SA ISANG MAGARBONG party na ginanap sa clubhouse ng isang subdivision kamakailan ay naging sentro ng kuwentuhan ang isang sikat at guwapong batang aktor.
Maraming naliligayahan sa kanyang tagumpay, magaling naman kasi talaga siyang aktor, dapat lang siyang sumikat para magkaroon ng premyo ang kanyang kapasidad sa pagganap.
Pero hindi naiwasan ng grupo ang magbalik-tanaw. Laging bahagi ng isang kuwentuhan ang nakaraan, ang pangkasalukuyan at lumulundag na rin sila nang malayu-layo, para hulaan kung ano ang kahahantungan ng personalidad na pinagtsitsismisan nila.
Sabi ng isang nandu’n, “Mabuti na lang at nakabawi siya agad. Nakapanghihinayang kasi siya. Nu’n kasing medyo hindi maganda ang takbo ng buhay at career niya, nakikita na lang dito sa subdivision ang kotse niya na nakarampa.
“Hindi naman bumabagyo, tuyong-tuyo naman ang lupa, pero nababalaho ang sasakyan niya. Kapag lumalapit na ang mga tanod, nagugulat sila, dahil nandu’n pala si ____(pangalan ng sikat at guwapong batang aktor).
“Lasing na lasing siya, nakatulog na sa kalasingan, kaya wala siyang kamalay-malay na rumampa na pala ang kotse niya,” kuwento ng ka-subdivision ng young actor.
Hirit naman ng isa pang lalaking nandu’n sa umpukan, “Simple pa ang kuwento mo, rumampa lang pala ang sasakyan niya. Tanungin mo ang ibang tanod dito sa atin, nu’ng minsan, e, nakita nilang nakataob ang sasakyan niya sa kalye.
“Totoo, nasa itaas ang mga gulong ng sasakyan, pero wala namang sign ng aksidente. Wala siyang nabangga, wala ring nakabangga sa kanya, pero nakataob ang kotse niya!
“Ganu’n din ang scenario, nasa loob din siya ng sasakyan. Tulog na tulog siya sa kalasingan. Nu’ng minsan nga, e, malapit nang tumawag ng ambulansiya ‘yung mga tanod, kasi nga, ang akala niya, inabutan ng atake sa puso ‘yung nasa loob ng sasakyan!
“Ang maganda naman sa kanya, kapag ginigising na siya ng mga tanod, e, agad siyang nagigising. Ihinahatid na lang siya nu’ng mga tanod, palaging ganu’n ang nangyayari sa kanya noon,” kuwento ng isa pang miron sa kuwentuhan.
Pero ilang taon nang hindi nangyayari ang ganu’n, maayos na ang takbo ng buhay at career ng sikat at guwapong young actor, ipinapalagay na lang ng mga nandu’n na dumaan sa isang masalimuot na estado ang buhay ng batang aktor nu’ng pahiwalayin sa kanya ng mga magulang nito ang isang young actress na minahal niya nang todo.
Ngayon ay ipinagmamalaki na nila ang sikat na young actor, “Ka-subdivision namin siya! Hindi siya suplado, kapag nakikita namin siya, kumakaway siya, bumabati siya sa amin, saka mabuti siyang anak sa parents niya!” kambiyo ng mga ka-subdivision ng guwapo, sikat at magaling na batang aktor.
EWAN KUNG SERYOSO si Manny Pacquiao o nagbibiro lang, pero nu’ng minsang tanungin siya kung ano ang komento niya sa sinabi ni Freddie Aguilar na Ingles siya nang Ingles, pero mali-mali naman ay ganito ang kanyang pahayag.
“Okey lang ‘yun, wala naman sa akin ‘yun. Pinalaki kami ng mga magulang namin na maging magalang sa matatanda, kaya okey lang ‘yun,” sabi ni Pacman.
Doble ang tulis ng sinabi ng Pambansang Kamao. Magalang siya sa matatanda, isang magandang kulturang Pinoy na marami pa ring nagpapahalaga ngayon.
Pero kung lalagyan ng ibang pakahulugan ang kanyang sinabi ay puwedeng maging iba ang interpretasyon nu’n. Puwedeng isipin na matanda na kasi si Ka Freddie, kaya pagbigyan na lang, dahil kapag tumatanda na kasi ang tao ay nagkakaroon ito ng kakaibang ugali na mahirap intindihin.
At wala namang makaliligtas sa pagtanda, ang mahalagang tanong lang, meron ba naman tayong pinagkatandaan?
‘Yun ‘yun!
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin