niya ay siya dapat ang nanalo.
Umigting ang galit ng mga die hard fans ng Pambansang Kamao at ipinuprotesta ang paniwala rin nilang luto ang desisyon ng mga judges na pumabor sa pagkapanalo ni Mayweather.
Pero naideklara nang panalo si Mayweather. Kahit maglupasay pa sa ngitngit ang mga supporters ni Manny, wala na ring mangyayari kaya dapat mag-move on na.
Kung talo… e, ‘di talo. Ganyan lang talaga ang buhay. Hindi sa lahat ng laban mo ay lagi kang panalo. Darating at darating talaga ang panahon na makararanas ka ng talo. Gaya nga ni Manny. Sa mga nakaraang laban ay nakatikim din naman siya ng pagkatalo. At naibangon naman niya ang kanyang sarili mula rito.
Gusto ni Pacman ng rematch. Ito rin ang apela ng mga tagasuporta niya. Pero meron din namang mga Pinoy na nagsasabi na huwag na. Magretiro na lang siya at ilaan na lang ang kanyang panahon sa pamilya niya at pagiging kongresista.
Paniwala nga rin ng iba, malabo pa raw na magretiro sa boxing si Manny. Sino ba naman daw ang tatanggi sa milyones na dolyar o bilyong pisong kita, manalo o matalo man sa laban? Natalo man daw si Manny kay Mayweather, panalong-panalo pa rin daw ito kung ang pag-uusapan ay ang kinita sa nasabing laban.
Manny has proven himself sa larangan ng boxing. Hindi na mabubura ang markang nagawa at nag-iisa lang ang isang gaya niya.
Nakatatawa lang ‘yong sinasabi rin ng iba na talaga raw nag-iisa lang si Manny. Siya lang daw ang boksingero na pati ang suot na boxing shorts kapag lumalaban ay tadtad ng tatak ng mga produktong kanyang ini-endorse. Na sa nakaraang laban nga raw niya kay Mayweather, hindi lang ang kanyang boxing shorts kundi pati mga suot ng buong Team Pacquiao ay tadtad din ng tatak ng kung anu-anong endorsements ni Pacman.
Wala namang masama do’n. Kumbaga, Manny is just hitting two birds in one stone. Parang… go for the title, go for the money as well. Sa totoo lang naman, sino nga bang aayaw sa mas malaki pang kita, ‘di ba?
NAGAGAWA RAW ni Manny Pacquaio na mai-maximize ang pagiging product endorser niya, ano raw kaya kung gawin din ito ng iba particularly ‘yong mga nananalo sa iba’t ibang international competition?
May ganyan talaga? Ang tanong… pupuwede ba?
Kasi sa basketball halimbawa, alangan namang ang uniform ng Gilas Pilipinas ay may mga nakakatatak na mga produkto?
Gano’n din sa football. Hindi rin uubrang ang uniform ng Philippine Azkals ay may mga pangalan ng iba’t ibang products.
Sa beauty contests, lalong hindi pupuwede. Halimbawa si Megan Young. Pupuwede ba na habang inililipat sa kanyang successor ang Miss World Crown e, tadtad ng logo o tatak ng kanyang endorsements ang suot niyang gown?
Parang sa larangan nga lang ng boxing ito posible. Pero wala namang iba pa sa ating mga Pinoy boxers na nananalo rin sa mga international nilang laban ang nakagagawa nito. Siguro dahil wala namang offer. Kasi kung meron, tatanggi ba sila?
E, si Manny, let’s face it… in demand talaga bilang endorser. Kaya tama lang na go nang go habang may offer.
Kasabihan nga… ang tumatanggi sa grasya, lumalabo ang mata. At walang masama sa paghahangad na lalo pang yumaman basta walang natatapakan o naaagrabyadong sinuman.
‘Yon lang!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan